top of page

Serbisyo sa publiko: Respeto sa karapatan, hindi pabango sa pulitika

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 5
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | January 5, 2026



Boses by Ryan Sison


Karapatan ng bawat guro, kawani ng gobyerno, at iba pang tauhan na matiyak na ang kanilang sahod at benepisyo ay hindi napupunta sa wala. Kaya’t nakakabahala ang balitang ang panukalang pambansang badyet para sa 2026 ay maaaring magdulot ng pagkaantala sa salary increases at retirement benefits matapos ilipat ang mahigit ₱43 bilyong mandatory personnel benefits sa unprogrammed appropriations, pondong hindi tiyak kung kailan mailalabas.


Ayon sa isang kinatawan ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), inilipat sa ilalim ng bagong item na “Payment of Personnel Services Requirements” ang ₱10.77 bilyon para sa salary upgrades at ₱32.47 bilyon para sa retirement at terminal leave benefits. Mula sa dating garantisadong pondo, nakadepende na ngayon ang mga benepisyong ito sa pagkakaroon ng excess revenue ng gobyerno — kita muna bago ang karapatan.


Tinukoy ng ACT na naapektuhan ang pondo sa ilalim ng Miscellaneous Personnel Benefits Fund at Pension and Gratuity Fund. Mula ₱111.57 bilyon, ibinaba sa ₱77.05 bilyon ang una; habang ang ikalawa ay lumiit mula ₱198 bilyon patungong ₱165.6 bilyon. Samantala, pinalaki ng mga mambabatas ang lump-sum funds para sa mga lokal na pamahalaan ng mahigit ₱53 bilyon. Para sa maraming empleyado ng gobyerno, malinaw na mas tiyak ang pondo sa ibang item kaysa sa kanilang pinaghirapang kabuhayan.


Hindi rin ito bagong pangyayari. Noong 2025, hindi rin natanggap ng ilang kawani ng Department of Education (DepEd) at iba pang ahensya ang buong ₱20,000 service recognition incentive dahil sa kakulangan ng pondo. Ngayon, tila inuulit ang parehong bangungot. Dagdag pa, iginiit ng ACT na ginagamit ang personnel benefits bilang panangga upang hindi ma-veto ang unprogrammed appropriations, na nasangkot sa mga alegasyon ng katiwalian sa flood control projects noong 2023 at 2024.


Inaasahang lalagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang 2026 budget. Nanawagan ang ACT na i-veto ang unprogrammed appropriations at agad magsumite ng supplemental budget upang maibalik ang ₱43.24 bilyon para sa sahod at benepisyo. Ito ang makatarungang hakbang — hindi pagtakpan ang problema, kundi ituwid ito.


Ang serbisyo publiko ay hindi dapat ginagawang bargaining chip. Ang sahod at pensyon ay hindi pabor; ito ay kabayaran sa taon ng pagtuturo, pagbabantay, at paglilingkod. Kung nais ng gobyerno ang tapat at masigasig na kawani, dapat nitong igalang ang kanilang karapatan. Ang tunay na reporma ay nagsisimula sa katiyakang ang naglilingkod ay nakukuha ang para sa kanila.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page