top of page

Sustento sa anak na hindi na menor-de-edad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 15 minutes ago
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 23, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ako ay 22-anyos na at nasa kolehiyo sa kasalukuyan. Hiwalay ang mga magulang ko at nais ko sanang humingi ng suporta mula sa ama ko dahil nawalan ng trabaho ang aking ina. Maaari pa rin ba akong humingi ng suporta sa ama ko kahit hindi na ako menor-de-edad?

– Gab



Dear Gab,


Ang sagot sa iyong katanungan ay nakasaad sa Article 194 ng Executive Order No. 209, s. 1985 o mas kilala bilang “Family Code of the Philippines.” Ayon sa nasabing probisyon ng batas:


Art. 194. Support comprises everything indispensable for sustenance, dwelling, clothing, medical attendance, education and transportation, in keeping with the financial capacity of the family.


The education of the person entitled to be supported referred to in the preceding paragraph shall include his schooling or training for some profession, trade or vocation, even beyond the age of majority. Transportation shall include expenses in going to and from school, or to and from place of work.”


Sang-ayon sa nasabing probisyon, ang suportang pang-edukasyon ay tumutukoy sa pagbibigay ng lahat ng mga pangangailangan hinggil sa pag-aaral o pagsasanay upang magkaroon ng propesyon o bokasyon ang isang tao, kahit na ito ay sumapit na sa wastong gulang o hindi na isang menor-de-edad. Samakatuwid, hindi natatapos ang responsibilidad ng mga magulang sa pagtulong at pagsuporta sa mga anak kung sila man ay humantong na sa wastong edad.


Ito ay isang probisyon na tumitiyak at kumikilala sa karapatan ng isang tao na mabigyan ng sapat at pantay na pagkakataon upang makapag-aral. Hindi ang edad ang pamantayan na tinitingnan ng batas kung ang isang tao ay karapat-dapat pang bigyan ng suporta hinggil sa kanyang pag-aaral, kundi bagkus ang pangangailangan upang maging handa sa anumang propesyon o bokasyon na papasukin ng taong humihingi nito. Kung kaya sa iyong sitwasyon, bagaman ikaw ay 22-anyos na ay maaari pa ring humingi ng suporta hinggil sa iyong pag-aaral hanggang sa ikaw ay makapagtapos.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page