top of page

Sino sina David at Goliath?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 40 minutes ago
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 18, 2026



Fr. Robert Reyes


Tungkol sa kuwento ni David at Goliath ang mga unang pagbasa nitong mga nagdaang araw. Matagal na ang kuwentong ito ng batang pastol at ng higanteng Pilisteo. Bagama’t luma, nananatili itong puno ng kulay at buhay, at hitik sa aral na mailalapat sa ating kasalukuyang kalagayan.


Si Saul ang unang hari ng Israel, samantalang si David ay isang batang pastol. Malaki ang kaibahan ng dalawa. Bagama’t hari si Saul, higit na madasalin, mahinahon, mapag-isip, at maayos magpasya si David. Kaya nang lusubin ng mga kaaway ang kaharian ni Haring Saul, nagpaalam si David na siya ang haharap sa higanteng si Goliath.


Sa araw ng kanilang paghaharap, pumili si David ng batong angkop sa hugis at bigat. Lumapit siya kay Goliath, inasinta ang noo nito, at pinakawalan ang bato. Tumama ito sa noo ng higante at agad na nabuwal. Lumapit si David, hinugot ang espada ni Goliath, at pinutol ang ulo nito.


Pagbalik ni David sa kaharian, umawit ang mga kababaihan: “Libo ang pinatay ni Haring Saul, ngunit sampu-sampung libo ang pinatay ni David.” Nang marinig ito ni Haring Saul, siya ay napuno ng inggit at galit. Natakot siyang maagaw sa kanya ang kapangyarihan, kaya’t nagbalak siyang ipapatay si David.


Nang malaman ito ni Jonathan, anak ni Haring Saul at kaibigan ni David, agad niya itong binalaan at pinayuhang magtago sa ilang upang makaiwas sa mga kawal ng hari. Kinausap din ni Jonathan ang kanyang ama at ipinagtanggol si David bilang isang mabuting tao.


Kalaunan, nawala ang galit at inggit ni Haring Saul. Muli niyang tinanggap si David, na naglingkod sa kanya hanggang sa katapusan ng buhay ng hari. Pinuspos ng Diyos si David ng biyaya at karunungan. Hindi siya nadaig ng masamang espiritu, at sa tulong ni Jonathan—na kapwa kinausap ang ama at ang kaibigan—naiwasan ang pagpatay sa isang inosente at banal na tao.


Sa kasalukuyan, napakarami pa ring mga Goliath—maaangas, mayayabang, at mapanganib dahil sa kapangyarihan, yaman, at lawak ng lokal at global na koneksyon. Ngunit malinaw ring dumarami ang mga David. Bagama’t bata pa at tila kulang sa karanasan, nagsisimula na silang makilahok sa mga usapin at pagkilos para sa pagtatanggol at pagtataguyod ng demokrasya. Lumalakas ang kanilang tinig na nananawagan laban sa katiwalian at sa ugnayan nito sa mga dinastiya.


Kaliwa’t kanan ang paghahain ng mga kasong plunder at mga reklamong impeachment laban sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan. Kasabay nito, may mga kabataang naliligaw ng kasinungalingan at pag-idolo sa tao. Kaya mahalagang maabot ang mas nakararami at mailapit sila sa Panginoon. Sa gitna ng kadiliman, nagpapasalamat tayo na mas marami pa rin ang mga kabataang anak ng liwanag na patuloy itong ipinapahayag.


Tulad noong panahon nina Saul, Jonathan, at David, nagpapatuloy ang tunggalian para sa kapangyarihan at kayamanan. Marami pa ring Goliath, ngunit unti-unti na ring dumarami ang mga pumipili ng liwanag at pananagutan.


Nalalapit na ang ika-apatnapung anibersaryo ng People Power Revolution. Sa mga pulong na ating dinaluhan, kapansin-pansin ang dami ng mga kabataang babae at lalaki na sila mismo ang humahawak sa timon ng kanilang munting bangka. Tila alam nila kung saan nila naririnig ang tinig ng Diyos—at doon sila patungo.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page