top of page
Paul Salas, Mikee Quintos at Jeo Ong - IG - PBB YT.jpg

Solusyon ng pangulo, inismol... Sara kay BBM: Pagkain sa El Niño, 'di balde

Writer: BULGAR
BULGAR
18 hours ago
2 min read

ni Mylene Alfonso @News | November 9, 2026



Inday Sar Duterte at Bongbong Marcos - FB

Photo: File / Inday Sar Duterte at Bongbong Marcos - FB



Muling pinasaringan ni Vice President Sara Duterte si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay ng naging panawagan na maghanda ng mga balde sa inaasahang epekto ng El Niño.


Ayon kay Duterte, matindi at hindi pangkaraniwan ang mga babala ng mga eksperto hinggil sa posibleng epekto ng El Niño, na maaaring umabot sa matinding drought o tagtuyot kung saan tuluyang matutuyo ang mga pinagkukunan ng tubig.


“Hindi ko na rin talaga alam kung bakit umabot na sa balde,” ani Duterte, sabay-diin na hindi makatutulong ang paghahanda ng maraming balde kung wala namang tubig na maiimbak.


“Sobra ang warning ng mga experts sa El Niño at hindi pangkaraniwan; sinasabi nila na mayroon talagang punto na aabot sa drought, ibig sabihin ay tuyo na talaga at wala nang tubig,” ani Duterte.


Giit ng Bise Presidente, higit na dapat pagtuunan ng pamahalaan ang paghahanda sa posibleng kakulangan ng suplay ng pagkain kapag naapektuhan at nasira ang mga pananim dahil sa tagtuyot.


Ipinaliwanag din niya na kung kakailanganing mag-import ng pagkain, posibleng mas mataas na ang halaga ng dolyar laban sa piso sa panahong iyon, na magpapamahal sa inaangkat na produkto.


Binigyang-diin ni Duterte na hindi lamang ang suplay ng tubig ang dapat paghandaan ng pamahalaan kundi maging ang posibleng pagtaas ng presyo ng pagkain at ang epekto nito sa mga mamamayan.


“Kahit ilan pang balde ang ihanda mo diyan, hindi iyan makatutulong. Ang kailangang paghandaan ng pamahalaan ay kung ano ang magiging suplay ng pagkain pagdating ng panahong iyan. Ibig sabihin, kapag nasira ang ating mga ani at kinailangang mag-import, magkano na kaya ang dolyar sa panahong iyon? Hindi na siguro P63 o P64. Ibig sabihin, bibili tayo ng mas mahal na pagkain. Kaya kailangang paghandaan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, hindi lang ang mga balde-balde,” pagtatapos ni Duterte.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page