top of page

Serbisyo ng kuryente, dapat mas mura at walang palya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 16, 2024
  • 3 min read

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | August 16, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo

Hindi iilang beses na may mga kababayan tayong mula sa iba’t ibang probinsya ang nagparating sa atin ng kanilang hinaing at saloobin na magkaroon ng mas maaasahan at mas murang serbisyo ng kuryente sa kani-kanilang lugar. 


Ito ay sama-sama at nagkakaisa nating pangarap. Kaya naman ilang beses na nating tinalakay sa espasyong ito ang mga karanasan at sentimyento ng mga kababayan para magsilbing diklap sa kamalayan ng ating sistema’t taumbayan. 


Sa ating pagtutok sa usapin ng enerhiya para sa kapakanan at kaunawaan ng masa ay nakikita nating umuusad na ang ilang dekada ring nabinbing nuclear energy program ng pamahalaan. Ang programang itong muling nagkakaroon ng hubog ay ating sinusuportahan bilang kinakailangang bahagi ng energy mix ng bansa para sa pagtahak ng mas maiging buhay sa ating sariling bayan. 


Magugunitang naisantabi ito noong panahon ni dating Pangulong Cory Aquino na naluklok matapos ang People Power Revolution. Sariwa pa sa ating alaala ang kuwento ng ating kaibigang inhinyerong dating may katungkulan na kasamang nagtungo noon sa Malacañang para magprisinta ng plano ng Kagawaran ng Enerhiya. Diumano’y sa pagbanggit pa lamang niya ng pangalang Marcos konektado sa nukleyar o nuclear energy plan (NEP) ay umayaw na agad ang noo’y administrasyon. 


Sa ganang atin, kung may programang hindi dapat basta binalewala sinumang presidente ang nagsimula, ay ang NEP dahil sa mas nakahihigit ang mga benepisyong dadalhin nito sa taumbayan kaysa sukat ng panganib na malinaw naman sa mga datos na hindi hamak na mas kakaunti.  


Marami na ring mga bansa ang sumulong sa aspeto ng teknolohiyang nukleyar para sa kani-kanilang energy requirement tulad ng South Korea, Canada, France at China. Ang Amerika ay mayroon nang 94 na mga nuclear power plant na pinagmumulan ng 20 porsyento ng kanilang elektrisidad, na pinakamalaking pinagkukunan nila ng malinis na enerhiya.


Samantala, sa buong mundo, 10 porsyento ng elektrisidad ay galing sa nukleyar, na malinis at walang emisyon ng carbon — elemento ng global warming o dahan-dahang pagtaas ng temperatura ng mundo. Sa 450 na mga nuclear power plant sa buong mundo, nagkaroon lamang ng tatlong aksidente, at batid na natin kung bakit at kung paano ito maiiwasan. 


Kasabay natin ang South Korea na nagsimula ng nuclear energy program, at ngayon ay mayroon na silang 25 na mga nuclear power plant. Kamakailan ay nabalitaan din natin ang pagtungo sa bansa ng mga taga-UAE, na kahit mayaman sa langis ay may mga makabagong nuclear power plant, para makipagpulong ukol sa kanilang maaaring pag-alalay sa pagbalikwas ng nasabing programa. 


Ikalawang pinakaligtas na mapagkukunan ng enerhiya sa buong mundo ang nuclear power, na kalaunan ay makapagdudulot naman ng mababang presyo ng kuryente. 

Gayundin, ang mga nuclear power plant ay gumagana ng may mas mataas na kapasidad o capacity factor, ang sukat ng panahong nakagagawa ng enerhiya, kumpara sa fossil fuels o renewable energy sources, dahil hindi laging sumisikat ang araw o umiihip ang hangin o bumubuhos ang tubig sa turbina ng dam. 


Panahon na para bigyang daan ng Kongreso ang paghimay at pagtalakay ng angkop na lehislasyon na tamang magtataguyod sa uri ng enerhiyang ito — para hindi na manghina ang kakayanan ng taumbayang ilawan ang kanilang mga pangarap sa buhay, o hindi na ito maudlot na lamang sa karimlan.

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page