SUE AT MARIS, BINABOY SA SOCMED, MAGDEDEMANDA

ni Ador V. Saluta - @Adore Me! | January 28, 2021

Agad na umaksiyon ang ABS-CBN sa reklamo ng dalawa nilang contract stars na sina Maris Racal at Sue Ramirez kaugnay ng fake photos ng dalawa na kumakalat online.
Masasabing fake photos dahil halata namang dinoktor (o binago) ito para magmukha silang walang suot o nakahubad.
Sa isang ibinahaging statement nitong Tuesday (January 26), kinondena ng ABS-CBN at Star Magic (ang talent agency na humahawak kina Maris at Sue) ang malisyosong pag-edit sa piktyur ng dalawang aktres na ikinalat sa socmed.
"[We] condemn the act of illegally manipulating photos of celebrities or anyone, which is a form of gender-based online sexual harassment under RA11313 or The Safe Spaces Act," bahagi ng inilabas na statement ng Kapamilya Network.
Dagdag pa rito, plano ng ABS-CBN na magsampa ng kaso sa mga patuloy na nagpo-post, nagdi-distribute o nagdu-duplicate ng naturang image.
"We would like to appeal to everyone to stop sharing these fake photos on social media... Everyone should be treated with dignity and respect, even on social media," ayon sa Kapamilya Network.
Nauna rito, inalmahan nina Maris at Sue ang pagpapakalat ng fake nude photos nila sa socmed.
"Kung sino man ang nag-edit nu'n, wala kang utak. Itigil na ang pambababoy sa katawan ng mga babae. Pag-aari namin ‘to. 2021 na, manyak ka pa rin? Magbago na," ani Maris.
Mas galit na galit naman si Sue sa kanyang mensahe sa socmed sa nambaboy sa larawan nila ni Maris.
Sabi nito, “Nakakadiri ka. Sa lahat ng nag-share nito at sa demonyo sa lupa na gumawa at nag-edit ng kababuyan na 'to, nakakatawa ba 'to para sa inyo?!”
Pakiusap niya sa mga netizens, “At 'wag tanga pls. 'Wag basta-bastang naniniwala sa mga nakikita online. Hindi kayo pinalaking utu-uto. Pls. lang? Sumosobra na kayo. Sa mga nakakatanggap ng picture, siguro naman, may delicadeza at respeto kayo enough to know na dapat, hindi na kumalat pa ang pambababoy na ito.”





Comments