top of page
WINNER - BEAUTY QUEEN GF NI SANTINO, NAPAGKAMALANG TRANSGENDER-IG _ashleysubijano.jpg

Sobrang pagkain at pag-inom, iwasan para ‘di magkasakit

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 29, 2024
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Dec. 29, 2024



Boses by Ryan Sison

Dulot marahil ng sunud-sunod na mga selebrasyon at pagdiriwang na dinadaluhan natin ngayong Kapaskuhan kaya marami sa atin ang hindi na naiwasan pa at talagang tinamaan na ng sakit.


Umabot na kasi sa 71 kaso ng acute stroke ang nai-report ng Department of Health (DOH) mula December 21 hanggang 27, kung saan bahagi ito ng kanilang monitoring sa panahon ng holiday season.


Sinabi ni DOH Assistant Secretary at Spokesperson Albert Domingo na ang mga naturang datos ay nakolekta mula sa mga sentinel hospital. Aniya, nasa 41 ang nagkaroon ng acute coronary syndrome at 46 naman ang nagkaroon ng hika o asthma.


Ayon kay Domingo, ngayong taon ay minarkahan bilang unang systematic monitoring ng DOH sa mga kaso ng stroke at heart attack, na may posibilidad na tumaas bago ang Pasko habang kalaunan ay bumaba matapos ang holidays.


Kaya naman payo ng opisyal sa publiko na iwasan ang labis na pagkain at pag-inom dahil ang mga gawing ito ay maaaring magpataas ng risk ng stroke at atake sa puso.


Para sa bronchial asthma, paalala niya na maaaring tumaas ang mga kaso nito sa Bisperas ng Bagong Taon dahil sa mga paputok at mga pulbura na kumakalat sa hangin.


Nagbabala rin ang DOH laban sa holiday heart syndrome, dulot naman ng labis na pag-inom ng alak, stress, at iyong unhealthy eating, na posibleng magpataas ng blood pressure at mag-trigger ng arrhythmia, na isang risk factor para sa stroke.


Mainam ang mga paalalang ito ng kagawaran para maging maingat tayo at hindi pasaway.


Pero kung minsan, sadyang may mga kababayan tayo na matitigas ang ulo na alam namang ipinagbawal na ng kanilang mga doktor ang pagkain ng mga maaalat, matatamis, mamantika at iba pa ay tuloy pa rin at talagang ayaw iwasan, sa halip nilalantakan pa ito nang husto.


Hindi nila iniintindi ang payo rin ng kanilang pamilya na sa bandang huli sa ospital naman ang kahahantungan.


Kaya sa ating mga kababayan, sana ay alalahanin natin lagi na mahirap ang magkasakit dahil hindi lang malaking gastos ito ng ating pamilya, gayundin matinding panganib sa ating kalusugan. Maging maingat sana tayo sa lahat ng oras at pairalin ang pagiging masunurin. Higit sa lahat dapat alagaan nating mabuti ang ating pangangatawan.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page