Sulitin ang extended na pagpaparehistro
ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | October 1, 2021
Matapos ang ilang araw na kaguluhan dahil sa paghahabol ng marami nating kababayan na makapagparehistro ay nakumbinse na rin ang Commission on Election (Comelec) na palawigin na ang itinakdang araw ng pagpaparehistro.
Ito ay nakatakdang ipagpatuloy sa darating na Oktubre 9 hanggang 31 matapos na maisagawa ang filing of candidacy ng mga nais pumalaot sa halalan sa darating na Oktubre 1 hanggang 8 ng taong kasalukuyan.
Inanunsiyo mismo ni Comelec chairperson Sheriff Abas, noong Miyrekules ng hapon na sumang-ayon na umano ang Comelec na payagan ang pagpapalawig ng pagpaparehistro ng mga nais bumoto hanggang katapusan ng Oktubre.
Ang lahat ng ito ay resulta ng sobrang pressure na dinanas ng Comelec mula sa Kongreso, Senado, radyo, telebisyon at sa mismong mga botante na nais magparehistro para makaboto ngayong eleksiyon sa Mayo 9, 2022, ngunit kinapos na ng panahon dahil sa epekto ng pandemya.
Ang anim na Comelec commissioners sa pangunguna ni chairperson Sheriff Abas ay nagsagawa ng agarang pagpupulong at pormal nang naglabas ng anunsiyo hinggil sa pagpayag ng komisyon sa pagpapalawig ng halalan.
Matatandaang naging matigas ang Comelec sa kanilang paninindigan na hinding-hindi umano nila iuurong ang itinakdang deadline ng voter’s registration na dapat noong nakaraang Septyembre 30, ngunit dahil palakas nang palakas na kahilingan ng publiko ay wala silang nagawa.
Maging si Comelec spokesperson James Jimenez ay nagpahayag din na matapos umano ang isinagawa nilang konsultasyon sa ilang opisyal ng Comelec at upang mapagbigyan ang pakiusap ng publiko ay napagkasunduan nilang palawigin na ang pagpaparehistro.
Nagsumite ng kaukulang batas ang Senado at ang House of Representative na nag-aatas sa Comelec na palawigin pa ang pagpaparehistro ng mga botante kasunod ng pagmamatigas noong una ng Comelec na hindi na ito palalawigin pa kahit ano’ng mangyari.
Wala namang nakitang pagtutol sa panig ng Palasyo dahil maging sila ay ramdam ang labis na pakiusap ng taumbayan na bigyan pa sila ng pagkakataong makapagpatala sa Comelec upang magamit naman nila ang kanilang karapatang makaboto.
Samantala, ang tatlong linggong pagpapalawig ay para lamang sa local voter registration at hindi kabilang ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs) at iba pang Pinoy abroad na nagparehistro na bilang botante mula sa ibang bansa.
Ayon sa paliwanag ng Comelec, posibleng isang linggo lamang ang maibibigay na extension para sa mga overseas voters dahil sa mas nauna umano sila ng isang buwan sa pagpaparehistro at kalabisan na kung madadagdagan pang muli, pero puwede ring pagbigyan ang isang buwan kung igigiit ng mga Pinoy abroad.
Napag-alaman pa na ang paghahanda ng Comelec para sa overseas absentee voting para sa 2022 national at local elections ay isang buwan nang nauna sa ibang bansa at napakaliit na ng porsiyentong inaasahan na hahabol pa sa pagpaparehistro.
Nagsimula lang naman kasi ang gusot hinggil dito nang tablahin ng Comelec ang kahilingan ng ilang grupo at mambabatas na palawigin pa ng pagpaparehistro dahil napakarami ng mga botante ang hindi nakapagparehistro dahil sa lackdown bunga ng pandemya.
Habang palapit nang palapit ang unang deadline ng pagpaparehistro ay patuloy ang pagdagsa ng tao sa tanggapan ng Comelec at mga lugar ng satellite registration dahil naghahabol na baka hindi na umabot sa pagpaparehistro.
May ilan tayong kababayan na madaling araw pa lamang ay nakapila na para lamang sa pagpaparehistro na ang ibig sabihin ay marami ang nais na makaboto, ngunit tila pinagmamaramutan pa ng Comelec sa kanilang karapatan.
Sa ngayon ay mahigit sa 62 milyong Pinoy ang rehistrado na at handang bumoto para sa darating na national at local elections, noong nagdaang 2019 midterm elections ay nasa 61,843,771 lamang ang registered voters.
Lubhang napakalayo ng bilang na ito sa inaasahang bilang ng mga botante ng Philippine Statistics Authority (PSA) na tinatayang aabot umano sa 73 milyong Pinoy na handa at gustong bumoto para sa darating na 2022 elections.
Kung inyong natatandaan na noong nakaraang linggo ay nagmatigas talaga ang Comelec dahil malaking abala umano ito sa kanilang paghahanda para sa grupo ng mga botante base sa kani-kanilang presintong kinabibilangan hindi pa kabilang ang pagkokondisyon ng mga counting machine.
Kaya nga umabot pa na maging ang Senado ay ipinagpaliban ang deliberasyon ng Comelec proposed 2022 budget dahil nga sa mariing pagtanggi ng Comelec ngunit sa huli ay nanaig din ang kagustuhan ng taumbayan.
Mabuti ang dulot ng pagpapalawig na ito ng Comelec dahil sa marami ang hindi agad nagparehistro dahil sa hindi pa natuturukan ng bakuna at ngayong bakunado na ay handa na silang makipagsabayan sa mga taong nais magparehistro.
Kaya sa Comelec, marami salamat at nakita ninyo ang halaga ng pagpapalawig ng pagpaparehistro na ilang araw din ninyong ipinagkait, eh, puwede naman pala!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com





Comments