ni Melba R. Llanera @Insider | December 16, 2025

Photo: File / FB Anthony Taberna
Para sa batikang broadcast journalist na si Anthony Taberna o mas kilala bilang Ka Tunying, maaaring balewalain nila ng asawang si Rossel Taberna ang anumang below-the-belt na pamba-bash sa kanila ng ilang netizens, ngunit ang pinakanaapektuhan sila ay nang idamay ang anak nilang si Zoey at hilingin pang bumalik ang sakit nitong leukemia.
Ito ay may kaugnayan sa nabanggit ni Ka Tunying na diumano’y may insertions sa 2025 national budget ang isang senadora, na pinalagan ng mga tagasuporta nito, kabilang ang aktres na si Pinky Amador.
Naging viral ang video ng pagpunta ng aktres sa isang branch ng Ka Tunying’s at sinabing bibili siya ng fake news, kung saan pinararatangan nilang fake news peddler ang broadcast journalist.
Sa panayam namin kina Anthony at sa asawang si Roselle, nabanggit ng huli na nais niyang magpasalamat sa ginawa ni Pinky dahil lalo pang dinayo ang mga Ka Tunying’s branches at tumaas ang kanilang benta.
Samantala, muling nasilayan ng entertainment press si Zoey na cancer-free at ipinakilala na rin sa nagdaang thanksgiving party ng Taberna Group of Companies bilang future ng kumpanya. Dito ay makikitang malusog siya at walang bakas na dumaan sa matinding sakit.
Magde-debut na si Zoey sa susunod na taon at nagbigay din siya ng speech sa naturang event kung saan sinabi niyang magiging bahagi na sila ng kapatid na si Helga sa pagpapaunlad pa ng kanilang kumpanya.
Hiling niya na manatiling bahagi ang mga taong kasama nila sa patuloy na pag-usad ng Taberna Group of Companies na kinabibilangan ng Ka Tunying’s Restaurant, Kumbachero Food Corp., Taste of the Town Catering at Outbox Media Powerhouse Corp..
Labis ang pasasalamat ng pamilya Taberna sa tuluyang paggaling ni Zoey, sa matatag na samahan ng kanilang pamilya, sa magandang takbo ng kanilang kumpanya, at sa patuloy na biyaya sa career ni Anthony bilang isa sa mga hosts ng Dos Por Dos kasama si Gerry Baja sa DZRH.
SA eksklusibong panayam namin kay Emilio Daez sa mediacon ng Bar Boys 2: After School (BB2AS) na isa sa official entries sa Metro Manila Film Festival (MMFF) 2025, tinanong namin kung may kompetisyon ba sa pagitan nila ng mga Pinoy Big Brother (PBB) housemates sa PBB Celebrity Collab Edition (PBBCCE).
Ayon sa Kapamilya actor, hindi ito maiiwasan sa industriya, ngunit sa bandang huli ay pamilya pa rin sila at iyon ang kanyang pinanghahawakan.
Para kay Emilio, kapatid ang turing niya sa mga dating housemates at masaya siya sa magandang takbo ng kanilang mga career.
Nilinaw din ni Emilio na wala silang sibling rivalry ng nakatatandang kapatid na si Mikael Daez. Aniya, numero unong supporter niya ang kanyang kuya at laging buo ang suportang ibinibigay nito sa kanya.
Masaya si Emilio na isa siya sa cast ng BB2AS. Bagama’t hindi sila nabigyan ng pagkakataong magkasama sa mga eksena nina Carlo Aquino at Ms. Odette Khan, labis pa rin ang kanyang paghanga at respeto sa dalawang artista dahil sa kanilang husay at passion sa trabaho.
Ang pelikula ay tinatampukan nina Carlo Aquino, Rocco Nacino, Kean Cipriano, Enzo Pineda, Glaiza de Castro, Sassa Gurl, Will Ashley, Emilio Daez, Therese Malvar at Ms. Odette Khan, sa ilalim ng produksiyon ng 901 Studios at sa direksiyon ni Direk Kip Oebanda.
NAGPAPASALAMAT din kami kay Honorable Vice-Mayor Marcos Mamay sa thanksgiving party na ibinigay niya para sa kanyang mga nakatrabaho at sa entertainment press noong Disyembre 4. Ito ay pasasalamat sa mga achievements at magagandang nangyari sa kanyang biographical film na Mamay: A Journey to Greatness – The Marcos Mamay Story (MAJTG), na nag-uwi ng 7 awards mula sa Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS).
Nanalo rin bilang Indie Theme Song of the Year ang kantang Hamon, na theme song ng pelikula.
Dinaluhan ang naturang okasyon ng mga malalapit na kaibigan at katrabaho sa industriya tulad nina Ynez Veneracion, Lance Raymundo, Gerald Santos na siyang kumanta ng Hamon, Alma Concepcion, Atty. Vince Tañada, at iba pa.
Bongga rin ang pamimigay ng mga papremyo kung saan lahat ay nanalo at walang umuwing luhaan.
Sa nasabing event ay inilunsad din ang kanyang librong pinamagatang The Pugilist, isang inspirational book kung paano niya nalagpasan ang mga pagsubok at hamon sa ating lipunan.






