top of page

SIM Card Registration Law, palpak, inabala lang ang taumbayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 6, 2025
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 6, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

MALAMANG BALIK-KULUNGAN SI SEN. JINGGOY KAPAG GUILTY HATOL SA KANYA SA MGA KINASANGKUTANG KASONG KATIWALIAN -- Ibinasura ng Sandiganbayan ang hirit ni Sen. Jinggoy Estrada na ibasura ang mga kasong katiwalian na isinampa sa kanya kaugnay sa pork barrel scam.


Kaya kapag napatunayang guilty si Sen. Jinggoy sa kaso, malamang balik-kulungan siya at baka hindi na sa detention cell ng Camp Crame siya ikulong, baka idiretso na siya sa Bilibid, abangan!


XXX


PALPAK ANG SIM CARD REGISTRATION LAW -- Inanunsyo ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga nabibiktima ng scam calls sa ‘Pinas.


Patunay iyan na inabala lang ng gobyerno ang mamamayan sa pagpaparehistro ng SIM card ng kanilang mga cellphone kasi nga palpak ang batas na SIM Card Registration Law, boom!


XXX


BASTA SCALAWAG NA MGA PARAK, WALANG KABUSUGAN -- Walang kabusugan ang mga scalawag na parak sa bansa.


Mantakin n’yo, dinoble na nga ng noo’y Pres. Rodrigo Roa Duterte ang suweldo ng mga pulis, tapos nagagawa pa rin ng ilan na gumawa ng mga labag sa batas, at ang latest na kabalbalang ginawa ay nang holdapin ng 31 pulis at tangayin ang P85 million cash at kagamitan ng isang Chinese national sa Las Pinas City.


Dahil sa ginawa nilang iyan, pinagsisibak at pakakasuhan pa sila ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) director, Gen. Anthony Aberin, period!


XXX


DAPAT ANG IBIDA NG MALACANANG, GINAWANG MURA ANG BILIHIN SA MGA PALENGKE AT HINDI SA IILANG KADIWA STORES LANG -- Ibinida ng Malacanang na nadagdagan na raw ang bilang ng mga Kadiwa store sa bansa kung saan makakabili rito ng murang presyo ng bigas at iba pang bilihin ang mamamayan.

Hindi dapat ibinibida iyan ng Marcos administration kasi mangilan-ngilan lang naman ang mga Kadiwa store.


Kung gusto ng Malacanang na bumango ang pangalan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM), ang dapat nilang gawin ay ibaba ang presyo ng bigas at mga pangunahing bilihin sa mga palengke at hindi ‘yung ibinibida lang nila ay ang murang bilihin sa iilang Kadiwa stores, boom!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page