Student Loan Moratorium, dagdag-ginhawa sa pamilyang biktima ng sakuna
- BULGAR

- 2 hours ago
- 3 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | August 28, 2026

Sa panahon ng kalamidad, maraming pamilya ang kailangang unahin ang pagkain, tirahan, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan. Para sa mga pamilyang may estudyante, malaking bagay kung mababawasan kahit pansamantala ang kanilang mga obligasyong pinansyal habang nagsisikap silang makabangon.
Kaya patuloy kong binibigyang-diin ang maayos at epektibong pagpapatupad ng Republic Act No. 12077 o Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, kung saan isa ako sa mga may-akda at co-sponsor.
Nilagdaan bilang batas noong December 6, 2024 ang RA 12077. Sa ilalim nito, pansamantalang sinususpinde ang pagbabayad ng student loans kapag ang lugar na tinitirhan ng kwalipikadong estudyante ay nasa ilalim ng idineklarang State of Calamity o State of Emergency. Sakop din ng moratorium ang 30 araw matapos alisin ang naturang deklarasyon.
Napapanahon ang batas dahil may mga probinsya at lokalidad na naapektuhan ng malawakang pagbaha, habagat, at mga nagdaang bagyo na inilagay sa ilalim ng State of Calamity.
Ang importante, alam ng ating mga estudyante at kanilang mga pamilya kung paano nila ma-a-avail ang benepisyong ito. Batas na ito at dapat nilang maramdaman ang tulong na ipinagkaloob nito, lalo na sa panahon ng sakuna at emergency.
Kapag may bagyo, baha, lindol o iba pang kalamidad, maraming pamilya ang inuuna muna ang pagkain, bahay, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan. Hindi dapat maging dagdag na problema sa kanila ang pagbabayad ng student loan habang sinusubukan nilang makabangon.
Sa panahon ng sakuna, mahalaga ang bawat tulong na makababawas sa iniisip ng ating mga kababayan. Kaya naman bilang inyong senador, prayoridad ko ang mga batas at programa na nakatutok sa kapakanan at kaligtasan ng mga Pilipinong apektado ng kalamidad.
Kabilang dito ang Republic Act No. 12076 o Ligtas Pinoy Centers Act para sa pagtatayo ng permanenteng evacuation centers sa buong bansa. Dapat unahin at tiyaking may sapat na pondo para sa pagpapatupad nito. Sa panahon na palaging nahaharap ang ating bansa sa bagyo, baha, lindol at iba pang sakuna, kailangang may ligtas, maayos at permanenteng masisilungan ang ating mga kababayan sa oras ng peligro.
Dapat gamitin at ituon ang pondo ng gobyerno sa mga programang direktang nagpoprotekta sa buhay ng mga Pilipino. Ang pagtatayo ng Ligtas Pinoy Centers ay isang mahalagang investment sa kaligtasan at disaster preparedness ng ating mga komunidad, kaya dapat itong maging prayoridad sa paglalaan at paggamit ng pondo.
Patuloy ko ring isinusulong ang Department of Disaster Resilience bill, Senate Bill No. 669 na naglalayong magbigay ng hazard pay sa disaster response personnel at volunteers, at Philippine Building bill upang mapalakas ang resilience ng ating mga gusali laban sa sunog, baha, bagyo, lindol at iba pang panganib.
Samantala, tuloy lang ang ating pagtulong sa mga kababayan nating nangangailangan sa abot ng ating makakaya. Nitong August 17, personal tayong nagbigay-tulong sa 154 biktima ng sunog sa Malate, Manila, sa kabila ng malakas na ulan.
Noong August 19, tinulungan din natin ang 118 benepisyaryo na nawalan ng tahanan dahil sa sunog sa Pasay City.
Noong August 20, inimbitahan tayong dumalo sa Liga ng mga Barangay Congress-Catanduanes Chapter, kung saan binigyang-diin natin sa ating mga opisyal ng barangay ang kanilang mahalagang papel sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa komunidad.
Nito namang August 24, muli tayong bumisita sa mga kababayan nating nasunugan sa Brgy. 106 at Brgy. 107 sa Pasay City para mag-abot ng agarang tulong para sa kanila.
Noong nakaraang linggo, nagpaabot din ng tulong ang ating Malasakit Team sa iba't ibang kababayang nangangailangan. Agad nilang tinulungan ang mga biktima ng sunog sa Roxas City, Capiz; San Carlos City, Negros Occidental; Burauen, Leyte; Davao City; at Zamboanga City.
Dahil sa mga nagdaang malalakas na pag-ulan sa Metro Manila at iba pang bahagi ng Pilipinas, natulungan din ang iba't ibang pamilyang naapektuhan, kabilang ang mga biktima ng landslide at habagat sa Baguio City; Malolos City, Paombong, Calumpit, Guiguinto, at Bulakan, Bulacan; Dinalupihan, Bataan; Biñan City, Laguna; Nampicuan, Nueva Ecija; Narvacan, Ilocos Sur; Sta. Barbara, Pangasinan; Candaba, Macabebe, Minalin, at Guagua, Pampanga; at mga biktima ng landslide sa Atok at La Trinidad, Benguet.
Nakatanggap din ng tulong mula sa ating team ang mga indigent na residente sa Pasig City. Bukod dito, nabigyan din ng tulong ang mga iskolar mula sa Floridablanca, Pampanga; Cebu City; at Lupon, Davao Oriental.
Bilang inyong Mr. Malasakit, patuloy akong magseserbisyo sa ating kapwa Pilipino sa abot ng aking makakaya dahil bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments