top of page
Search
  • BULGAR

Sobrang selan daw, ayaw maintriga... CRISTY KAY DOMINIC: SUMIKAT KA LANG DAHIL KAY BEA

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | February 22, 2024


Photo: Bea Alonzo / FB


Matindi ang hamon ng Cristy Ferminute at Showbiz Now Na host na si Nanay Cristy Fermin sa mga abogado ni Dominic Roque, ang Fernandez and Singson Law Offices, dahil ilang beses binanggit ang pangalan niya sa inilabas na official statement na nagdidiing malisyoso at mapanirang-puri raw ang ibinabalita ng una sa mga vlogs nito tungkol sa kliyente nilang may benefactor umano.


Nabanggit din sa official statement ang pangalan nina Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos at ex- Congressman Bong Suntay na dahilan para linawin nila ang kanilang mga pangalan kaya sila nagpainterbyu sa vlog ni Jay Ruiz.


Ang sabi ni 'Nay Cristy, “Maglabas po kayo ng resibo sa anuman pong labanan kahit sa korte, maglabas po kayo ng resibo na ako ang nagbanggit ng pangalan ni Mayor Bullet Jalosjos.”


Napanood namin ang vlogs ng CFM (Cristy Ferminute) at SNN (Showbiz Now Na), simula nang talakayin ang isyu tungkol sa condo na inuupahan ni Dominic ay walang nabanggit kung sino ang may-ari nito. Ang sabi lang ay pulitiko ang may-ari nito.


Nagsimula ang condo isyu nang kumalat na ang balitang hindi na tuloy ang kasal nina Dominic at Bea Alonzo, dahil ayon sa mga netizens ay mas may pera ang aktres at maraming tutol sa mapapangasawa niya.


Ganito naman talaga sa showbiz, kung ano ang mainit na nangyayari ay ito ang ibinabalita sa mga pahayagan, pinag-uusapan sa vlogs at iba pa.


Hindi naiiba ang CFM at SNN dito, kaya ang tanong ni 'Nay Cristy, kung talagang walang pera si Dominic ay paano niya na-afford ang upa ng mamahaling condo na ang may-ari ay isang pulitiko, na walang clue o anumang pagkakakilanlan, ano ang trabaho ng binata at sino ang boss niya.


“Puro katanungan po iyon, wala pong banggit ng anuman at napatunayan ko po na ang condo unit na iyon ay nakalagay sa pangalan ng isang pulitiko.


“May mga vloggers po na hindi nagpapakita ng mukha kundi boses lamang na kina-crop po ang aking mga sinasabi rito sa Cristy Ferminute at Showbiz Now Na na nagkaroon ng salimbayang katwiran at dahilan tungkol diyan sa pulitiko na ‘yan,” paglilinaw ni 'Nay Cristy.


At dahil nga pulitiko, naging curious ang lahat. At maging sina Senators Raffy Tulfo at Jinggoy Estrada ay nagtanong kay 'Nay Cristy pero hindi sila sinagot ng vlogger-host. At maging ang mga kasamahan nito sa industriya, kasama na kami, ay hindi rin sinagot ni 'Nay Cristy.


May ipinakitang video sa CFM mula sa SNN, na talakayan tungkol sa condo unit owner, na hindi binanggit ang pangalan kaya paulit-ulit na hamon ni 'Nay Cristy ay maglabas sila ng resibo sa programa nitong Cristy Ferminute sa Radyo 5 92.3 TRUE FM kahapon nang tanghali.


“Maglabas po kayo ng resibo na binigyan ko ng malisyosong interpretasyon ang kanilang pagkakaibigan! Sino po ba ang pumiyok, sino po ba ang umamin? Hindi ba’t nagpa-interview nga sila ni Ginoong Bong Suntay at inamin niya (Bullet) na kanya ‘yung condo unit na pinatitirhan niya na 50% ang bayad ni Dominic Roque?”


Nu’ng binanggit ang tungkol sa inuupahang condo unit ni Dominic ay hinamon din siya ni 'Nay Cristy na klaruhin na ito kung sino ang may-ari para matigil na ang mga haka-haka ng lahat.


Aniya, “Dominic, alam mo na hindi imbento ang kuwentong ito, alam mo na hindi sa iyo ang condo unit na 'yan na dapat ay sa iyo manggaling (linawin), bakit pinatagal mo pa kasi? Dapat ‘yan ay agad-agad na sinagot mo na, ‘Yes I do not own the unit. Ang may-ari nito ay si Mayor Bullet Jalosjos,' tapos ang kuwento! Ganu’n lang dapat!”


Isa pang dapat na kinlaro ng Bea-Dom ay kung bakit sila naghiwalay, na sana, nu’ng pumutok ang balitang ito ay nagbigay na kaagad sila ng statement para hindi na naging daan ito sa lahat para pag-isipan ng hindi maganda ang aktor.


