top of page
TEKA NGA - DIREK DARRYL, SHOCKED NA MAGALING UMARTE AT MATALINO SI SARAH_FB Circulated.jpe

312,383 learners with disabilities walang diagnosis, hanggang kailan maghihintay?

Writer: BULGAR
BULGAR
6 hours ago
2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | November 10, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Isa sa mga pinakamahalagang batas na ipinasa natin nitong mga nagdaang taon ang pagpapalawak ng saklaw ng mga serbisyo para sa ating mga learners with disabilities o mga mag-aaral na may kapansanan. 


Sa ilalim ng ‘Instituting a Policy of Inclusion and Services for Learners with Disabilities in Support of Inclusive Education Act (Republic Act No. 11650),’ nakasaad na mandato ang pagkakaroon ng Inclusive Learning Resource Center (ILRC) sa bawat lungsod at munisipalidad. Tungkulin ng mga ILRC ang paghahatid ng angkop na suporta at serbisyo sa ating mga mag-aaral na may kapansanan. Bawat ILRC naman ay magkakaroon ng multidisciplinary team para sa paghahatid ng suporta at serbisyong ito.


Upang mabuo ang mga multidisciplinary team, mahalagang magkaroon ang mga ILRC ng sapat na mga eksperto na susuri sa mga mag-aaral na may kapansanan at matukoy ang kanilang mga pangangailangan. Mandato rin nilang magtatag ng referral system para sa mga serbisyong kailangan nila.


Mahalaga ang papel ng mga multidisciplinary team upang magabayan ang paghahanda ng mga Individualized Education Plan (IEP), kung saan tutukuyin mga prayoridad, kinakailangang serbisyo, at nilalaman ng programang tutugon sa mga pangangailangang pang-edukasyon ng mga mag-aaral na may kapansanan upang tulungan silang magtagumpay.


Sa kabila ng mga magagandang layuning ito, nagpapatuloy pa rin ang mga hamon sa pagpapatupad ng batas at sa pagtugon sa pangangailangan ng ating mga mag-aaral na may kapansanan. Hindi lamang sa ating mga paaralan lumalabas ang mga kakulangang ito, kundi pati na rin sa loob mismo ng Department of Health. 


Halimbawa, lumalabas sa pagsusuri ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II) na meron lamang 109 na developmental pediatricians sa bansa. Pinuna rin ng Komisyon na 312,383 (63.4%) sa 492,902 na mga mag-aaral na may kapansanan ang walang pormal na diagnosis bagama’t may mga senyales ng pagkakaroon ng kapansanan. 


Sa mga ospital ng DOH, 262 (65%) sa 395 na posisyon para sa mga occupational therapists ang nananatiling bakante, samantalang 61 (79%) sa 77 na posisyon para sa mga speech therapists ang nanatiling bakante. Ayon pa sa Komisyon, 14 sa 18 na rehiyon ng bansa ang walang pasilidad na may ugnayan sa PhilHealth para sa paghahatid ng occupational at speech therapy. 


Batay naman sa datos na nakalap nitong nakaraang Pebrero, lumalabas na 717 (10.8%) ang nanatiling bakante sa 6,613 na mga awtorisadong posisyon ng Special Needs Education Teacher.


Naisabatas ang Republic Act No. 11650 noong 2021 at aminado tayong mahabang panahon ang kakailanganin natin upang mapunan ang pangangailangan para sa mga eksperto at mga espesyalista. Kaya naman, mandato ng batas ang pagkakaroon ng multi-year roadmap upang unti-unti nating makamit ang mga layunin nito.





May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page