top of page
SPECIAL - SERIES NINA IAN AT HARVEY TUNGKOL SA DRUG WAR, IPINA-STOP SA YOUTUBE_FB Rhein En

Single pa rin after Julia… GERALD: ‘DI HINAHANAP ANG PAG-IBIG

Writer: BULGAR
BULGAR
2 hours ago
3 min read

ni Melba R. Llanera @Insider | October 9, 2026



INSIDER - GERALD- ‘DI HINAHANAP ANG PAG-IBIG_IG _andersongeraldjr

Photo: IG _andersongeraldjr



Ayaw nang magbigay ng komento ni Gerald Anderson sa alitan sa pagitan ng magkapatid na sina Kim at Lakam Chiu kung saan nauwi sa demanda ang lahat. 


Para sa Kapamilya actor, ipagdasal na lang na maging okay ang lahat, mangyari ang dapat na mangyari lalo’t napakahirap ng sitwasyon at walang panalo rito. 


Nang tanungin kung naranasan na rin ba niyang maloko ng taong malapit sa kanya pagdating sa pera, lalo’t nagnenegosyo rin siya, umamin naman si Gerald na naloko na siya ng mga naging katrabaho pero alam niya na minsan ay bahagi talaga ito ng pagnenegosyo. 


Hindi na rin siya nagbalak pang magdemanda sa mga nanloko sa kanya. Naniniwala si Gerald na madali na lang mag-move forward at mababawi rin naman niya ang lahat. 


Katulad ng payo niya sa presscon proper ng renewal ng partnership niya sa Greenfield Tools, ang mahalaga ay kumuha ka ng mapagkakatiwalaang team kung papasok ka sa pagnenegosyo.


Sa ngayon, single at ine-enjoy ni Gerald ang pagiging malaya sa commitment. Para sa aktor, naniniwala siya na hindi dapat hinahanap ang pag-ibig at kusa itong darating sa tamang panahon. 


Buo rin ang paniniwala ni Gerald na sa mga hindi nagtagumpay na relasyon ay maaaring panahon din ito para sa self-improvement at gawin ang mga bagay na dapat na muna niyang gawin. 


Sa ngayon ay hindi rin nakikipag-date ang aktor at ang inang si Mommy Vangie ang madalas na kasama. Sinusunod din niya ang payo ng kanyang ina na i-enjoy muna ang oras niya at ang pagiging malaya sa relasyon.


Sa ngayon ay nakatapos na ng dalawang proyekto si Gerald — ang Pusong Bayani, isang four-episode reality and documentary na tumatalakay sa buhay at pakikibaka ng mga Pilipinong mangingisda, sundalo at coastal communities sa West Philippine Sea (WPS), at ang BuyBust: Undesirables kasama si Anne Curtis na ayon kay Gerald ay mabigat ang tema, malalim at base sa mga nangyayari sa bansa natin ngayon.


Masaya rin siya dahil na-renew ang partnership niya sa Greenfield Tools na masasabi namin na bagay na bagay sa Kapamilya actor ang produkto ng mga de-kalidad na power tools, hand tools at iba pang gamit sa bahay, konstruksiyon at pagawaan sa bansa.





ISA sa mga pinarangalan ng Dekada Award sa nakaraang Golden Screen Awards 2026 si Marian Rivera bilang Best Actress honoree kasama sina Charo Santos-Concio, Maricel Soriano, Gov. Vilma Santos-Recto, atbp..


Masaya at labis ang pasasalamat ng Kapuso actress sa karangalang natanggap at sa pelikulang Balota na naging tulay niya para makilala bilang isang mahusay at seryosong aktres. 


Para kay Marian, ito ay isang paalala sa kanya na pagsikapan pa niya dahil marami pa siyang puwedeng gawin sa industriyang ito. 


Kaabang-abang din ang mini series ng aktres sa Amazon, ang Behind Closed Doors, na isang mystery/drama na ayon kay Marian ay bago rin sa kanya ang role na ginampanan dito.


Sa ngayon ay tapos nang gawin ang pelikulang Remember, ang balik-tambalan nila ng asawang si Dingdong Dantes pagkatapos ng tagumpay ng pelikula nilang Rewind. 


Kinuhanan ang maraming eksena nito sa Quebec, Canada at ang direktor ng pelikula ay si Direk Mae Cruz-Alviar. 


Nang tanungin namin kung may pressure ba para sa kanila ang Remember dahil sa laki ng kinita ng Rewind, agad kaming sinagot ni Marian na ayaw naman niyang sabihin na wala dahil maganda ang Rewind at tinangkilik talaga ng mga manonood. 


Ang hiling niya sana ay tangkilikin din ng tao ang Remember, lalo’t mas mabigat ang role niya rito kaysa sa naunang pelikula. 


Papuri naman ang ibinigay ni Marian kay Dingdong nang kumustahin namin ang asawa niya bilang katrabaho.


Ayon kay Marian, masarap katrabaho ang mister, maalaga ito at na-miss niya ito.





KUNG gusto ninyo ng play na aantig sa inyong puso at magpapaalab ng pananampalataya natin sa Panginoon, dapat na abangan at panoorin ang Sina Dasal, isang theatrical play na isinulat at idinirek ni Direk Chaps Manansala. 


Umiikot ang istorya sa isang pamilya na dumaan sa napakabigat na mga pagsubok at matibay na pananampalataya sa Diyos. 


Napakahuhusay din ng mga gumanap, kasama ang ilang mga taga-Lucrecia Kasilag Performing Arts students kung saan ginanap din ang play.


Sa panayam namin kay Direk Chaps, nagawa niya ang Sina Dasal noong 2017 nang magkaroon siya ng depression at anxiety at muntik na niyang kitlin ang sariling buhay. Lulundag na siya dapat sa 32nd floor, pero may isang tumawag sa kanya at naging okay na siya. 


Nakita niya na nagda-dialysis ang ina at doon niya naisip na may misyon pa siya sa buhay.


Ang Sina Dasal ay iikot sa ilang eskuwelahan sa Bulacan, Pampanga at Olongapo ngayong Oktubre. Makakasama rin sa naturang stage play ang dating child actor na si BJ Forbes.


Si Direk Chaps din ang founder ng Hiraya Theater Productions dalawampung taon na ang nakakaraan at ilan sa mga nagawa nilang stage plays ay Tatlo Buo, Ako’y Dimasalang, Ibong Adarna at New Yorker in Tondo, atbp..


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page