P4.37B dagdag-pondo sa distrito ni Cong. Sandro... Walang masama sa 'insertion' — Castro

ni Mylene Alfonso @News | October 28, 2026

Photo: Atty. Claire Castro - PCO
Walang masama sa budget insertion o pagdaragdag ng pondo sa panukalang badyet kung maayos na ginagamit ang pera para sa kapakanan ng mga mamamayan.
Ito ang reaksyon ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro matapos lumabas sa ulat ng People’s Budget Coalition (PBC) na ang unang distrito ng Ilocos Norte ang may pinakamalaking budget insertion para sa mga proyektong pampublikong imprastraktura sa panukalang House General Appropriations Bill (GAB), na nagkakahalaga ng P4.37 bilyon.
Kinakatawan ang nasabing distrito ni House Majority Leader Sandro Marcos, anak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Kung ang mga proyekto naman ng isang congressman ay maayos at ang pondong ilalaan dito ay magagamit nang tama, sino ba naman ang dapat na humadlang kung ang pondong ito ay sasapat naman para mapaganda ang isang distrito?” ani Castro sa press briefing sa Cagayan de Oro City.
“Mahirap po kasi na kumukuha ng pondo, ‘yun pala hindi naman nagagamit sa distrito,” punto niya.
Nilinaw ni Castro na hindi lamang ang nakababatang Marcos ang tinutukoy niya kundi ang lahat ng miyembro ng Kamara.
“Kahit sino pang congressman ’yan, kung ang pondo na nailaan sa kanyang distrito ay tama ang paggamit—walang ghost projects, walang substandard na mga materials na ginamit sa mga proyekto—hindi po ito po magkakaroon ng problema,” wika ni Castro.
“Dahil ang insertion ay hindi po ito generally masama. Nagiging masama lang ang insertion kung ang pera ay i-insert sa bulsa ng pulitiko. ‘Yun ang masama,” diin niya.
Nauna nang iniulat ng People’s Budget Coalition na nakakita ito ng mahigit P1 trilyong umano’y red flags sa panukalang P7.2 trilyong pambansang badyet para sa fiscal year 2027.
Kabilang umano rito ang iba’t ibang uri ng pork barrel o pondong may diskresyon sa ilalim ng bersiyon ng GAB na inaprubahan ng Kamara.





Comments