Spurs-Thunder sa West Finals, Pistons at Cavs may Game 7
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Anthony E. Servinio @Sports | May 17, 2026

Photo: Dumadrayb si San Antonio Spurs forward Keldon Johnson (3) sa depensa ni Minnesota Timberwolves center Rudy Gobert, (gitna) sa NBA basketball second-round playoff series. (AP/Abbie Parr)
Laro sa Lunes - Little Caesars
8 AM Cleveland vs. Detroit
Tiniyak ng bisitang San Antonio Spurs ang kanilang upuan sa Western Conference Finals sa kumbinsidong 139-109 panalo sa Minnesota Timberwolves sa 2026 NBA Playoffs kahapon sa Target Center.
Kailangan ng ultimong Game Seven sa East at wagi ang Detroit Pistons sa Cleveland Cavaliers, 115-94. Inilatag nina Victor Wembanyama, Stephon Castle at De'Aaron Fox ang pundasyon sa pagtayo ng 74-61 lamang matapos ang unang 24 minuto. Sumama sa nagbuhos ng puntos sina Julian Champagnie at kabayan Dylan Harper para lalong palakihin ang agwat, 132-95, sa huling 6 na minuto.
Anim na Spurs ang may 11 puntos o higit sa pangunguna nina Castle na may 32 at 21 kay Fox. Sumunod si Wemby na may 19 at Harper na may 15 bilang reserba. Nagtala ng 24 si Anthony Edwards para sa nabigong Timberwolves. Nagwakas ang serye, 4-2 at magtutuos sa West Finals ang Spurs at World Champion Oklahoma City Thunder simula Martes.
Ayaw ng Pistons na masayang ang pagiging numero uno at kumilos para baligtarin ang 23-17 bentahe ng Cavs sa 54-51 pabor sa kanila bago ang pangatlong quarter. Mula roon ay inalagaan nila ito patungo sa 115-93 sa huling minuto. Ipinasok ni Cade Cunningham ang 11 ng kanyang 21 sa kritikal na pangalawang quarter. Nag-ambag ng 17 si reserbang sentro Paul Reed habang tig-15 sina Daniss Jenkins at Jalen Duren.
Gumawa ng 23 si James Harden at parehong 18 sina Donovan Mitchell at Evan Mobley. Nagkatalo sa mga reserba at mas malaki ang ambag ng Pistons, 48-19. Naghihintay sa East Finals ang New York Knicks na winalis ang Philadelphia 76ers, 4-0. May mabuting balita at kasali na muli sa ensayo si OG Anunoby na napilay ang singit sa Game 2 kaya lumiban siya sa huling 2 laro.





Comments