SSS death benefits ng legal na asawa na may ka-live-in
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 14, 2026

Dear Chief Acosta,
Matagal nang hiwalay ang mga magulang namin at ang nanay namin ay may bagong live-in partner. Kamakailan lamang ay pumanaw ang tatay namin na miyembro ng Social Security System (SSS). Nais naming malaman kung maaari pa bang makatanggap ng SSS death benefits ang nanay namin bilang legal na asawa ng yumao naming tatay, sa kabila ng kanyang pakikipag-live-in sa iba. – Jonvic
Dear Jonvic,
Ang sagot sa iyong katanungan ay matatagpuan sa ating umiiral na mga batas at mga kaugnay na patakaran. Para sa iyong kaalaman, malinaw na itinatakda ng Republic Act (R.A.) No. 11199, o mas kilala bilang Social Security Act of 2018, kung sinu-sino lamang ang maaaring ituring na benepisyaryo ng isang yumaong miyembro ng SSS:
“Section 8. Terms Defined. - For purposes of this Act, the following terms shall, unless the context indicates otherwise, have the following meanings:
k) Beneficiaries – The dependent spouse until he or she remarries, the dependent legitimate, legitimated or legally adopted, and illegitimate children, who shall be the primary beneficiaries of the member: Provided, That the dependent illegitimate children shall be entitled to fifty percent (50%) of the share of the legitimate, legitimated or legally adopted children: Provided, further, That in the absence of the dependent legitimate, legitimated or legally adopted children of the member, his/her dependent illegitimate children shall be entitled to one hundred percent (100%) of the benefits. In their absence, the dependent parents who shall be the secondary beneficiaries of the member. In the absence of all the foregoing, any other person designated by the member as his/her secondary beneficiary.”
Dagdag pa ng implementing rules and regulations (IRR) ng nasabing batas:
“SEC 12. PRIMARY BENEFICIARIES. - The following are considered as primary beneficiaries:
i. The dependent spouse who has not remarried [Sec 8, (k)], cohabited or entered in a “live-in” relationship before or after the death of the member, and
ii. The dependent legitimate, legitimated or legally adopted and illegitimate children. Where there are legitimate or illegitimate children, the former shall be preferred.”
Alinsunod sa mga nabanggit, malinaw na hindi sapat na ang isang tao ay legal na asawa lamang upang maging karapat-dapat sa SSS death benefits. Kinakailangan ding mapatunayan na ang naturang asawa ay nananatiling dependent at hindi muling nag-asawa, hindi nanirahang magkasama (cohabited), at hindi pumasok sa isang live-in relationship, bago man o pagkatapos ng pagkamatay ng miyembro ng SSS.
Samakatuwid, kung mapatutunayan na ang iyong nanay ay nakipag-live-in sa ibang tao bago pa man o sa panahon ng pagkamatay ng iyong tatay, ito ay maaaring maging legal na batayan upang maalis ang kanyang karapatan na tumanggap ng SSS death benefits bilang primary beneficiary. Sa ganitong sitwasyon, ang karapatan sa benepisyo ay mapupunta sa mga kuwalipikadong anak o iba pang benepisyaryong itinatakda ng batas.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.








Comments