top of page
TEKA NGA - KIM, BIGLANG INIWAN ANG CAREER SA ‘PINAS PARA TUMIRA SA CANADA_IG _chinitaprinc

Romualdez pinayagan sa virtual hearing; Estrada at Marcoleta, puwede rin online sa impeachment trial ni VP Sara?

Writer: BULGAR
BULGAR
46 minutes ago
2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | October 12, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


DAHIL PINAYAGAN NG SANDIGANBAYAN SI ROMUALDEZ SA VIDEO CONFERENCING SA KANYANG KASO, MARAHIL PUWEDE NA RIN HUMILING SINA SEN. ESTRADA AT SEN. MARCOLETA NA MAKADALO SA IMPEACHMENT PROCEEDINGS SA PAMAMAGITAN DIN NG VIDEO CONFERENCING — Pinayagan ng Sandiganbayan ang hiling ni former Speaker Martin Romualdez na dumalo ito sa kanyang hearing sa kasong plunder sa pamamagitan ng video conferencing.


Dahil dito, puwede na rin marahil humiling sa Sandiganbayan sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Rodante Marcoleta, kapwa nakakulong sa kasong plunder din, na makadalo sila sa impeachment proceeding kay Vice President Sara Duterte sa pamamagitan din ng video conferencing, boom! 


XXX


KAPAG SABLAY ANG MAGIGING BOTO NG MGA RE-ELECTIONIST SENATORS SA IMPEACHMENT KAY VP SARA, MAAARING IKATALO NILA ITO SA 2028 ELECTION — Para sa House prosecution panel ay naglabasan na raw ang mga matitibay na ebidensya laban kay Vice President Sara Duterte, pero ayon naman sa depensa ay mahina raw ang mga ebidensya laban sa Bise Presidente.


Sa totoo lang, hindi naman tanga ang mayorya ng mamamayang Pinoy na nakatutok sa impeachment proceedings laban kay VP Sara.


Ang nais nating ipunto rito ay dapat maging maingat ang mga senator-judge sa ibababa nilang hatol kay VP Sara, lalo na sa mga re-electionist senators sa 2028 election kasi kapag nakita ng taumbayan na sablay ang naging boto, maaaring magdulot ito ng pagkatalo sa kanila sa darating na halalan, period!


XXX


DAPAT PATUNAYAN NI VP SARA NA WALA SIYANG NATATANGGAP NA PONDO SA CHINA AT KAPAG NANGYARI 'YAN, MALAMANG ANG GALIT NG MGA MANGINGISDA KAY TRILLANES MABALING — Nagalit ang mga mangingisda kay VP Sara kaugnay sa ibinulgar ni former Sen. Antonio Trillanes na tumatanggap ng pondo mula sa China ang bise presidente.


Sa isyung ito, dapat harapin ni VP Sara ang mga lider na mangingisda sa bansa at ibigay ang kanyang panig. Kapag nakumbinsi ng Bise Presidente na fake news ang ibinulgar ni Trillanes, maaaring mabaligtad ang sitwasyon, mawala ang galit nila sa Bise Presidente, at ang galit nila ay mabaling sa dating senador. Boom!


XXX


DAPAT DUMALO SI LEVISTE SA ARRAIGNMENT NG KANYANG KASO SA OCT. 26 PARA HINDI SIYA MAIDEKLARANG PUGANTE SA ‘PINAS — Hindi na muna idineklara ng Department of Justice (DOJ) na pugante si Batangas 1st Dist. Rep. Leandro Leviste kaugnay sa kinakaharap nitong kasong paglabag sa Public Service Act na may kaugnayan sa pagkabigo ng kongresista na makapag-supply ng solar energy sa pamahalaan.


Ayon kasi sa DOJ, may due process naman silang ibinibigay kay Leviste, na dapat daw dumalo ito sa arraignment ng kanyang kaso sa Oct. 26, 2026.


Kumbaga, parang sinabi na rin ng DOJ na kapag inisnab ni Leviste ang pagharap sa kanyang kaso, ay doon na siya puwedeng ideklara ng gobyerno bilang pugante sa bansa, period!




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page