Special/temporary permit para sa mga dayuhang pharmacist
- BULGAR
- Oct 24, 2024
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Oct. 24, 2024

Dear Chief Acosta,
Nauunawaan ko na magagaling ang ating mga kababayan na pharmacists na naglilingkod sa ating bansa. Ganoon pa man, may mga pagkakataon na may mga banyagang pharmacists na nagnanais tumulong sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga programang “free medical missions.” Maaari rin ba na ang isang banyagang registered pharmacist ay magampanan ang kanyang propesyon sa ating bansa? Salamat sa inyo. — Ten-Ten
Dear Ten-Ten,
Ang sagot sa iyong katanungan ay makikita sa Seksyon 22 ng Republic Act (R.A.) No. 10918, na kilala sa tawag na Philippine Pharmacy Law, kung saan nabanggit na:
“Section 22. Practice Through Special/Temporary Permit (STP). - The practice of pharmacy in the Philippines shall be limited to natural persons only and shall be governed by the provisions of Republic Act No. 8981 and other issuances pertinent thereto: Provided, That any foreign citizen who has gained entry in the Philippines to perform professional services within the scope of the practice of pharmacy, including the following: (a) being a consultant in foreign-funded or assisted projects of the government; (b) being engaged or employed by a Filipino employer or establishment; (c) providing free services in humanitarian missions: and (d) being a visiting faculty member in any field or specialty in pharmacy shall, before assuming such duties, functions and responsibilities, secure an STP from the Board and the PRC, under the following conditions:
The person is an internationally renowned pharmacist or expert in a field or specialty of pharmacy;
The person is engaged in the provision of a professional service which is determined to be necessary due to lack of Filipino specialist or expert; and
The person is required to work with a Filipino counterpart, a natural person who is a registered and licensed pharmacist.”
Ang Professional Regulatory Board of Pharmacy ay ginawa at binuo upang mangasiwa sa pagpapatupad ng mga proseso at mga kuwalipikasyon para sa pagkuha ng licensure exam upang maging isang registered pharmacist sa ating bansa. Kaugnay nito, maaari ring magkaloob ang ating gobyerno ng tinatawag na special/temporary permit sa isang dayuhan upang magampanan ang propesyon ng isang pharmacist sa ating bansa.
Nakasaad sa Seksyon 22 ng Republic Act (R.A.) No. 10981 na ang pagsasanay ng propesyon bilang isang pharmacist sa ating bansa ng isang banyaga ay maaari lamang kung siya ay makakakuha ng isang special/temporary permit mula sa Professional Regulation Commission (PRC) at Professional Regulatory Board of Pharmacy. Ang pagkakaloob ng nasabing permit ay nakaangkla sa mga kondisyon na dapat na ang nasabing banyaga ay kilalang propesyonal sa larangan ng pharmacy, may kakulangan ng mga Pilipinong eksperto sa nasabing larangan, at kinakailangan na ang nasabing propesyonal na banyaga ay magtatrabaho kasama ang isang Pilipinong registered pharmacist.
Sa iyong nabanggit na sitwasyon, kung ang isang banyagang registered pharmacist ay nagnanais na magsanay sa ating bansa, nararapat na siya ay kumuha muna ng isang special/temporary permit sa PRC at PRBC alinsunod sa mga nakasaad sa Seksyon 22 ng R.A. No. 10981. Karagdagan dito, ang dahilan na ang isang banyagang propesyonal na pharmacist ay nagnanais na magbigay ng tulong sa ating mga kababayan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng mga programang “free medical missions” ay isa sa mga katanggap-tanggap na dahilan upang mapagkalooban siya ng special/temporary permit.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments