Speaker Dy, matapos mabulgar na sangkatutak ang kamag-anak sa gobyerno, kung may delicadeza, mag-resign na
- BULGAR
- 2 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | November 4, 2025

PARA MAKASUHAN AT MAKULONG AGAD ANG LAHAT NG SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCAM, DAPAT MAGKAROON NG REGIONAL ICI -- Halos lahat ng probinsya ay may mga ghost, substandard at unfinished flood control projects at sa halos tatlong buwang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay anim pa lang ang inirekomenda nilang kasuhan ng plunder at graft, at sila ay Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Joel Villanueva, former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, dating DPWH Usec. Roberto Bernardo, Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana at ex-Caloocan City Rep. Mitch Cajayon na mga sangkot sa flood control scam sa Bulacan.
Sa Bulacan pa lang iyan, eh iyong sa mga probinsya na mayroon ding flood control projects scam, kailan pa matatapos ang imbestigasyon dito, kailan pa may makakasuhan?
Kung desidido si Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na mapanagot ang lahat ng sangkot sa katiwalian, dapat ay palawakin niya ang ICI, maglagay ng regional ICI office na iimbestigahan ang lahat ng sangkot sa flood control scam sa mga nasasakupang probinsya ng bawat rehiyon, at kapag meron na iyan, sigurado agad-agad ay makakasuhan at maipapakulong na ang lahat ng mga nagsabwatang DPWH official, kontraktor at politicians sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, period!
XXX
HINDI MAGANDANG TINGNAN NA ANG SPEAKER, SANGKATUTAK ANG KAMAG-ANAK NA MAY PUWESTO SA GOBYERNO, KAYA KUNG MAY DELICADEZA SI SPEAKER BOJIE DY, DAPAT MAG-RESIGN NA SIYA -- Nang isapubliko ni House Speaker, Isabela Rep. Bojie Dy ang kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ay dito nalaman ng publiko na mayroon pala siyang 16 na kamag-anak na may iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.
Sa totoo lang, hindi magandang halimbawa sa mata ng publiko na ang lider ng Kamara, bukod sa may political dynasty na, may nepotismo pa.
Kaya kung may delicadeza sa kanyang sarili si Speaker Dy, dapat mag-resign na agad siya bilang Speaker of the House, boom!
XXX
AKALA NG PUBLIKONG PALABAN SI COMELEC CHAIRMAN SA MGA KANDIDATONG TUMANGGAP NG PONDO SA MGA KONTRAKTOR, PERO NANG HINGAN NG KOPYA NG MEDIA, ATRAS -- Matapos ibida ni Comelec Chairman George Garcia na maraming pulitiko ang tumanggap ng campaign funds sa mga kontraktor ay tumanggi naman siya na isapubliko ang pangalan ng mga ito.
Noong una, hinangaan ng publiko si Garcia sa pag-aakalang palaban ito pero nang humingi na ng kopya ang mga mamamahayag para isapubliko ang pangalan ng mga kandidatong tumanggap ng campaign funds sa mga kontraktor, atras siya, ayaw
magbigay ng kopya, buset!
XXX
MAY PA-GOOD-GOOD GOVERNANCE PA SINA OLONGAPO CITY MAYOR PAULINO, MUNTINLUPA CITY MAYOR BIAZON AT BAGUIO CITY MAYOR MAGALONG, PERO WALA NAMAN SILANG AKSYON SA MGA ILEGALISTANG NANGRARAKET SA MGA NASASAKUPAN -- Si Olongapo City Mayor Rolen Paulino ay miyembro rin ng Mayors for Good Governance, pero sa nasasakupan niyang lungsod tuloy pa rin ang raket na STL Small-Town Lottery (STL)-con jueteng ng isang alyas “Aging,” sa Muntinlupa City, ang alkalde rito ay si Mayor Ruffy Biazon na kasapi rin ng Mayors for Good Governance pero sa lugar niya namamayagpag din ang raket na STL-con jueteng at lotteng nina alyas "Touche" at "Jojo," gayundin ang mga saklaan ni "Walter" ay sa jurisdiction ni Mayor Benjamin Magalong, lantaran ang mga raket na mini-casino ni alyas "Patrick" sa Legarda Bokawlan Streets at drop balls, color games ni "Nestor" sa Kayang, Baguio City.
Hanep ah, may pa-good-good governance pa sila pero wala naman silang aksyon sa mga ilegalistang nangraraket sa kanilang mga kababayan, boom!




