Stepson na sumabog sa galit, amain pinagsasaksak
- BULGAR

- Jul 12, 2025
- 8 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | July 12, 2025
ISSUE #358
Si Luisito, ang yumaong kinakasama ni Evelyn, na ina ni Ramon.
Ang ginawang pagmamalupit umano ni Luisito kay Evelyn, ang dahilan kung bakit nagawang pagsasaksakin ni Ramon ang kanyang amain, na naging sanhi ng hindi-inaasahang pagwawakas ng buhay ni Luisito.
Ang ginawa ba ni Ramon ay makatarungan? At nakamit kaya ng kaluluwa ni Luisito ang katarungan?
Samahan ninyo kami sa aming pagbabahagi ng mga pangyayari sa kasong People of the Philippines vs. Ramon Claveria Vargas (CA-G.R. CR-HC NO. 17254, Mayo 31, 2024, sa panulat ni Honorable Court of Appeals Associate Justice Myra V. Garcia-Fernandez [Eighth Division]) upang malaman n’yo ang kasagutan sa mga nabanggit na katanungan.
Kasong murder ang inihain laban kay Ramon sa Regional Trial Court (RTC) ng Lucena City, dahil sa paratang na pananaksak nang merong pagtataksil, na naging sanhi ng daglian na pagpanaw ni Luisito.
Naganap ang naturang insidente noong ika-8 ng Nobyembre 2012, sa Sariaya, Quezon. Habang nanatili namang at-large si Ramon, hanggang sa siya ay madakip noong ika-7 ng Abril 2014.
Batay sa testimonya ng isa sa mga saksi para sa tagausig na si Ariel, tiyuhin ni Ramon. Siya umano ay nakikipag-inuman sa labas ng kanyang bahay, bandang alas-6:00 ng gabi, noong ika-8 ng Nobyembre 2012.
Ang ilan sa mga kainuman niya ay sina Luisito, Bitoy, Ronel at Ruel. Si Luisito ay nakaupo umano sa bandang kanan ni Ariel. Nang bigla na lamang dumating ang pamangkin niya na si Ramon, at agad na sinaksak sa likuran si Luisito, na agad namang tumakbo sa bahay nito.
Dali-dali umanong pumasok si Ariel sa kanyang bahay upang kunin ang kanyang mga anak. At agad niyang ipinagbigay-alam ang malagim na insidente sa kapitan ng kanilang barangay, at agad na umuwi upang kumuha ng sasakyan na magdadala kay Luisito sa pagamutan.
Subalit, inabutan niya na wala nang buhay ang biktima. Diumano, walang naging pag-uusap o pagtatalo sa pagitan nina Ramon at Luisito bago maganap ang pananaksak.
Hindi rin umano alam ni Ariel kung ano ang dahilan para saksakin ni Ramon ang amain, bagaman alam niya na kinakasama ng ina ni Ramon si Luisito. Gayunpaman, hindi umano napigilan ni Ariel ang pananaksak, sapagkat maging siya ay nagulat din sa mga pangyayari.
Batay naman sa testimonya ni Merlito, isa pang tiyuhin ni Ramon na tumayo rin bilang saksi para sa tagausig, kasama siya na nakikipag-inuman noong gabi ng insidente, at may dalawang metro umano ang layo niya kay Luisito.
Diumano, bigla na lamang dumating si Ramon at sinuntok si Luisito. Napatakbo umano si Luisito sa loob ng bahay ni Ariel, subalit hinabol pa rin siya ni Ramon at pinuntirya ng “gulukan” o isang uri ng kutsilyo.
Hindi umano alam ni Merlito kung ilang beses sinaksak ni Ramon si Luisito, sapagkat dali-dali umano siyang umuwi kahit na nagaganap pa ang malagim na insidente.
Habang si Ariel naman ay nagtago umano sa loob ng bahay nito, at ang iba pa nilang mga kainuman ay bigla rin nagtakbuhan.
Maging siya ay hindi rin alam kung ano ang maaaring dahilan ni Ramon sa pag-atake nito kay Luisito. Wala rin umanong naging palitan ng salita sa pagitan ng salarin at biktima habang nagaganap ang pag-atake.
Hypovolemic shock, ang sanhi umano ng pagkamatay ni Luisito. Anim na sugat ang tinamo ng biktima, at ang saksak sa kanyang dibdib ang pinakamalubha.
“Not guilty” ang naging pagsamo ni Ramon sa mababang hukuman.
Giit niya, wala siyang intensyon na paslangin ang kanyang amain. Pinoprotektahan lamang umano niya ang kanyang ina at ang kanyang sarili.
Batay sa testimonya ni Ramon, siya ay nasa kanilang bahay noong petsa ng insidente. Dumating doon ang kanyang ina na si Evelyn, at nagsabi na susunduin diumano nito si Luisito na noon ay nasa bahay ni Ariel.
