Kaayusan sa ilang sistema, panawagan sa mas malawak na pagbabago
- BULGAR

- 35 minutes ago
- 3 min read
ni Judith Sto. Domingo @Asintado | January 24, 2026

Sa malawakang pag-analisa, hayaan ninyong talakayin rin naman natin sa puntong ito ang ilan sa mga kaaya-ayang pag-usad, gaano man kaliit, ng mga sistema ng ating lipunan, na baka hindi pa ninyo nababatid o nararanasan.
Nais kong ibahagi sa inyo na kamakailan ay dinala natin sa emergency section ng pribadong pagamutan sa Makati City ang ating malapit na kaibigan. Ipinabatid sa amin sa simula pa lamang na sa mga test at procedure na gagawin ay aabot sa P30,000 ang tinatayang babayaran. Ang nakatutuwang mabatid ay nangalahati ito sa P14,000 na lamang dahil sa benepisyong mula sa PhilHealth. Aba'y malaking tulong ang kabawasang ito sa pasyenteng may natira pang pantustos sa mga gamot na kailangang imintina para sa patuloy na kalusugan.
Mas lumiit na rin ang kailangang bayaran para sa medical procedure na endoscopy, tulad ng paglalahad sa atin ng isang taga-gobyernong humingi ng tulong sa inyong lingkod para sa kanyang kabiyak.
Matimyas ang pangarap ng ating mga kababayan na hindi na nila kailangan pang problemahin ang pagpapagamot, maging sa pinipili nilang pribadong pagamutan. Nawa'y palakasin pa ang sistema ng social services sa bawat ospital para naman hindi na kailangang mahirapan sa pagpila roon ang ating mga maysakit na kababayan.
Ngayong ang mga Guarantee Letters ay sa Department of Health (DOH) na raw magmumula at hindi na sa mga pulitiko, aba'y dapat ipabatid sa publiko ang sistema nito sa ngalan ng pagiging hayag at patas. Batid nating maaari ring makagamit ng DOH GL ang mga naka-confine sa pribadong ospital tulad ng St. Luke's Medical Center at iba pa. Ipaalam na ninyo ng hayagan sa taumbayan kung paano ang proseso nito upang hindi lamang yaong may mga kakilala sa gobyerno ang nagkakamit ng tulong na ito.
Marami-rami na rin tayong naisulat noong nagdaang mga buwan sa espasyong itong tila dininig ng pamahalaan na atin namang ikinatutuwa.
Isa na rin dito ang pag-aayos sa tinatawid nating rail system sa kalsada na pinatag na ang ilan sa mga ito para hindi makapagpabagal sa daloy ng trapiko habang kinukumpuni ang nasabing sistema ng pampublikong transportasyon.
Ang isang hindi pa nasasagot nating panawagan ay ang tuluyan nang maibsan ang ating mga kalsada ng mga sasakyang naglalabas ng malapusit na usok na nakapanggigitata sa mga pasahero at nagdudulot ng peligro sa kalusugan.
Sa ilalim ng ating mga batas ay hindi dapat nairerehistro o hindi dapat pinapayagang pumasada ang mga ganitong uri ng behikulo. Nawa'y huwag magpatumpik-tumpik ang Department of Transportation sa pagsasaayos ng sistema ng ating pampublikong transportasyon.
Isa sa dahilan kaya nauunsiyami ang mga banyagang turista sa bansa ay ang maruming usok mula sa mga sasakyan na kanilang pwersadong langhapin sa pagbaybay sa Metro Manila lalo na. Hindi na tayo nagtataka kung bakit 6.4 milyong banyagang turista lamang at hindi umabot sa walong milyon ang nagtungo sa ating bansa nitong nakaraang taon.
Alam ba ninyo ang tinatawag na teorya ng "basag na bintana"? Kapag may isang naiwang basag na bintana sa isang pasilidad at hindi ito inaayos ay kalaunan ay may mga mababasag pang mga bintana. Kapag hindi natin pinapansin at pinagmamalasakitan ang sistema ng ating lipunan at nananahimik na lamang tayo, patuloy na dadami pa ang mga sira at bulok sapagkat nagiging sanay at hindi na lamang pinapansin ng taumbayan ang mga ito.
Kaya't huwag nating tantanan ang pagpapahayag ng pagngingitngit at panawagan ng pagbabago sa buong sistema ng gobyerno. Marami pang nagtatagong kabulukan na dapat nang malantad!
Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.








Comments