ni Ador V. Saluta @Adore Me! | May 25, 2025
Lately, nagkaroon ng bonding ang It’s Showtime (IS) sa Coron, Palawan. Ang masaya sanang pagsasama-sama ng grupo ay nabahiran ng tampuhan sa pagitan nina Vice Ganda at MC Cala Quian o mas kilalang ‘MC’ lang.
Habang nakaupo sila sa beachfront ay isa-isang tinanong ng kanyang mga kasama si Vice.
Ilan sa mga unang naging tanong kay Vice ay tungkol sa red flags niya, kung bakit nagtayo siya ng comedy bar, at iba pa.
Nang si MC na ang nagtanong, wala sa hinuha niyang mauuwi iyon sa seryosong usapan.
Unang tanong ni MC kay Vice ay kung sino ang ayaw niyang maging kamukha paggising kinabukasan.
Diretsong sagot ni Vice kay MC, “Ikaw.”
Sunod na tanong ni MC, “Kung matutulog ka – para maiba ako – kung matutulog ka, sino ang ayaw mong mapanaginipan?”
“Ikaw din,” sagot muli ni Vice.
Tanong ng marami, “Bakit?”
“Buwisit ako sa ‘yo,” natatawa pero prangkang sagot ni Vice habang nakatingin kay MC.
Aniya, “‘Di ba, sabi ko naman kanina, I’m very frank, I’m very blunt? I speak my mind and my heart.”
Kasunod nito ay diniretso ni Vice kung bakit ‘buwisit’ siya kay MC.
Sey niya, “Walang sense of oneness. Kasi nga, ‘di ba? Hindi marunong makisama.
“O, ito na lang, ilabas natin. ‘Pag kayo may rampa kayong grupo, ano’ng mararamdaman n’yo kung ‘yung kasama n’yo, papasok sa kuwarto tapos lalabas kung kailan n’ya bet, tapos hihintayin natin s’ya? ‘Di ba?
“Pagkatapos, may gagawin kayo. Tapos papasok na naman s’ya sa kuwarto. Tapos hihintayin mo na naman s’ya kasi ‘di mo alam kung kailan s’ya lalabas.
“‘Di ba, nakakabuwisit? Kaya tayo nandito to create memories again and to rebond, ‘di ba?
“Kasi nga, hindi na tayo nagkakasama-sama dahil kani-kanya na tayo ng ganap.
“Eh, kung itutulog lang pala natin ‘to o ililigo nang matagal, eh, di sana, ‘di na lang tayo umalis.
“I chose to be with all of you, now. I chose to be with all of you this vacation. Kasi puwede namang kami na lang ulit ng mga nanay ko ang lumabas, ‘di ba? Pero kasi, ‘di ko na rin kayo nakakasama.
“Ta’s pagdating dito, ganu’n pa rin. Parang ugali mo lagi ‘yan, ah?”
Sinubukan ni MC na magpaliwanag kay Vice.
Aniya, “Hindi. Eto, Meme, promise. Eto…”
Hindi pa man natatapos ni MC ang kanyang paliwanag dahil tuluy-tuloy pa ring nagsasalita si Vice, sabi nito kay MC, “‘Di ba nga? Sama-sama. Parang ang hirap-hirap. ‘Di mo naisip may naghihintay sa ‘yo?”
Naglitanya si Vice, binalikan niya ang araw na dumating sila sa Palawan.
“‘Di ba, dumating tayo rito? So, pumasok ka sa kuwarto. Tapos, ikaw pa ‘yung huling-huling lumabas. Natulog ka, nu’ng lumabas ka, gabi na.
“Pero hindi ko na kinukuwestiyon kasi sabi ko, ‘Ahhh, baka kasi pagod,’ kasi bumiyahe tayo, eh. Ginive ko na ‘yun.
“So, si Tonton, nag-aaya nang kumain, ‘di ba? So, ‘di pa ako nagyaya, ‘Sige, kain na tayo,’ kasi kulang pa, ‘di ba?
“Tapos nu’ng dumating ka, tsumika ka tapos kumain muna. So, ‘yung iba, um-order na ng mga merienda.
“So, dahil naka-order ng merienda, ‘kakaantay na makumpleto tayo. Hindi tayo makakapag-dinner agad kasi kakakain lang ng mga merienda, ‘di ba?
“Kasi nga, inaantay natin ang lahat na dumating kung kailan nila gustong dumating. Tapos, pagkatapos nu’n, nag-dinner na tayo.
“Papunta na tayo doon sa isang kuwarto kasi maglalaro na tayo, ‘di ba?
“Nagpadala ka pa ng mahjong. ‘Di ba, sabi mo magma-mahjong tayo dito? Bumalik ka sa kuwarto ulit, tapos bumalik ka alas-dos (2 AM) ng madaling-araw. Parang, ano ‘yun? ‘Di mo iniisip, may nag-aantay sa ‘yo? Na may mga kasama ka na, ‘Ay, nandu’n sila na nag-aantay sila, tapos ako, wala pa.’
“‘Di ba, dapat iniisip mo ‘yun?” mahaba-habang litanya ni Vice.
Dahil ramdam ni MC na may tension, kaagad naman itong humingi ng dispensa.
Maluha-luha niyang sabi, “Eh, sorry naman talaga. ‘Di, kaninang umaga, nag-chat naman ako sa ‘yo.
“Promise, alam mo, that… sa totoo lang, lagi ko kasing… lagi akong… lagi kong gustong ipakita ‘yung best ko sa ‘yo ‘pag kasama kita. Pero bakit sa amin lahat, kay Lassy, ako ‘yung madalas mong napapagalitan?”
Sabat ni Vice, “Iano natin, i-disregard natin ‘yung, ‘Bakit lagi mo akong nasisita?’
“Hindi ba valid ‘yung point ko? Hindi ba valid ‘yung nakakainis ‘yung ginawa mo kahapon?”
May paliwanag muli si MC. Sabi niya, nagtanong naman daw siya sa kasamahan nilang si Tonton kung sinu-sino na ang nasa kuwarto ng mahjongan.
Tanong tuloy ni Vice, “Bakit nagtatanong ka pa ng kung sino pa ‘yung mga nandoon? Kung sino na ‘yung… So kailangang complete casting bago ka lumabas?”
Sagot ni MC, “Di, hindi. ‘Di kasi, naligo ako nang matagal.”
Sey ni Vice, “Exactly my point! Alam mong may gagawin tayong grupo, ‘di ba?
“Magba-bonding nga tayo. Kasasabi mo, naligo ka nang matagal. So, hinihintay ka namin ulit. Eh, bago ‘yun, inantay ka rin namin nang matagal dahil natulog ka rin nang matagal. Inabot ka ng gabi.
“Tapos ‘pag nasita ka ngayon, sasabihin mo, ‘Bakit lagi mo akong nasisita?’ Fair ba ‘yung ginagawa mo sa mga kasama mo?”
Paliwanag pa ni Vice, sa lahat sa kanila ay siya lang ang maaaring manita kay MC.
“Kaya nabibilang mo 'yung sita ko kasi ako nga lang ‘yung puwede, ako lang ‘yung sumisita sa ‘yo. Kasi lahat naman sila, ‘di ka sisitahin, ‘di ba? So, kung hindi ko ipinaramdam sa ‘yo na ang off nu’ng eksena mo, gagawin mo ‘yun lagi.
“Kaya nga tayo nandito, magre-rebond (bonding), ‘di ba? At ikaw ang kausap ko d’yan, ‘di ba? Ang tagal na nating hindi nagkakasama. Nagkakasama lang tayo sa trabaho.
“Hindi na naman nagkakasama. Ta’s ‘pag nagkasama tayo, matutulog ka nang matagal? Ta’s maliligo ka nang matagal? ‘Di ba, nakakairita? At walang magsasabi sa ‘yo nu’n, ako lang.”
Tila naisip ni MC ang kanyang pagkukulang kaya sabi niya kay Vice, “Teh, okey na tayo.”
Sagot sa kanya ni Vice, “Okey na tayo? Ako, okey ako. Ako, okey ako. Gusto ko lang mag-develop 'yung pakikiisa, pakikisama.
“So, ‘yun ang dahilan kung bakit ayaw kitang mapanaginipan. Dahil nainis ako sa ‘yo.”
Sa huli, nauwi rin sa pagpapatawaran at yakapan ang eksena ng magkakaibigan.
Sa mga nakaraang episodes ng IS, makikitang present si MC—patunay na tampuhan lamang ang naganap sa dalawa.