Dahil meron umano siyang pag-aagam-agam bunsod ng mga nakaraan na pananakit ni Luisito kay Evelyn, sinundan ni Ramon ang kanyang ina sa bahay ni Ariel. Nakita umano ni Ramon nang ayain ng kanyang ina na umuwi si Luisito, subalit tugon na mga suntok ang ibinigay nito kay Evelyn. Kung kaya’t dali-dali umano niyang nilapitan ang kanyang ina at pinigilan si Luisito. Ikinagalit diumano ito ni Luisito, at pati siya ay sinuntok nito sa dibdib, dahilan upang sila ay magkaroon ng palitan ng mga suntok. Bigla na lamang diumano na umatras si Luisito at bumunot ng gulukan. Sinunggaban niya umano ang kamay ni Luisito at habang sila ay nagpapangbuno para sa nasabing patalim ay biglang nasaksak si Luisito.
Nasaksihan diumano nina Evelyn, Ariel at Merlito ang pangyayari. Subalit napag-alaman diumano ni Ramon na napilitan sina Ariel at Merlito na tumestigo laban sa kanya, dahil merong mga banta sa buhay ng dalawang saksi mula sa mga kamag-anak ni Luisito na umano’y mga hired killers.
Pinatotohanan ni Evelyn ang testimonya ni Ramon. Dagdag pa ni Evelyn, hindi niya umano maiwan si Luisito sa kabila ng mga pananakit nito, sapagkat nagbanta umano ito na papatayin nito ang kanyang anak.
Matapos ang pagdinig, ipinroklama ng RTC, noong ika-6 ng Setyembre 2022 na “Guilty beyond reasonable doubt” para sa krimeng murder si Ramon.
Parusa na reclusion perpetua ang ipinataw sa kanya, kabilang na ang pagbabayad-pinsala at danyos sa mga naulila ng biktima.
Sa pagnanais na mabaliktad ang kautusan ng RTC, agad na naghain ng kanyang apela si Ramon. Siya ay inireprisinta ni Manananggol Pambayan S.W. Gonzales-Lafuente mula sa aming PAO-Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS).
Iginiit ng depensa na nararapat na ipawalang-sala si Ramon, sapagkat hindi umano napatunayan ng tagausig ang lahat ng mga elemento ng krimen na murder. Mali rin umano ang mababang hukuman nang bigyang-halaga nito ang paiba-ibang testimonya ng mga saksi ng tagausig, at hindi bigyang-halaga ang depensa ng pagtanggi ng inakusahan.
Sa desisyon sa apela ni Ramon, binigyang-diin ng Court of Appeals (CA) Manila, na kinakailangan na mapatunayan ang bawat elemento ng krimen na murder: Una, na merong biktima na napaslang; ikalawa, ang inaakusahan ang pumaslang sa biktima; ikatlo, na merong alinman sa mga qualifying circumstances na nakasaad sa Artikulo 248 ng Revised Penal Code; at ikaapat, na hindi parricide o infanticide ang naganap na pamamaslang.
Para sa ikatlong elemento, ang isa sa mga qualifying circumstances sa krimen na murder ay treachery o pagtataksil, upang masabi na merong pagtataksil, mahalaga na mapatunayan ang mga sumusunod na elemento:
(1) the employment of means, method, or manner of execution which tend to ensure its execution and which would ensure the offender's safety from any retaliatory act or defense by the offended person;
(2) the means or method used was deliberately adopted by the offender.
(People v. Boringot, G.R. No. 245544, March 21, 2022, citing People v. Roelan, G.R. No. 241322, September 8, 2020)
Napuna ng CA Manila, na hindi umano naisaad sa paratang laban kay Ramon, kung ano ang mga partikular na pangyayari na nagpapakita na gumamit siya ng pamamaraan sa pamamaslang na sadyang nakatulong upang masiguro ang pagsasakatuparan ng krimen nang walang panganib sa kanya mula sa anuman na maaaring pagdedepensa ng biktima.
Ayon sa appellate court, ang pangkalahatan na pahayag sa paratang na “with treachery”, o “qualified by treachery” ay hindi umano sapat.
Subalit, dahil hindi umano kinuwestiyon ni Ramon ang pagkukulang na iyon, kinokonsidera na na-waive o naipaubaya na ni Ramon ang kanyang karapatan na kuwestiyunin pa iyon.
Gayunpaman, hindi nakaiwas sa mapanuring pag-iisip ng hukuman ng mga apela ang pagkakasalungat ng mga testimonya nina Ariel at Merlito, partikular na sa pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa naganap na insidente.
Binigyang-diin ng hukuman ng mga apela na napakahalagang salik ang pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari sa insidente ng pamamaslang, sapagkat dito maitataguyod kung meron nga bang pagtataksil o wala.
Naging kapuna-puna sa CA Manila na sa testimonya ni Ariel sa hukuman, sinabi niya na siya ay nakikipag-inuman kasama ang biktima, si Merlito at iba pa nang biglang dumating si Ramon, at sinaksak ang biktima sa likod nito. Habang sa testimonya naman ni Merlito, sinabi nito na sinuntok diumano muna ni Ramon ang biktima, dahilan upang mapatakbo ito sa sala ng bahay ni Ariel.
