ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 3, 2024
Palagi kong sinasabi na sa bawat batas na ating ipinapasa, bawat programang isinusulong, at bawat inisyatiba na sinusuportahan, dapat unahin ang mga pinakanangangailangang Pilipino. Kaugnay ito ng pagsisikap natin na walang maiiwan sa ating pagbangon.
Ganoon din ang aking paniniwala sa paghahatid ng serbisyo sa kapwa. Wala tayong pinipili. Mahalaga na lahat ng sektor ay ating mapakinggan para matugunan ang kani-kanyang suliranin na pinagdaraanan.
Tulad na lamang noong naghatid tayo ng tulong sa Mati City, Davao Oriental noong Sabado, June 29, kasama ang ating Malasakit Team. Doon natin binigyan ng suporta ang mga solo parents and daycare workers, food delivery riders, persons with disabilities o PWDs, out-of-school youth, fish porters, indigenous people o IPs, vendors at iba pa. Naging katuwang natin sa relief effort sina Mayor Michelle Rabat, Vice Mayor Lorenzo Rabat, Coun. Tara Rabat-Gayta at iba pang mga lokal na opisyal.
Sa ating pagbisita sa Mati City ay personal nating pinangunahan ang pagkakaloob ng tulong pinansyal sa 1,500 mahihirap na residente. Ang pondo ay nagmula sa sama-sama naming pagsisikap ng aking mga kapwa mambabatas na sina Sen. Francis Tolentino at Sen. Robin Padilla, ni Mayor Rabat at ng national government. Sa hiwalay na okasyon ay panibagong grupo ng 1,500 mahihirap na residente ang nabigyan natin ng tulong pinansyal katuwang pa rin ang lokal na pamahalaan.
Sinabi ni Mayor Rabat na ang pondo na ating isinulong ay malaking tulong sa kanilang Daycare Parents Association dahil napakahalaga na masuportahan ang mga magulang na nag-aalaga ng kanilang mga anak, gayundin ang tulong na naipagkakaloob natin sa food delivery workers at tricycle operators sa lugar. Ang kapakanan ng PWDs naman ay lagi ring una sa ating mga inisyatiba.
Hindi tayo tumitigil sa pagsuporta sa mga solo parents. Co-author at co-sponsor tayo ng Republic Act No. 11861 na nag-amyenda sa Solo Parents’ Welfare Act of 2000. Sa pamamagitan nito, napagkalooban ang mga solo parent — na ang mayorya ay mga kababaihan — ng karagdagang mga benepisyo sa kanilang matapang na pagtataguyod na mag-isa sa kanilang mga anak.
Para naman sa karagdagang proteksyon sa mga nasa delivery services, isinumite natin sa Senado ang Senate Bill No. 1184, o ang panukalang “Food, Grocery, and Pharmacy Delivery Services Protection Act of 2022” upang maisulong ang kanilang karapatan at kabuhayan.
Bilang chair ng Senate Committee on Health, iniiwasan natin na may mga Pilipinong makararanas ng gutom kaya patuloy kong isusulong ang aking mga inisyatiba at susuportahan ang mga programang makapaghahatid ng tulong sa mga pinakamahihirap nating kababayan.
Sa araw ding iyon ay dumalo tayo sa ginanap na Liga ng mga Barangay-Davao Oriental Chapter Provincial Congress na ginanap sa A57 Techno Park Mati sa paanyaya ni Provincial President Jossone Michael Dayanghirang. Sinaksihan natin ang turnover ng ambulansya para sa San Isidro at Caraga, mga bayan sa Davao Oriental, kasama si Cong. Nelson “Boy” Dayanghirang, na ating isinulong katuwang ang DOH.
Naging panauhing tagapagsalita naman tayo sa Davao Oriental State University Commencement Exercises sa paanyaya ni SUC President Roy Ponce. Bilang chair ng Senate Committee on Sports, sinaksihan din natin ang pagbubukas ng isang sports cup sa Brgy. Sainz, Mati City. Nilahukan ito ng 11 koponan mula sa iba’t ibang munisipalidad ng Davao Oriental.
Nakiisa naman tayo sa pagdiriwang ng ika-57 Araw ng Davao del Sur noong July 1 sa paanyaya ni Gov. Yvonne Cagas. Sinaksihan natin ang turnover ng Super Health Center sa Digos City kasama si Mayor Josef Cagas. Matapos ito, pinangunahan natin ang pagkakaloob ng tulong pinansyal sa 2,000 mahihirap na residente ng Digos City katuwang ang lokal na pamahalaan.
Kahapon, July 2, ang mga kababayan naman natin sa Surigao del Sur ang hinatiran natin ng serbisyo. Katuwang si Gov. Ayec Pimentel, nagkaloob tayo ng tulong pinansyal sa 2,000 mahihirap na residente ng Bislig City. Namahagi tayo ng tulong sa 23 iba’t ibang kooperatiba sa Caraga Region sa ilalim ng ating inisyatiba na “Malasakit sa Kooperatiba” sa pakikipag-ugnayan sa Cooperative Development Authority.
Hindi rin tumitigil ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa mga sektor na nangangailangan. Natulungan natin ang 20 residente ng Capoocan, Leyte na naging biktima ng sunog.
Naayudahan din ang 187 displaced workers sa Cebu City katuwang si Congw. Marissa del Mar Magsino ng OFW Partylist. Ang mga benepisyaryo ay mabibigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.
Nagbigay tayo ng dagdag na tulong sa 20 TESDA scholars sa Binangonan, Rizal. Naghandog din tayo ng munting regalo sa mga kalahok sa MB Cup sa Quezon City katuwang si Councilor Mikey Belmonte.
Sa abot ng aking makakaya ay patuloy akong magseserbisyo sa ating mga kababayan lalung-lalo na sa mga walang ibang matatakbuhan kundi ang gobyerno. Bisyo ko ang magserbisyo, at ako ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments