Singapore at Malaysia, tumulong na sa relief ops ng ‘Pinas
- BULGAR

- Oct 28, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Oct. 28, 2024

Sa patuloy na isinasagawang relief operations para sa mga nasalanta ng Bagyong Kristine, tumulong na rin sa ating bansa ang Singapore at Malaysia sa pamamagitan ng kanilang mga air assets.
Ayon sa Philippine Air Force (PAF), dumating nitong Sabado sa Villamor Airbase sa Pasay City ang AC-130 cargo aircraft ng Republic of Singapore Air Force (RSAF) at ang Eurocopter EC725 transport helicopter ng Royal Malaysian Air Force (RMAF).
Sinabi ni Col. Ma. Consular Castillo, hepe ng PAF Public Affairs Office na ang mga naturang aircraft ay may mahalagang papel sa pagpapalakas ng patuloy na Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) na operasyon ng PAF para tulungan ang mga kababayan sa mga lugar na apektado ng bagyo.
Sinalubong naman ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro ang team na sakay ng dalawang military aircraft, kasama sina Malaysian Ambassador Dato Abd Malik Castelino, Singaporean Ambassador Constance See, at PAF Commanding General Lt.Gen Stephen Parreño.
Bagama’t malawak ang idinulot na pinsala ng naturang bagyo, uunahin nila ang Bicol Region at Southern Tagalog area na labis na naapektuhan.
Mabuti at mayroon tayong mga kaibigang bansa na handang sumaklolo at magbigay ng kanilang paglilingkod para sa ating mga kababayan.
Malaking bagay ang pagdating sa atin ng kanilang mga military aircraft at team, kung saan kasabay nito ang ginagawa nilang humanitarian efforts at pag-alalay sa disaster response naman ng ating military.
Dahil kasi rito ay mas mapapabilis ang pag-aksyon na tulungan ang mga apektadong kababayan, na batid naman nating hanggang ngayon ay marami pa ring mga lugar na matinding binaha kahit na wala na ang bagyo, habang agad na maipapaabot ang mga relief goods na kailangang-kailangan gaya ng mga pagkain, tubig at mga damit.
Kaya naman labis-labis ang pasasalamat natin sa gobyerno ng Singapore at Malaysia sa kanilang pagsuporta at pagseserbisyo, at nawa’y hindi sila manghinawa sa pagtulong sa ating bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments