top of page

Serbisyo publiko raw, pero kaban ng bayan ang nilimas—DPWH, singilin na!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 19 hours ago
  • 3 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | December 30, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


HINDI LANG P150M INSERTION NG BICOL SARO ANG DAPAT PAIMBESTIGAHAN NI CONG. LEANDRO LEVISTE, KUNDI PATI ANG P1B INSERTION NG MOMMY NIYANG SI SEN. LOREN LEGARDA – Hindi patas ang trato ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste sa mga mambabatas na iniuugnay niya sa umano’y mga insertions o pagsisingit ng pondo para sa mga proyekto sa 2025 national budget.


Mistulang “ngawngaw” na lang kaysa “ngangaw” ang mga pahayag ni Cong. Leviste kaugnay sa alegasyon niyang may P150 milyong insertion umano ang Bicol Saro Party-list sa 2025 national budget. Dahil dito, hiniling pa niya na imbestigahan ng Kamara ang nasabing isyu at nanawagan pa ng pagpapatalsik kay Cong. Terry Ridon bilang chairperson ng House Public Accounts Committee. Si Cong. Ridon ay kinatawan ng Bicol Saro Party-list.


Gayunman, kapansin-pansin na ang matitinding batikos na ibinabato niya laban kay Cong. Ridon at sa Bicol Saro Party-list ay hindi niya ginagawa sa sarili niyang ina na si Sen. Loren Legarda, na inuugnay naman sa mas malaking insertion na umaabot umano sa P1 bilyon.


Kung tunay na hangarin ni Cong. Leviste ang panagutin ang lahat ng mambabatas na may insertions sa 2025 national budget, hindi dapat tumigil ang kanyang panawagan sa P150 milyong proyekto ng Bicol Saro Party-list. Nararapat din niyang ipanawagan ang imbestigasyon sa P1 bilyong insertion na iniuugnay sa kanyang inang senadora, at igiit din sa Senado ang kaukulang pananagutan—kabilang na ang panawagang tanggalin ito sa kinauukulang komite. Period!


XXX


SA FLOOD CONTROL SCANDAL AT IBA PANG KATIWALIAN SA DPWH, DAPAT LAHAT NG USEC. AT ASEC. NG DEPARTAMENTONG ITO, IMBESTIGAHAN AT ISAILALIM SA LIFESTYLE CHECK – Sa mga dating high-ranking officials ng Department of Public Works and Highways (DPWH), tanging sina former Secretary Manuel Bonoan, former DPWH Undersecretary for Operations Roberto Bernardo, ang yumaong former DPWH Undersecretary for Planning Ma. Catalina Cabral, at ilang DPWH district officials pa lamang ang nabulgar na umano’y dawit sa flood control scandal.


Ang nais nating ipunto: hindi dapat doon nagtatapos ang imbestigasyon. Dapat ding isailalim sa masusing imbestigasyon at lifestyle check ang lahat ng mga nanungkulan bilang undersecretary at assistant secretary ng DPWH mula 2016 hanggang 2025. Imposibleng wala silang nalalaman sa malawakang nakawan sa kaban ng bayan na naganap sa loob ng departamentong ito. Boom!


XXX


KUNG NAIS NI PBBM UMANGAT ANG RATING NIYA SA SURVEY, UTUSAN NIYA ANG ICI NA ISAPUBLIKO IMBESTIGASYON SA FLOOD CONTROL SCANDAL AT IPAKULONG SA YEAR 2026 MGA CORRUPT NA POLITICIANS – Isa sa mga idinadahilan ng mga political analyst kung bakit malaki ang ibinagsak ng survey rating ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) ay dalawang bagay: una, ang pagsasagawa ng closed-door hearings ng itinatag niyang Independent Commission for Infrastructure (ICI); at ikalawa, mula nang ibinulgar ng Pangulo ang flood control scandal ay wala pa ni isang kurakot na pulitikong naipakukulong na sangkot sa naturang scam.


Kung nais ni PBBM na muling umangat ang kanyang survey rating sa susunod na taon, malinaw ang dapat niyang gawin: atasan ang ICI na isapubliko ang resulta ng imbestigasyon sa mga sangkot sa flood control scandal at tiyaking makukulong ang mga tiwaling pulitikong nanloko at nagnakaw sa kaban ng bayan. Period!


XXX


BUTI HINDI PINATULAN NG MARCOS ADMIN ANG 'HAOSHAO WHISTLE BLOWER' NA SI RAMIL MADRIAGA – Buti na lamang at hindi pinatulan ng Marcos administration ang pagpapanggap na isang “whistle-blower” ng presong kidnaper na si Ramil Madriaga, na nagparatang na madalas daw siyang binibisita sa kulungan ni Vice President Sara Duterte-Carpio. Inangkin pa ni Madriaga na siya raw ay naging bagman umano ng Bise Presidente sa mga Chinese drug lords at sa operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).


Kung sakaling pinatulan ito ng administrasyong Marcos at ginawang testigo si Madriaga laban kay VP Sara, tiyak na magmumukhang kahiya-hiya sa mata ng publiko ang gobyerno. Lalabas na kumapit ito sa isang hao-shao o pekeng whistle-blower, sapagkat mismong si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang naglinaw na hindi si Madriaga ang binibisita ni VP Sara sa kulungan, kundi si former Negros Oriental Rep. Arnolfo “Arnie” Teves Jr., na nakakulong kaugnay ng mga kasong murder. Boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page