top of page

Serbisyo noon, serbisyo pa more sa mga Pilipino!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 19
  • 5 min read

ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | June 19, 2025



Bisyo Magserbisyo ni Bong Go

Sa pagtatapos ng 19th Congress, lubos nating ipinagmamalaki ang maraming mga batas, programa, adbokasiya at inisyatibang ipinaglaban at naisakatuparan natin. Nagpapasalamat ako sa tiwalang ipinagkaloob ninyo sa isang probinsyanong tulad ko, gayundin sa tulong ng mga kapwa ko mambabatas at mga manggagawa sa gobyerno para patuloy na mailapit ang serbisyo sa ating mga kababayan — lalo na sa mga mahihirap, may karamdaman at higit na nangangailangan.  


Malaking karangalan para sa akin na maging Chairman ng Senate Committees on Health and Demography, on Youth, at on Sports. Dahil sa mga tungkuling ito, naipaglaban natin sa Senado ang mga mahahalagang batas na direktang nagbebenepisyo sa mga kapwa ko Pilipino.


Nitong 19th Congress, principal author tayo ng Republic Act No. 12076, o ang “Ligtas Pinoy Centers Act” na naglalayon na magtatag ng mandatory evacuation centers sa lahat ng lungsod at munisipalidad para mapangalagaan ang dignidad ng mga evacuees. Principal author din tayo ng RA 12177, o ang “Free Legal Assistance to Military and Uniformed Personnel” bilang bahagi ng ating patuloy na pagsisikap na mapahalagahan ang sakripisyo ng ating men and women in uniform. Ilan lamang ang mga ito sa mga batas na tayo ang pangunahing nagsulong.


Samantala, co-author naman tayo ng iba’t ibang batas, tulad ng RA 12077, o ang “Student Loan Payment Moratorium During Disasters Law” at ng RA 11996, o ang “Eddie Garcia Law.” Prayoridad natin lagi ang kapakanan ng ating mga kababayan sa lahat ng sektor. Sa ating krusada na mas mapatatag ang ating bansa, hangad natin na walang Pilipinong maiiwan.


Sa kasalukuyan ay nakapag-akda na tayo ng 19 na batas sa ating layuning mapagserbisyuhan ang mga Pilipino sa buong bansa. Principal sponsor din tayo ng 94 na mga batas — ang 92 sa mga ito ay para sa pagpapatayo at upgrading ng mga pampublikong ospital sa buong Pilipinas. Dalangin natin na ang mga proyektong ito ay makasasagip ng buhay at kalusugan ng mga kababayan natin lalo na ang mga naninirahan sa malalayong lugar at bihirang maabot ng serbisyo ng gobyerno.


Tinutukan din natin na matugunan ang mga problema sa kalusugan, edukasyon, disaster preparedness, at kaligtasan ng publiko sa pamamagitan ng 190 iba pang mga batas na co-author o co-sponsor ng inyong lingkod.


Sa mga isinagawa nating pagdinig sa Senado, patuloy din nating kinakamusta ang implementasyon ng mga batas at inisyatibang isinulong tulad ng Malasakit Centers Act, ang Super Health Centers program, at ang Regional Specialty Center Act. Walang humpay nating isinusulong ang pagpapalakas ng ating healthcare system. Katunayan, naungkat at naipatigil natin ang mga luma na at anti-poor policies ng Philippine Health Insurance Corporation. Hindi rin tayo tumitigil para ipaglaban na matanggap na ng ating healthcare workers na nagsakripisyo noong pandemya ang hindi pa nababayarang Health Emergency Allowance.


Sa ilalim din ng 19th Congress, lumikha ng kasaysayan ang mga atletang Pilipino sa international competitions, tulad ng 2024 Paris Olympics. Bilang Chairperson ng Senate Committee on Sports, nagbunga ang ating pagsisikap na maipaglaban ang dagdag na pondo para sa mga atleta. Ipagpapatuloy natin ang pagsuporta sa kanilang paghahanda at pagsasanay lalo na ng mga atleta sa grassroots level.


