top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Simula na ngayong araw ang mas pinahigpit pang ECQ

BULGAR
Aug 6, 2021
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 06, 2021


Ngayong araw na ipatutupad ang ilang araw na nating pinaghahandaan na Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa buong Metro Manila na ayon mismo sa Department of Interior and Local Government (DILG) ay tatawagin itong hard lockdown.


Ibig sabihin ay mas magiging mahigpit ito kumpara noong unang ipinatupad ang MECQ na halos wala nang makitang sasakyan sa lansangan at napakahaba ang pila ng mga sasakyan sa mga itinalagang checkpoints.


Alalahanin natin na mismong ang Department of Health (DOH) ang nag-anunsiyong ang nagyayaring pagsirit ng COVID-19 sa maraming lugar sa bansa ay posibleng epekto na mismo ng Delta variant na sinusugan din ng World Health Organization (WHO).


Ang mga kumpirmadong positibo na sa Delta variant ay ang Malabon na may 4 na kaso, San Juan-2, Las Piñas-14, Valenzuela-1, Pasig-6, Mandaluyong-2, Maynila-12, Caloocan-4 at Makati-3 hindi pa kabilang ang mga hindi pa kumpirmado.


Sa buong Metro Manila lamang ay tinatayang nasa 1,535 ang araw-araw na inuulat na kaso ng COVID-19 at inaalam pa kung may nagaganap ng community transmission dahil nga sa napakabilis na pagtaas pa ng kaso nitong nagdaang mga araw.


Kaya ayon sa anunsiyo ng DILG, kahit sinong lalabag sa umiiral na minimum public health standard ay hindi lang basta sisitahin kung hindi aarestuhin at ikakalat umano ang maraming kaanib ng Philippine National Police (PNP) sa mga matataong lugar.


Tiniyak ng DILG na sasampahan ng kaukulang kaso ang maaaresto na lumabag sa health protocol base sa umiiral na ordinansa ng lokal na pamahalaan kung saan nasakote ang isang pasaway na indibidwal.


Ipinagpapalagay ng pamahalaan na kahit paano ay nagkaroon ng pagkakataon ang mga taga-Metro Manila na makapaghanda para sa araw na ito hanggang sa Agosto 20 na itinakdang panahon para sa ECQ.


Natural na inaasahan din ng pamahalan na may mga kababayan tayong imbes na maghanda ay mas gusto pang magreklamo na lang at hanapan nang hanapan ng mali ang ipinatutupad na ECQ na wala namang ibang hangad kung hindi ang pigilan ang pagkalat ng Delta variant ng COVID-19.


Bago pa man ang implemantasyon ng ECQ ay nagkasundu-sundo ang Metro Manila mayors na ituloy pa rin ang pagpapatupad ng curfew mula sa dating alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-4 ng umaga ay ginawa pa itong alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw.


Kasabay nito ay inatasan ng pamunuan ng PNP ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na siguruhing maipatutupad ang strict implementation ng pinahabang curfew at arestuhin ang mga lalabag.


Mahigpit na border control din sa palabas at papasok ng Metro Manila ang mararanasan ng ating mga kababayan upang matiyak na hindi masasayang ang pagpapatupad ng dalawang linggong ECQ.


Sa panahon ng ECQ ay target ng Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) na maturukan ng bakuna ang may apat na milyong residente ng Metro Manila at papayagang lumabas ng bahay ang mga senior citizen kung magtutungo ang mga ito sa vaccination sites.


Masusing paghahanda at palalakasin din ang mga healthcare facilities tulad ng intensive care units at isolation centers upang masigurong kakayanin ang pagdagsa ng mga pasyente sakaling dumating ang pinangangambahang pagsirit ng Delta variant.


Maging ang isasagawang contact tracing ay paiigtingin din sa gitna ng ECQ upang makatulong sa pamahalaan sa pag-assess ng sitwasyon kung dapat bang tapusin sa takdang panahong ang pagpapatupad ng ECQ o dapat na ipagpatuloy pa.


Hindi lang Metro Manila ang apektado ng ECQ dahil maraming lalawigan ang kasalukuyan ding nagpapatupad nang paghihigpit sa mga border, partikular ang mga bayan na patungong Norte at Bicol area bilang pagtugon na rin sa isinasagawang ECQ ng Metro Manila.


Hard lockdown din ang ipinatutupad sa Iloilo City dahil sa hindi na makayanan ng mga crematorium sa kanilang lugar ang pagdagsa ng mga nasawi dahil sa COVID-19.


Sa Cebu ay nasa 132 health workers mismo ang nahawa sa COVID-19 at umabot na 3,016 ang kanilang kaso sa loob lamang ng isang araw na karamihan umano ay nangangailangan ng oxygen na sa ngayon ay kaya pa naman ang supply.


Maging sa Aklan ay naghahanda na sila na magkaroon ng mas malawak na paglilibingan ng mga nasawi sa COVID-19 dahil base sa datos ng DOH-Western Visayas ay nasa 166 na ang nasawi sa kanilang lugar dahil sa patuloy na pagkalat ng naturang virus.


Tinukoy namang ‘high-risk’ area ng DOH ang Ilocos region dahil sa mataas na average daily attack rate (ADAR) na nasa 8.47 kaso kada 100,000 population at napakataas din ng aktibong kaso sa rehiyon dahil 243 ang ginagamot sa ospital habang 3,439 sa bahay at facility isolation.

Sana ay mapansin ng ating mga kababayan na pabigat nang pabigat ang mga pahayag ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalan na hindi man tahasang sinasabi ay tila pinaghahanda tayo sa mas malalang sitwasyon kaya dapat tayong mag-ingat at sumunod sa pamahalaan.


Sa mga pasaway, matitigas ang ulo, palaging nakakontra at ayaw magpabakuna ay maawa kayo sa mga mahal n’yo sa buhay, baka kayo pa ang magdala ng virus na maging sanhi ng maaga nilang pagkasawi!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page