Sikat na online seller, level up! MADAM INUTZ, SINGER NA
ni Vinia Vivar - @Frankly Speaking | September 30, 2021

Ganap na ngang recording artist ang social media sensation na si Madam Inutz o Daisy Lopez. Ito’y via her debut single na pinamagatang Inutil composed by Ryan Soto.
Ang kilalang social media influencer, former Mr. Gay World titlist, businessman at philanthropist na si Wilbert Tolentino ang nagsilbing tulay. Mistula itong anghel na gumabay kay Madam Inutz para maisakatuparan ito.
Aminado si Madam Inutz na mula sa kanyang pag-uukay-ukay, sa tulong ni Wilbert ay naging ganap na siyang recording artist.
“Laking pasasalamat ko sa pagkakataong ibinigay sa akin na magkaroon ng debut single sa edad kong ito, hahahaha! Sa dinami-dami ng mga mas bata sa akin na nangangarap maging isang recording artist at may sariling music video, ako pa ang napili ng tadhana. Sa tulong ito ng aking one and only manager na si Sir Wilbert,” masayang wika ni Madam Inutz.
Sobrang pinaghandaan nga raw niya ang araw ng recording at talagang ipinahinga niya ang kanyang boses.
“Ilang araw din akong hindi uminom ng malamig na tubig at binawasan ang pagsigaw sa online selling para makondisyon ang boses ko. Dahil ang kanta ay may kaunting pagsigaw at kailangan ng energy,” kuwento ni Madam Inutz.
Ayon naman kay Wilbert o Kuya Wil, may unique singing voice ang kanyang alaga.
“Meron siyang unique na raspy voice. Bagay sa kanya ang mga novelty, rap, hiphop, rock, lalung-lalo ang mga tunog-kalye. Bagay sa kanya ang mga estilo nina Sampaguita, Aegis o Up Dharma Down.
“Mabilis niyang natutunan ang mga melody ng kanta at kaya niyang baguhin ang atake, ayon sa kanyang style. Sobrang professional at walang reklamo sa oras, kahit inabot nang madaling-araw sa pag-shoot ng music video,” papuri ni Wilbert kay Madam Inutz.
Ang kantang Inutil ay introduction daw ng buhay ni Madam Inutz kung sino ito at kung paano ito nagsimula.
Sa kasalukuyan ay available na ang Inutil sa Spotify, Apple Music, Amazon Music, Deezer, Tidal, Vevo, Tiktok, Youtube Music, Beatport, Instagram, Snapchat, Twitch, Shazam, iTunes, Facebook, iTunesRadio, etc.





Comments