top of page
Search
BULGAR

Simulan ang pagbabago sa sarili

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | Nov. 30, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Laganap kamakailan sa marami-raming banyagang social media influencers ang bagu-bago pang ‘October theory’. Naipakilala ito sa TikTok noong Oktubre ng 2023 at nagmula sa ideya na ang huling 90 na araw ng taon ay pagkakataong maisakatuparan ang hindi pa naisagawang pansariling New Year’s resolution bago sumalubong muli ng bagong taon. 


Nauso ang naturang teorya lalo na sa Amerika dala ng panahon ng autumn sa pagkagat ng Oktubre, kung kailan nalalagas ang mga dahon mula sa mga puno, na hudyat din ng simula ng taglamig. Kumbaga, ang pagbabago ng kanilang klima at natural na tanawin ay nakapagbibigay ng inspirasyong magbago rin sa personal na mga kaugalian o gawain.


Bagama’t ngayon pa lang sumikat ang October theory, masasabing ilang taon na rin itong nasa kamalayan ng ilan. Nariyan, halimbawa, ang mga kuwardernong planner na, bukod sa karaniwang mga edisyon na ang mga pahina ay para sa 12 buwan ng bawat taon, may mga bersyon na ang espasyo ay para sa 16 hanggang 18 na buwan simula sa

Setyembre o Hulyo ng kasalukuyang taon.


Kasangkapan ang ganitong talaan upang makapagplano hindi lamang sa paparating na bagong taon kundi sa huling mga buwan bago pa man mag-Enero.Naaayon din ang konseptong ito sa likas na hilig ng tao na mag-procrastinate o ipagpaliban ang mabibigat na gawain o pangako, para sa sarili man o sa iba, hanggang sa magkulang na sa oras at maging masikip na ang mga araw.


Marahil ay matatagalan bago mauso rito sa atin ang nabanggit na teorya, sapagkat ang kadalasang pinagkakaabalahan natin tuwing Oktubre pati Nobyembre ay ang pagharap sa mga bagyo at pag-iwas sa pananalantang dulot ng mga ito. 


Ngunit may kabuluhan pa rin ang nasabing teorya dahil sa iminumungkahi nitong aral — na hindi kailangang hintayin ang pagsapit ng bagong taon upang magbagong buhay.


At hindi kailangang bongga o engrande ang aasikasuhing pagbabago bagkus ay kahit dahan-dahan lamang ang pag-usad habang inaasinta ang inaasam na pagpapabuti. 


Ngayon pa lang, halimbawa, unti-unti nang sanayin ang sarili na kumain lamang nang sapat upang sa pagdiriwang ng kahit ilan pang salu-salo o Noche Buena ay hindi madidismaya sa sariling timbang pagkalipas ng Pasko. 


Kung nais magpapawis nang masinsinan at mag-ehersisyo nang madalas, magsimula na ngayon imbes na hintayin pa ang unang linggo ng taon. Kung nais matuto ng matagal nang ninanais na libangan o uri ng palakasan, puwede namang bumangon at atupagin na. Kung nais maging kalma’t malumanay imbes na nagmumurang palaaway, unti-unti nang matutuhang magpigil imbes na magwala. Kung nais magbago ng hanapbuhay ngunit nag-aalangan dahil sa pag-aalala, pagnilay-nilayan at kumilos nang nararapat upang mapalagay imbes na patuloy na mabahala o maging balisa. Kung may natitipuhang tao na nais maging katuwang pero nahihiya, isiping wala namang mawawala kung sa wakas ay kausapin na ito at simulan man lang na makipagkaibigan.  


Sa gitna nito at sa pagmumuni-muni ukol sa mga nais matupad, hindi lamang mapapagaan ang diwa dahil hindi na ikukulong sa isipan ang ating mga balak, mauunawaan pa natin ang leksyon ng tanyag na dasal ng kahinahunan o serenity prayer: na matanggap nawa natin ang mga bagay na hindi na natin mababago, magkaroon tayo ng lakas na baguhin ang mga bagay na maaari pa nating baguhin, at dumaloy sa atin ang karunungan para mahimay at mapagbukod ang kaya pa nating mabago sa hindi na maaaring baguhin.


Ang bunga ng lahat ng ito: Lalo nating mauunawaan na kahit anong buwan, araw o saglit ay may dalang pagkakataon para magbago tungo sa ikabubuti. Hindi naman kailangang biglaan, mabilisan o sa isang magdamag lamang. Humugot tayo ng tapang at tiwala na tayo ay nananatiling may magagawa. 


Kung ngayon pa lang ay unti-unti nating mapaghandaan ang darating na taon o ang minimithing mas maaliwalas na bukas, mas magiging karapat-dapat tayong maipatotoo ang pagkamit nito.


 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page