top of page
Anjo sa Pinoy Pawnstar.jpg

Substitute parental authority ng lolo’t lola

Writer: BULGAR
BULGAR
3 hours ago
2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | October 13, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Kami ng asawa ko ang nangangalaga sa aming apat na taong gulang na apo matapos pumanaw ang kanyang ina ilang oras matapos siyang isilang. Sa kabilang banda, ang biyolohikal na ama ng aming apo ay isang lalaking may asawa at may iba pang pamilya, kabilang ang tatlo pa niyang anak. Noong nakaraang taon, iginiit ng ama ng aming apo na ibigay sa kanya ang kustodiya ng bata. Katwiran niya, bilang nag-iisang natitirang magulang, siya ang may karapatan sa bata. Gayunpaman, nag-aalala kami sa kapakanan ng aming apo, lalo na at ang ama niya ay kilalang palainom at walang permanenteng trabaho. May karapatan ba kaming panatilihin ang kustodiya sa aming apo? — Jane





Dear Jane,


Bilang isang anak na “non-marital,” “parental authority” sa inyong apo ay eksklusibong nakatalaga sa kanyang ina. Dahil yumao na ang kanyang ina, ang substitute parental authority bilang mga lolo at lola, alinsunod sa Artikulo 214 at 216 ng Family Code of the Philippines, ang siyang dapat umiral, sa kabila ng pagkakaroon ng bata ng biyolohikal na ama. Sa kaso na Spouses Magdalino Gabun and Carol Gabun, Nora A. Lopez, and Marcelino Alfonso vs. Winston Clark Stolk, Sr. (G.R. No. 234660, June 26, 2023, Ponente: Honorable Associate Justice Antonio T. Kho, Jr.), ipinaliwanag ng Korte Suprema na:  


“Substitute parental authority is granted to the grandparents or the specified persons only in case of death, absence, or unsuitability of both parents. Thus, in situations where only one parent dies, is absent, or found unsuitable, Articles 214 and 216 would find no application.


It must be clarified, however, that the foregoing interpretation finds application only in situations where the father and mother jointly exercise parental authority over the persons of their common children as provided under Article 211 of the Family Code. Where, however, the parental authority is granted solely to the mother as in the case of illegitimate children, the substitute parental authority shall be exercised by the grandparents or the specified persons as provided under Article 214 and 216 of the Family Code, in case of the mother's death, absence, or unsuitability. Indeed, to read otherwise would effectively permit circumvention of the legislative intent to grant sole parental authority to the mother with respect to their illegitimate children.”


Samakatuwid, bilang lolo at lola, ang substitute parental authority ay naaangkop sa pagkamatay ng inyong anak na babae na siyang tanging may-hawak ng parental authority sa inyong apo. Kasama rito ang kustodiya sa kanya. Ang pagiging magulang ng kanyang biyolohikal na ama ay hindi sapat para makuha niya ang kustodiya sa kanyang non-marital na anak. 


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page