Service incentive leave, hindi maaaring igiit ng tumatanggap na ng kawangis na benepisyo
- BULGAR
- May 13, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | May 13, 2021
Dear Chief Acosta,
Ako ay nagtatrabaho sa business process outsourcing (BPO) na kompanya. Mayroon kaming sampung leave credits sa bawat taon. Makakukuha pa ba kami ng service incentive leave? Nabanggit kasi ng kapatid ko na sila diumano ay mayroon nito. – Steff
Dear Steff,
Ang service incentive leave ay isa sa mga benepisyo na ipinagkakaloob sa ilalim ng Labor Code of the Philippines. Ito ay limang araw na pagliban bawat taon na mayroong angkop na bayad sa sahod. Subalit, hindi na ito ipagkakaloob sa mga pribadong manggagawa na nakatatanggap na ng kawangis na benepisyo. Malinaw na nakasaad sa Article 95 ng nasabing batas ang sumusunod:
“ART. 95. Right to service incentive leave. - (a) Every employee who has rendered at least one year of service shall be entitled to a yearly service incentive leave of five days with pay.
(b) This provision shall not apply to those who are already enjoying the benefit herein provided, those enjoying vacation leave with pay of at least five days and those employed in establishments regularly employing less than ten employees or in establishments exempted from granting this benefit by the Secretary of Labor and Employment after considering the viability or financial condition of such establishment.
(c) The grant of benefit in excess of that provided herein shall not be made a subject of arbitration or any court or administrative action.” (Binigyang diin)
Kaugnay nito, masasabing hindi mo na maaaring igiit sa inyong pribadong kompanya na mabigyan ka ng service incentive leave sapagkat ikaw ay binibigyan na ng kawangis na benepisyo dahil mayroon kang sampung (10) leave credits sa bawat taon.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments