top of page

ST Uwan, nakaalis na, mag-a-ala Douglas MacArthur pa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 2 min read

ni Ka Ambo @Bistado | November 12, 2025



Bistado ni Ka Ambo


Nasa bisinidad na ng Taiwan ang Super Typhoon Uwan.

Pero, siya ay mag-a-ala Douglas MacArthur na nagsabi: “I shall return”.


----$$$--


Humina na ang Bagyong Uwan, pero siya ay iikot na mala-trumpo at magyo-yoyo pabalik sa bisinidad ng North Luzon — anumang oras sa araw na ito, Miyerkules.

Ito ay bunga ng mainit na temperatura at epekto ng klima ng mga kabundukan sa Taiwan.


-----$$$--


Kung paano binasag ng Sierra Madre, Caraballo at Cordillera ang enerhiya at lawak ng Super Typhoon Uwan, itinutulak naman siya ngayon ng mga bulubundukin ng Taiwan pabalik ng Pilipinas.

Ibig sabihin, ipini-ping pong ang Bagyong Uwan ng Taiwan at Pilipinas.


----$$$--


MALINAW na posibleng magkaroon ng malalakas na pag-ulan hangga’t hindi natutunaw si “Uwan”.

Manatiling mag-ingat.


----$$$--


TULAD sa Bagyong Uwan, magbabalik sa eksena ang imbestigasyon sa flood control projects na sasabayan ng isyu sa “warrant of arrest” ng ICC kay Sen. Bato.

Hindi nauubusan ng “content” ang mga tsismoso’t tsismosa sa social media.


----$$$--


SA totoo lang, lihim na naghahanda ang mga pro-Marcos at anti-Marcos sa isang malawakang protest sa mga huling araw ng Nobyembre.

Itinatapat ang demonstrasyon sa kaarawan ni Gat. Andres Bonifacio.


----$$$--


SIMBOLO si Bonifacio, hindi lang ng pagrerebelde o pagrerebolusyon, inilalarawan siyang “inaapi” at mainitin ang ulo o may marubdob na emosyon.

Taliwas siya sa kalmante at praktikal na si Dr. Jose Rizal.


-----$$$--


NASASAPAWAN naman nina Bonifacio at Rizal ang maselang papel ng diyarista o mamamahayag na si Gat. Marcelo del Pilar.

Namatay si Bonifacio sa kamay ng kapwa-Pinoy sa bulubundukin ng Maragondon.

Namatay nang “grande” si Rizal bilang isang martir sa Luneta.

Kaawa-awa ang sinapit ng tisikong si Plaridel — namatay nang pulubi, kumakalam ang sikmura — sa isang banyagang lugar sa Espanya — walang nag-aaruga, walang nagmamahal!


-----$$$---


ANG mga anak-pawis, vendor, at ordinaryong Pinoy ang umiidolo kay Bonifacio.

Pumapalag siya sa naghaharing uri na siyang kumitil ng kanyang buhay.


-----$$$--


SA totoo lang, si Bonifacio ay sumisimbolo sa marahas at dagliang pagbabago, sampu na ibuwis na ang kanyang buhay.

Nagbunga ang pagiging martir ni Ka Andres.

 

----$$$--


SA ngayon, wala na tayong maituturing na “bagong Bonifacio, bagong Rizal, o bagong Del Pilar.

Magtitiis tayo ngayon sa mga “magnanakaw, mandarambong, bolero at magkakutsaba sa pagbaluktot ng batas”.

Wala tayong nakikitang solusyon, kundi ang magdasal nang walang patid.



Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page