top of page
Search
  • BULGAR

Social media, dahilan kaya umabot ng 500 araw-araw ang bilang ng teenage pregnancy!

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | March 1, 2021



Sa kabila na ang ating bansa ang isa sa may pinakamabagal na internet connection ay itinuturing pa rin tayong social media capital of the world dahil sa dami ng mga gumagamit nito sa ating mga kababayan.


Nagsimula ito noong 1970’s nang unang maimbento ang personal computer na agad binili ng mga nakaririwasa sa buhay at kalaunan ay nagsimula na ang pagpapadala at pagtanggap ng impormasyon ng mabilis at libre hanggang sa umunlad nang umunlad pa ang teknolohiya.


Sa ngayon ay napakalayo na ng narating ng teknolohiya dahil bitbit na natin ngayon ang ating mga smartphones, tablets na may WiFi at data connection na maaaring gamitin kahit saan.


Sa positibong aspeto nito ay malaking tulong ang patuloy na pag-unlad ng teknolohiya dahil napakadali na ng lahat ng impormasyong ating kailangan na akmang-akma sa estilo ng mabilis na pamumuhay.


Kung hindi man tayo ang nangunguna ay isa tayo sa may pinakamaraming gumagamit ng internet na nagbukas ng pintuan sa mga Pilipino, partikular sa mga kabataan na yakapin ang kultura ng ibang bansa, pag-iisip, idelohiya, pilosopiya at values.


Ang pagbubukas na ito ng buong mundo sa pamamagitan ng internet ay malaking impluwensiya sa ating mga kabataan dahil sa ginagamit na nila ang kanilang natutunan sa kanilang buhay kabilang na ang estilo sa pag-ibig at pakikipagtalik.


At walang filter sa impormayon, larawan o video kabilang na ang mga malalaswang panoorin na kahit anong oras ay maaaring makita sa bitbit nating gadget ng libre basta may internet connection lamang.


Napakarami na ng batas ang naisagawa upang bigyang-proteksiyon ang kabataan sa paggamit ng social media ngunit tila hindi sumasapat upang mapigilang maglaho ang standards at values ng kabataan na humahantong sa teenage pregnancy.


Matatandaan na ang Save the Children’s Global Childhood ay naglabas ng ulat na umaabot na sa 5.99 porsiyento ng mga batang Pilipino ang nasadlak sa teenage pregnancy na ikalawa sa pinakamataas na insidente sa buong Southeast Asian.


Sinusugan din ito ng Commission on Population (POPCOM) na naglabas naman ng ulat na nasa 500 teenage mother ang nanganganak sa ating bansa araw-araw at 30 hanggang 50 sa mga ito ay nasa edad 10 anyos lamang.


Lumalabas sa pag-aaral ng POPCOM na mas naging agresibo ang mga Pinoy millennials na subukang makipagtalik sa mas murang edad na naobserbahang nagsimula mula nang gamitin ang katagang ‘complicated’ bilang deskripsiyon sa status ng relationship.


Kahit lumalabas na may mga kaakibat pang rason ay tumutuloy pa rin umano ang pag-aaral na kaya napapaaga ang pagkamulat sa pakikipagtalik ng kabataan dahil sa access sa internet, social media at bagong information technologies.


Ang pag-aaral na isinagawa ay isang patunay umano na may direktang relasyon ang maagang pagkamulat ng mga kabatan sa teknolohiya at pagkakaroon ng madaling access sa internet na nagdudulot ng maagang kyuryusidad sa pakikipagtalik.


Sa ngayon ay hindi natin matiyak kung sa anong edad na ba nagsisimulang makipagtalik ang ilan sa ating kabataan dahil may nanganganak na sa edad na 10 at napakataas ng ganitong kaso.


Isa pa sa nakikita nating malaking problema na kakaharapin ng bansa ay ang mga batang isinilang ng mga inang ang edad ay 10 lamang dahil tiyak na ang kanilang mga magulang din ang mag-aaruga sa mga bagong silang na ito.


Ang mga magulang na may iba’t ibang kadahilanan kung bakit napabayaan o nakakawala sa kanilang pagbabantay ang kanilang mga anak kaya nabuntis ay sila ring inaasahan nating magpapalaki sa mga apo nilang isinilang ng 10 anyos nilang anak.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o

mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page