Hindi pa tapos ang ating mga gawain bilang senador. Sa ating patuloy na pagseserbisyo, noong June 9 ay dumalo tayo sa pagdinig ng Commission on Appointments para sa ad interim appointments ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines. Nakilahok tayo sa sesyon ng Senado kung saan inihayag natin na dapat ay sumunod sa mga prosesong legal ang impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.


Muli tayong nakiisa sa CA noong June 11 para sa kumpirmasyon ng ad interim appointments ng mga opisyal ng AFP at ng Department of Human Settlements and Urban Development, at ad interim appointments and nominations ng mga opisyal mula sa Department of Foreign Affairs. Nagsagawa rin tayo ng ating huling regular session sa 19th Congress.


Ipinagdiwang natin ang ika-127 Araw ng Kalayaan, at bilang advance birthday celebration na rin natin sa aking ika-51 kaarawan, ay naglaan tayo ng oras sa mga batang pasyente ng Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City noong June 11.


Naimbitahan naman tayo noong June 13 sa 2nd El Presidente Cup, Ramon Fernandez Charity Golf Tournament Ceremonial Tee-Off sa Cavite bilang tayo ang Chairperson ng Senate Committee on Sports.


Sa mismong kaarawan ko noong June 14, nagtanghalian tayo kasama ang mga mangingisda ng Davao del Norte. Matapos ito ay binisita natin at inalam ang kalagayan ng 36 residenteng naging biktima ng insidente ng sunog sa Barangay Lapu-Lapu, Agdao District, Davao City. Tulad ng aking mentor na si dating Pangulong Rodrigo Duterte, hindi ako nagpa-party sa aking birthday. Naging tradisyon ko na ang ipagdiwang ito sa pamamagitan ng pagseserbisyo sa mga kapwa ko Pilipino.  


Personal nating sinaksihan noong June 16 ang ribbon cutting ceremony ng itinayong Super Health Center sa Initao, Misamis Oriental kasama si Mayor Grace Acain. Pinangunahan natin ang pamamahagi ng tulong para sa 348 na biktima ng Typhoon Kristine sa Iligan City. Nakiisa rin tayo sa pagdiriwang ng ika-75 Araw ng Iligan sa paanyaya ni Mayor Frederick Siao.


Naghatid naman ng tulong ang aking Malasakit Team sa 16 na naging biktima ng insidente ng sunog sa Barangay Buting, Pasig City; 141 sa Bacoor City, Cavite; 75 sa Las Piñas City, at lima sa Barangay 76-A sa Davao City.


Namahagi rin tayo ng karagdagang tulong sa 12 pamilyang nawalan ng tahanan sa Padre Burgos, Southern Leyte katuwang si Mayor Freitche Poblete. Nakatanggap din ang mga benepisyaryo ng tulong pinansyal mula sa national government sa ilalim ng programang ating isinulong at sinuportahan para may pambili sila ng mga materyales sa pagpapaayos ng kanilang nasirang tirahan.


Nakilahok tayo sa Batong Bulilit Art and Talent Contest sa National Kidney and Transplant Institute sa imbitasyon ni Division of Pediatric Nephrology Chair Dr. Lorna Simangan. Kinatawan tayo ni Congresswoman Girlie Veloso. Namahagi ang aking Malasakit Team ng food packs doon.


Nagbigay din tayo ng karagdagang tulong sa 203 estudyante mula sa iba’t ibang paaralan at unibersidad sa Metro Manila.


Bilang inyong Mr. Malasakit, ipagpapatuloy ko ang aking pagseserbisyo dahil ‘yan naman ang mandato ninyo sa akin. Ang birthday wish ko ay ang makatulong sa mas maraming Pilipino at makapagpasa ng mas maraming batas na magbebenepisyo ang ating mga kapwa. Bisyo ko ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.


Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page