Sabi ni 'Nay Cristy kay Dominic, “Ngayon, Dominic Roque, napakaselan mo, napakasensitibo mo, public figure ka pero lumalabas dito sa ipinalabas mong opisyal na pahayag sa pamamagitan ng iyong mga abogado na ayaw mong may naririnig at nababasa na para sa iyo’y hindi kagandahan na kuwento. Hindi pupuwede ‘yun!


“Pinasok mo ang mundo ng showbiz, nasa lokal na aliwan ka. Kapag ipinasok mo ang isang paa mo rito, kasunod ang kabila. ‘Yung kapribaduhan na hinihingi n’yo ni Bea, maramot sa inyo ‘yun, hindi kayo pagbibigyan ng kapalaran.


“Unang-una, public figures kayo. Huwag na nating gamitin ang public property kasi may sariling buhay kayo. Pero pigura kayo ng showbiz, anumang nangyayari sa buhay n’yo ay para kayong isda sa aquarium, tinititigan kayo... bawat galaw ninyo, mapapansin lalo na si Bea Alonzo. Ikaw Dominic, hindi ka pa nga gaanong sikat. Ang totoo, kuminang ang pangalan mo dahil kay Bea Alonzo, magpakatotoo tayo, hindi ako magtatago sa ilalim ng carpet.


“Kuminang ang pangalan mo dahil kay Bea Alonzo, tapos ikaw pa ang magiging ganito kaselan? Ganito kainosente? Ganito kapili ng mga gusto lang marinig at mabasa?"


Nakalimutan yata ni Dominic na sa dalawang umereng vlogs ng SNN ay ipinagtanggol siya ng host nito.


“Lagi kong ipinagtatanggol ang iyong estado sa buhay na hindi pera ang simula at wakas ng isang relasyon! Hindi pera ang barometro ng kaligayahan ng magiging mag-asawa. Kung meron mang pera ang babae at wala ang lalaki, tatanggapin niya dapat ‘yung kakulangan at kalabisan ng kanyang minamahal. Tanggap niya dapat ‘yan dahil ang libro ng pag-iibigan ay hindi nagtatago ng mga kapintasan at mga kakulangan,” pahayag ng CFM host.


Samantala, tungkol naman kina G. Bong Suntay at Mayor Bullet Jalosjos na nagpa-interview kay Jay Ruiz ay nabanggit kasi ng huli na ‘sugar daddy’ daw ni Dom ang mayor.


Parang nabago na ang termino, dahil saan nanggaling ang salitang sugar daddy? Wala namang binanggit si 'Nay Cristy?


Natural, kapag ito ang tanong, maloloka nga si Mayor Bullet na bagama’t tumawa lang ay alam namang hindi ito maganda para sa kanya lalo’t may pamilya siya kaya nga raw humingi ng paumanhin si Dominic sa kanya at sa pamilya niya dahil nadamay sa isyu.


Kaya ang tanong din ni 'Nay Cristy, “Nasaan po ang pangalan ni Mayor Bullet Jalosjos mula nang aking salatin ang kuwento tungkol sa hiwalayang Bea at Dominic Roque? Walang-wala silang maituturo.”


Ang tinaguriang lalaking Marites na si Xian Gaza ang diretsong nagbanggit ng pangalan ni Mayor Bullet sa Facebook account nito na nu’ng hanapin namin ay nabura na.


“Sa akin n’yo ba iyon narinig?” balik-tanong ni 'Nay Cristy.


Ang ipinagtataka raw ni 'Nay Cristy, sa dami ng naglabas tungkol sa isyung Dominic at Bea kasama sina Mayor Bullet at G. Bong ay bakit siya lang ang nadiin?


Kaya naisip ng mga kasamahan ni 'Nay Cristy na baka may kinalaman ito sa pagiging malapit niya sa pamilya nina dating Senate Pres. Tito Sotto kasama si Vic Sotto at kaibigan naman niya si Joey de Leon.


Sabi ni 'Nay Cristy, “Ayon sa aking mga kaibigan na hindi ko naman po pinaniniwalaan ng isang daang porsiyento, dahil may sarili naman po akong paniniwala sa mga isyu, ang sabi nila, ‘Dahil kasi TVJ supporter ka (at) defender ka.' Ang linaw po ng mensahe pero parang mas gusto kong paniwalaan na ako ang kanilang tinututukan dahil ayon sa kanila (Dom and Bullet) dahil malisyoso at mapanirang-puri ang mga ibinato kong salita kay Dominic Roque.


“Kung pinangalanan ko po si Mayor Bullet Jalosjos, magkakaroon po 'yan ng malisya kasi iisipin ng kanyang mga kapanalig na kampi ako sa Tito, Vic and Joey, pakawala ka ng TVJ.


Hindi po ako pakawala ng TVJ, ako po ay tagasuporta dahil ako po ay naniniwala at naninindigan sa katotohanan!” paliwanag nitong mabuti.


Bukas ang BULGAR sa panig nina Dominic, G. Suntay at Mayor Bullet tungkol sa paliwanag ni 'Nay Cristy.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page