Hindi pa umano hawak ni Ramon ang gulukan sa punto na iyon. Nakasukbit pa umano ang gulukan sa likod na bewang na bahagi ng shorts ni Ramon. Hinabol umano ni Ramon ang biktima sa loob ng nasabing bahay at doon na pinagsasaksak ang amain.
Sa sinumpaang salaysay naman nina Ariel at Merlito na isinumite ng tagausig bilang ebidensya, kapwa nilang inilahad na habang sila ay nag-iinuman bigla na lamang umanong dumating si Ramon at sinuntok ang biktima sa likod nito, dahilan upang tumakbo umano ang biktima sa loob ng bahay ni Ariel.
Hinabol diumano ni Ramon ang biktima sa loob ng nasabing bahay bitbit ang gulukan at makailang-ulit na pinagsasaksak ang biktima.
Ang pagkakasalungat ng mga testimonya nina Ariel at Merlito sa hukuman, pati na ang kaibahan ng nilalaman ng kanilang sinumpaang salaysay sa kanilang testimonya sa hukuman, ay nagdulot ng pag-aalinlangan sa isipan ng hukuman ng mga apela kaugnay sa alegasyon ng paggamit ni Ramon ng sirkumstansya na pagtataksil sa pamamaslang sa kanyang amain.
Ipinaliwanag din ng appellate court na hindi maaaring masabi na merong pagtataksil sa pagpatay kung ang biktima ay nagkaroon ng pagkakataon na makatakas o makaalpas, o dumepensa para sa kanyang sarili, tulad na lamang sa mga sitwasyon na merong naunang mainit na argumento, suntukan o habulan sa pagitan nila ng salarin bago maganap ang mismong pag-atake at pamamaslang sa biktima.
Taliwas din umano sa alegasyon ng pagtataksil ang katotohanan na merong presensya ng ibang tao na maaaring magbigay ng tulong o saklolo sa biktima, tulad na lamang ng presensya ng mga kainuman ni Luisito noong naganap ang malagim na insidente.
Sa pagtataguyod diumano ng paratang na merong pagtataksil, kinakailangan na mapatunayan na sadyang pinili ng salarin ang pamamaraan ng pagsasakatuparan ng krimen nang may paniniguro sa kanyang kaligtasan kung sakali man na gumanti o dumepensa ang biktima.
Sa kaso na inapela ni Ramon, hindi kumbinsido ang hukuman ng mga apela na isinagawa niya ang pananaksak sa kanyang amain nang merong pagtataksil o pagtatraydor. Gayunpaman, hindi pa rin makatarungan ang kanyang ginawa na nagdala kay Luisito sa kanyang kamatayan.
Kung kaya’t noong ika-31 ng Mayo 2024, ipinroklama ng CA Manila ang desisyon, kung saan ang naunang desisyon ng RTC ay nagkaroon ng pagkakaayos.
Ang naging hatol ay “Guilty beyond reasonable doubt” si Ramon para sa krimen na homicide sa ilalim ng Artikulo 249 ng Revised Penal Code.
Pagkakakulong ng 8 taon at isang araw na prision mayor, bilang minimum, hanggang 14 na taon, 8 buwan, at isang araw na reclusion temporal, bilang maximum, ang parusa na ipinataw sa kanya ng CA Manila. Ipinag-utos din ng hukuman ng mga apela ang pagbabayad-pinsala at danyos sa mga naulila ni Luisito, na merong karagdagang anim na porsiyento na interes bawat taon mula sa petsa na naging pinal ang nasabing hatol hanggang sa mabayaran ni Ramon ang kabuuan na halaga ng mga ito.
Ang desisyon na ito ng CA Manila ay naging final and executory noong ika-5 ng Hulyo 2024.
Halos labindalawang taon na sumisigaw ng hustisya ang kaluluwa ni Luisito para sa marahas na pagkakakitil sa kanyang buhay. Nabago man ang naunang desisyon sa kanyang salarin, dahil sa bumaba ang naipataw na parusa, masasabi pa rin na, sa pagiging pinal ng hatol ng CA Manila kay Ramon, nakamit na rin ni Luisito ang hustisya at katahimikan ng kanyang kaluluwa.
Nawa ay wala nang makaranas pa ng hindi makatarungang pagpanaw. Pakatandaan natin na tanging ang Poong Maykapal lamang ang maaaring bumawi sa buhay na kanyang ipinahiram sa bawat isa sa atin. Huwag natin ilagay ang batas sa ating mga kamay. Meron man tayong hindi maganda o hindi mabuting nararanasan, sana ay huwag iyon gamitin na dahilan upang gumawa ng kasamaan at karahasan, lalo’t higit kung ito ay magdadala sa ibang tao sa lubhang kapahamakan o sa kanilang huling hantungan, kung saan ang daing na dulot ng kalupitan ay nagsusumamo ng kawakasan.








Comments