ni Melba R. Llanera @Insider | July 16, 2025

Photo: Luis Manzano - IG
HIndi itinago ni Gov. Vilma Santos na nalungkot siya at ang buo nilang pamilya sa pagkatalo ni Luis Manzano bilang vice-governor ng Batangas, kung saan ang dating gov. ng Batangas na si Hermilando Mandanas ang nanalo sa naturang posisyon.
Ayon nga sa actress-public servant, hindi biru-biro ang pagod na ginawa nila para sa eleksiyon lalo’t walang incumbent sa kanila, pero bilib siya na madaling tinanggap ni Luis ang naging resulta ng eleksiyon at mabilis din itong naka-recover.
Pagbabahagi ni Gov. Vi, nag-usap sila ng anak at sinabi nito na tatanggapin nito ang nangyari bilang bahagi ng learnings o pagkatuto niya at tutuparin pa rin niya ang mga binitawang pangako nu’ng nangangampanya sila.
Katunayan nga ay tinanggihan muna ni Luis ang Minute To Win It (MTWI) at ang Rainbow Rumble (RR) lang ang tinanggap para may oras pa rin itong gawin ang mga ipinangako sa mga Batangueño na pagtulong.
Siniguro rin ni Gov. Vi na walang bayad ang serbisyong gagawin ng anak lalo’t may trabaho naman ito at maituturing nga na isa sa mga in demand hosts sa ABS-CBN.
Para kay Gov. Vi, si Luis ang magiging tulay niya sa mga kabataan kung saan ang positibong pananaw at pagiging maalam nito sa makabagong teknolohiya ang isa sa mga maitutulong nito sa kanyang administrasyon.
Sa kabilang banda ay aminado naman si Ate Vi na halu-halo ang kanyang nararamdaman sa muling pagtungtong sa Kapitolyo. Natatakot, masaya, at excited si Ate Vi dahil lahat ng gagawin niya ay puro “again” o “muli,” dahil nanungkulan na rin siya sa Batangas sa loob ng matagal na panahon.
Para sa kanya ay malaking hamon ang muli niyang pag-upo pero sisiguraduhin niya na sa loob ng 3 taon na muling pag-upo ay maramdaman at may impact sa mga Batangueño ang kanyang termino.
Patunay nito ay apat agad na executive orders ang pinirmahan ni Gov. Vi na titiyak sa ikauunlad at ikabubuti ng kapakanan ng mga nasasakupan.
SA presscon ng Meg & Ryan (M&R), pelikulang pinagbibidahan nina Rhian Ramos at JC Santos ay kapansin-pansin ang chemistry ng dalawa nang ipalabas ang trailer ng pelikula. Bukod sa alam nila bilang mga artista na dapat ay maging kakilig-kilig ang mga eksena ay napakalaking bahagi ng direktor nilang si Direk Catherine Camarillo para mapagtagumpayan nila ito.
Papuri ni Rhian sa M&G director, sa umpisa pa lang ay ipinapaintindi na nito sa kanila ang damdamin na nakapaloob sa bawat eksena at kahit sila ni JC ay nakakaramdam ng kilig.
Kung pareho ngang mga walang karelasyon ay may mga naniniwala na puwedeng may mabuo sa dalawa kung ang pagbabasehan ay ang nakitang chemistry sa kanila.
Pero dahil kilalang mga professionals at mahuhusay talagang aktor at aktres, madadala ka sa bawat eksena kapag napanood mo ang pelikula.
Namamayagpag ang showbiz career sa ngayon ni Rhian kung saan usap-usapan ang husay niya bilang Mitena sa Encantadia Chronicles: Sang’gre (ECS) at bida nga siya sa M&R na produced ng Pocket Media Productions sa ilalim ng direksiyon ni Direk Catherine Camarillo at mapapanood na sa August 6.
Well, labis ang pasasalamat ni Rhian sa magagandang nangyayari sa buhay niya ngayon kung saan masaya siya sa kanyang personal na buhay at maganda rin ang itinatakbo ng kanyang career.
Para nga sa Kapuso actress ay ayaw niyang isarado ang mga mata sa mga magagandang nangyayari sa kanya at mapalagpas ang pagkakataon na nangyari ito sa kanya.
EMOSYONAL at hindi napigilan ni Jed Madela ang mapaluha sa nakaraang birthday concert niya, ang Jed Madela Superhero (JMS) na ginanap sa Music Museum noong July 5.
Puno ang venue ng mga tagahanga at ng mga taong nagmamahal sa kanya kabilang na ang pamilya ng singer.
Ang gaganda rin ng selection ng mga kinanta ni Jed nang gabing iyon na siyang nagpakita ng versatility niya bilang singer.
Nakapalitan namin ng text messages si Jed at nagpahayag ito ng pasasalamat sa lahat ng mga nanood at sumuporta sa kanya.
Sa tanong naman namin kung may tsansa ba na mapanood siya sa mas malaking venue tulad ng Araneta o SM MOA (Mall of Asia), para kay Jed, basta may producer na susugal para sa kanya ay buong-puso niya itong tatanggapin lalo’t matagal na niyang pangarap na makapag-perform sa mga naturang venues.