Serbisyo para sa mamamayan, gawing mabilis, magalang at maaasahan
- BULGAR

- Aug 15
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 15, 2025

Ang titulo o pamagat ng kauna-unahan kong artikulo sa pahayagang ito noong Agosto 18, 2023 ay “Taumbayan ‘wag pahirapan, tulong at serbisyo ibigay agad.” Sa nasabing espasyo, sinabi kong malinaw pa sa sikat ng araw na nakatambad ang mga pila at pagpapabalik-balik ng mga kapus-palad nating kababayan sa mga tanggapan ng pamahalaan.
Mahabang pila at pagpapabalik-balik sa mga opisina ng iba’t ibang sangay ng gobyerno ang hinaharap ng mga kapus-palad nating kababayan bagama’t marami nang batas, patakaran at alituntuning naglalayon at nagtatakda na padaliin ang mga transaksyong ito -- nasyonal, lokal o korporasyong pag-aari o kontrolado ng gobyerno.
Nandiyan ang Republic Act (RA) No. 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees na inaprubahan noong Pebrero 20, 1989 upang maipaabot sa mga mamamayan ang mabilis, magalang at sapat na serbisyo sa publiko.
Noong 1994, naglunsad ang Civil Service Commission ng programang “Mamamayan Muna, Hindi Mamaya Na” na sa titulo na lamang ay hindi na kailangang ipaliwanag. Katulad ng RA 6713, layunin din ng nasabing programa ang mabilis, magalang at mahusay na paglilingkod sa publiko ng mga opisyal at kawani ng gobyerno.
Sumunod diyan ang RA 9485, ang Anti-Red Tape Act of 2007 na inaprubahan noong Hunyo 2, 2007.
Upang higit na palakasin ang Anti-Red Tape Act, inamyendahan ito ng RA 11032, ang Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018, na inaprubahan naman noong Mayo 28, 2018.
Ngunit ang pagpapatupad ng mga nasabing batas at alituntunin ay naging mala-ningas-kugon sapagkat nasasaksihan pa rin ang pila ng mga mamamayan sa mga tanggapan ng gobyerno at namamalas sa social media ang mga reklamo hinggil sa matagalang aksyon ng ilang tanggapan ng gobyerno sa mga hinaing, pakiusap at reklamo mula sa pangkaraniwang mamamayan.
Kailangan ng mas maigting na pagsusumikap ng gobyerno upang ibsan ang bigat na dinadala ng ating mga kababayan at mga organisasyon, tulad ng maliliit na namumuhunan o negosyo sa bansa.
Tularan ninyo ang ipinamamalas ng Department of Energy, sa pangunguna ni Energy Secretary Sharon Garin, sa programa nitong gawing mabilis o madali na ang pagkuha ng mga magtitingi at magtitinda ng liquefied petroleum gas (LPG) at mga may-ari ng gasolinahan ng License to Operate (LTO) at Certificate of Compliance (COC). Sapagkat inilalapit na ng DOE ang pamahalaan sa mamamayan, gaya ng ginawa nitong pagtungo sa Palawan nitong linggong ito.
Sa mga nakaraang panahon, ang mga kukuha ng LTO at COC gaya ng mula sa mga probinsyang nasa isla katulad ng Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan (MIMAROPA) ay kinakailangang magtungo pa sa punong himpilan ng DOE sa Lungsod ng Taguig upang isumite at iproseso ang kanilang mga aplikasyon para sa nasabing LTO at COC.
Dahilan dito, kinakailangan ng mga aplikanteng gumastos para sa pamasahe, pagkain at tirahan, pagkawala ng oras sa kanilang negosyo at ganoon din ang abala, pagod at hirap ng mga ito.
Sa ilalim ng nasabing programa, nagtatayo ng mga One-Stop Shop ang DOE upang tiyaking makukuha ng mga aplikante para sa LTO at COC sa araw ding isumite nila ang kanilang aplikasyon, kung kumpleto ang lahat ng kailangang dokumento para suportahan ang kanilang aplikasyon.
Dagdag pa rito, pinalalakas din ng nasabing programa ng DOE ang mga pamantayan para sa kaligtasan ng mga mamamayan at mga komunidad at tinutulungan ang mga negosyong lokal, na lalong pagbutihin ang kanilang paglilingkod sa mga komunidad na kinatatayuan ng kanilang mga negosyo.
Muli ay binibigyang tinig ko ang aking panawagan sa kauna-unahang pagbibigay ko ng opinyon: Lumabas ang mga pinuno ng lahat ng tanggapan at ahensya ng gobyerno sa kani-kanilang komportableng tanggapan at asintaduhin ang paglilingkod sa kanilang mga nasasakupan upang tiyaking hindi na magpapabalik-balik ang ating mga kababayang lumalapit at humingi ng tulong — para ganap na maramdaman ng taumbayan na may gobyernong maaasahang magmalasakit sa kanilang kapakanan.
Ipinaaalaala rin natin sa na sa ilalim ng Anti-Red Tape Act at Ease of Doing Business and Efficient Delivery of Government Act na nakapatong sa inyong balikat ang pangunahing responsibilidad at pananagutan ng pagpapatupad ng nasabing mga batas. Gayundin, may kaukulang parusang administratibo at kriminal sa sinumang mapatutunayang hindi ginampanan ang kanyang tungkulin.
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.







Comments