top of page
Search
  • BULGAR

Si P-BBM at ang ika-10 Cityhood anniversary ng Bacoor

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | June 24, 2022


Kahapon ay ipinagdiwang ang ika-sampung anibersaryo ng pagiging siyudad ng Bacoor, Cavite at marahil ay hindi alam ng marami nating kababayan na napakalaki ng ginampanang papel ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) kung bakit ito naging siyudad.


Lingid sa kaalaman ng marami ay sa Bacoor unang nangampanya si P-BBM hindi pa man ito nagdedeklara para kumandidatong Pangulo ng bansa dahil sa labis na pagmamahal na ipinakita nito sa Bacoor, na naging dahilan din kayang buong-buo ang suporta ng mga taga-rito noong nagdaang halalan.


Ako bilang tubong Imus at lumaki sa Bacoor ang siyang naging Author sa Senado upang maging ganap na siyudad na ang Bacoor at sa Kongreso ay si Representative Lani Mercado-Revilla ay may sarili ring bersyon ng kahalintulad na panukala.


Si P-BBM na noon ay Senador pa lamang na siyang Chairman ng Senate Committee on Local Government ay siyang naging instrumento ng pagpasa ng batas upang maging siyudad ang dating bayan ng Bacoor.


Tumayong sponsor si P-BBM hanggang maipasa sa Senado ang Senate Bills 2761 at 2931 at House Bills 4730 at 4729 na naglalayong ang munisipalidad ng Imus at Bacoor ay maging component cities na ngayon ay kilala bilang City of Imus at City of Bacoor ayon sa pagkakasunud-sunod.


Ang naturang mga batas ay kalaunang naging Republic 10161 at 10160 matapos na lagdaan ito upang maging ganap ng batas ni dating Pangulong Benigno Aquino, III noong Abril 11, 2012.


Malaki ang naitulong ni P-BBM na makipagtalastasan hanggang sa aprubahan ng Senado sa pinal na pagbasa noong Disyembre 2011 at umani ito ng 19-0 boto — pabor na maging siyudad na ang noon ay munisipalidad ng Imus at Bacoor.


Katuwang natin si P-BBM kung bakit karapat-dapat ng maging siyudad ang Imus at Bacoor sa dami ng mga Senador na kumukuwestiyon sa gitna ng deliberasyon sa plenaryo ng Senado at nakumbinse natin na ang Imus at Bacoor ay may kaaya-aya at sapat na legal requirement para sa conversion.


Pinatunayan naming ang basic requirements sa ilalim ng Section 450 of the Local Government Code of 1991, as amended by Republic Act 2009 para ang munisipalidad ay maging ganap na siyudad ay nakumpleto na noong panahong iyon.


Parehong ang Imus at Bacoor ay may generated average annual income na humigit-kumulang P100 milyon sa nagdaang dalawang taon na sinusugan at naglabas pa ng sertipikasyon ang Department of Finance.


Pasok din ang Imus at Bacoor sa population requirement ng hindi bababa sa 150,000 residente na pinatotohanan din ng sertipikasyon ng National Statistics Office at parehong may hindi bababa sa 100 kilometrong teritoryo na pinatotohanan din ng Land Management Bureau.


Lahat ng detalye para maging ganap na siyudad ang Imus, lalo na ang Bacoor ay sinikap naming makumpleto ni P-BBM at matiyaga namin itong pinagsikapan hanggang sa ganap na mapagtagumpayan.


At kahapon, ganap na alas-9:30 ng umaga ay muling nagbalik si P-BBM sa Bacoor City at tuwang-tuwa ang mga tao na sinalubong siya sa Bacoor Elementary School sa Bgy. Alami kung saan ginanap ang ika-10 anibersaryo ng pagiging siyudad nito.


Dumalo rin sa naturang pagtitipon sina Cavite Governor Jonvic Remulla, Bacoor Representative Lani Mercado-Revilla, First District Representative Jolo Revilla, Board Member Ram Revilla, Vice-Mayor-elect Rowena Mendiola at marami pang iba na lalong nakadagdag saya sa isinagawang selebrasyon.


Lalong nagbigay-kulay sa naturang pagdiriwang ang may labing limang banda na halinhinang nagpakita ng gilas sa pagtugtog para salubungin lamang ang pagdating ni P-BBM bilang pagtanaw din ng pasasalamat sa tagumpay at pag-unlad ng Bacoor City.


Sa muling pagbalik ni P-BBM sa Bacoor City ay ramdam na ramdam ng mga tao ang pagmamahal nito sa naturang siyudad na kitang-kita naman noong nakaraang eleksiyon kung gaano sinuportahan ng mga taga-Bacoor ang kanyang kandidatura.


Sa maikling talumpati na ipinagkaloob ni P-BBM ay muli niyang binalikan kung paano niya sinuportahan sa Senado ang iniakda nating batas na maging ganap na siyudad na ang Bacoor at nagpakita ito ng kasiyahan dahil sa laki ng pagbabago at progreso ng Bacoor City.


Tulad ng dapat asahan, halos hindi maputol ang palakpakang ipinagkaloob ng mga taga-Bacoor kay P-BBM na magkahalong tuwa at pasasalamat sa muling pagbabalik ni P-BBM at sa pagiging siyudad ng Bacoor City.


Halos alas-12: 00 na ng tanghali ng matapos ang nabanggit na selebrasyon, ngunit bakas sa mukha ng mga taga-Bacoor ang ngiti at hindi alintana ang hirap at init dahil sa nadarama nilang tuluy-tuloy na kaunlaran sa Bacoor City.


Maraming Salamat P-BBM, ang sigaw ng mga taga-Bacoor!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page