Arraignment ni VP Sara, 'di natuloy

ni Jeff Tumbado @News | September 12, 2026

Photo: Sinalubong mga hiyawan ng mga taga-suporta ni Vice President Sara Duterte nang dumating ito sa Quezon City Justice Hall para dumalo sa kanyang arraignment sa RTC Branch 98, subalit ito ay ipinagpaliban ng naturang korte. (Jeff Tumbado)
Ipinaglaban nitong Biyernes, Setyembre 11, ng Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 98 ang arraignment o ang pagbasa ng sakdal kay Vice President Sara Duterte sa tatlong bilang ng grave threats.
Personal na humarap si Duterte sa korte para sa nakatakdang arraignment, ngunit hindi ito natuloy matapos pagbigyan ng hukuman ang mosyon ng kanyang kampo na ipagpaliban ang paglilitis sa kanya.
Kinumpirma ni Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ni Duterte, ang postponement ngunit tumanggi siyang magbigay ng mga detalye hinggil sa mosyon, dahil aniya, may mga sensitibong usapin itong sangkot at nais nilang igalang ang proseso ng korte.
Ayon kay Lim, inatasan ng korte ang prosekusyon na magsumite ng komento o tugon sa mosyon ng depensa sa loob ng itinakdang panahon.
Hindi naman agad sinabi ng abogado kung kailan muling itatakda ang arraignment.
Kasabay nito, sinabi ni Lim na naghain din ang kampo ni Duterte ng petisyon sa Supreme Court para humingi ng temporary restraining order (TRO) upang pansamantalang ihinto ang proceedings sa Quezon City RTC.
Kabilang sa batayan ng kanilang posisyon ang kanilang argumento na may immunity from suit si Duterte bilang isang nakaupong opisyal na sakop ng impeachment process.





Comments