ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | Nov. 27, 2024
Naniniwala ang inyong Senator Kuya Bong Go na dahil maraming Piilipino ang patuloy na nangangailangan ng tulong, walang pinipiling oras at araw dapat ang serbisyo natin. At dahil wala ring pinipiling panahon ang pagkakasakit, dapat ay laging nakahanda ang serbisyo at tulong medikal para sa ating mga kababayan.
Ito ang lagi nating isinasaisip sa ating patuloy na pagsusulong sa mga programa para mapalakas ang ating healthcare system at mailapit ang medical services lalo na sa mahihirap.
Kaya naman sa ginanap na public hearing ng ating Senate Committee on Health noong November 25, inihayag natin ang pagtutol sa taun-taong “cut-off” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa paglalabas nito ng medical assistance sa pamamagitan ng guarantee letters dahil patapos na raw ang taon.
Paliwanag ng DSWD, tulad ng ibang sangay ng gobyerno ay bahagi ito ng accounting ng ahensya sa pagtatapos ng taon — magsasara ng libro — sa madaling salita. Pero ang tanong natin sa DSWD, paano naman ang mga magkakasakit? Ang sakit ay walang “deadline”. Wala ring extension ang buhay ng isang taong may sakit kung wala siyang matatakbuhan lalo pa ngayong paparating na ang Kapaskuhan.
Naniniwala ako na may paraan at sistema na puwedeng gawin ang gobyerno para matiyak na walang patid ang tulong sa mga nangangailangan. Isa sa mga iminungkahi nating solusyon ay ang paglalaan ng pondo para sa huling buwan o huling quarter ng taon. Ang mahalaga ay mahanapan ito agad ng solusyon alang-alang sa mga mahihirap, helpless, hopeless at walang ibang matatakbuhan maliban sa pamahalaan.
Tandaan natin na ang maayos na kalusugan ang pinakamagandang regalo natin sa ating sarili at pamilya!
Samantala, muli tayong nanawagan sa PhilHealth na tuparin ang mga pangako nito kabilang na ang malawakang information drive. Mahalagang malaman ng bawat Pilipino na miyembro na ng PhilHealth na maaari nilang mapakinabangan ang mga benepisyo alinsunod sa Universal Health Care Law.
Napakaraming pangako ng PhilHealth na pagpapaganda sa mga benepisyo. Nakuha natin ang mga commitment na ito dahil sa walang humpay na pangungulit at pagdiin natin tuwing may pagdinig ang ating komite. Umaasa kayo na ang kanilang mga pangako ay hindi mapapako at matutupad din alang-alang sa mga kababayan nating may sakit.
Babantayan natin ang pangakong pagtataas ng case rates; dagdag na benefit packages, lalo na sa 10 pinakamapanganib na sakit; pagkakaloob ng libreng gamot at assistive devices, gaya ng salamin sa mata at wheelchairs; pagsasama sa dental, visual, emergency at preventive care; at pag-a-update ng kanilang mga polisiya para matugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino.
At dahil hindi tayo humihinto sa pagseserbisyo, dumalo tayo noong November 23 sa National Master Plumbers Association of the Philippines, Inc. (NAMPAP, INC.) National Convention sa Davao City. Sinaksihan din natin ang Precious International School of Davao (PISD) Installation of Officers Ceremony.
Kasama si Mayor Catalina Cabrera, sinaksihan ng aking opisina noong November 25 ang groundbreaking ng Super Health Center sa Sasmuan, Pampanga.
Kahapon, November 26, dumalo tayo sa National Movement of Young Legislators (NMYL) 4th Quarter National Council Assembly na ginanap sa Pasay City sa imbitasyon ni NMYL President, Councilor Marlon Alejandrino.
Sinaksihan ng aking opisina ang sportsfest sa Kalinga State University na nasuportahan sa ating kapasidad bilang chairperson ng Senate on Sports kasama ang Philippine Sports Commission, gayundin ang turnover ceremony ng Super Health Center sa Cateel, Davao Oriental.
Ipinadala ko ang aking Malasakit Team para maghatid ng tulong sa iba’t ibang komunidad, tulad ng 700 naging biktima ng pagbaha sa Dipolog City, Zamboanga del Norte katuwang si Mayor Darel Uy.
Nakatanggap din ng tulong ang 977 mahirap na residente sa Mauban, Quezon katuwang si Mayor Ninong Pastrana; 1,013 sa Sarangani, Davao Occidental kaagapay si Mayor Adelan de Arce; 500 sa Kapalong, Davao del Norte kasama natin si Mayor Tess Timbol; at 1,000 sa Passi City, Iloilo katuwang si Mayor Stephen Palmares.
Sa Masbate City, nakatanggap ng tulong ang 650 mahihirap katuwang si BM Alan Cos; at 996 sa Dimasalang kaagapay si Mayor Mac Du Naga. Sa Bulakan, Bulacan, nasuportahan natin ang 263 indibidwal kasama si VM Aika Sanchez, Coun. Benjo Cruz, Coun. Marbin Garcia at SK Fed Miguel Leonardo. Nabigyan din ng tulong ang 250 kapos ang kita sa Naujan, Oriental Mindoro katuwang si BM RJ Recto.
Sinuportahan natin ang mga nawalan ng hanapbuhay na sa ating pakikipagkapit-bisig sa DOLE ay nabigyan din ng pansamantalang trabaho bukod sa ating naitulong — kabilang ang 585 sa Cateel, Davao Oriental katuwang si Mayor Emilou Nuñez; at 138 sa Lala, Lanao del Norte kaagapay si VG Allan Lim.
Binalikan natin at muling tinulungan ang anim na residenteng nawalan ng tahanan sa Sto. Niño, Surallah, at Koronadal City sa South Cotabato na nakatanggap din ng emergency housing assistance mula sa NHA na ating isinulong para may pambili sila ng materyales sa pagpapaayos ng kanilang nasirang bahay.
Nagbigay din tayo ng suporta sa 325 TESDA scholars sa Danao City, Cebu.
Sa mga kapwa ko lingkod-bayan, tandaan nating minsan lang tayong dadaan sa mundong ito. Kung anong tulong ang puwede nating ibigay sa ating kapwa, gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa panahong ito. Magtulungan tayo at magmalasakit sa kapwa upang mas maging maayos at mabilis ang serbisyo sa mga nangangailangan.
Patuloy akong magtatrabaho para sa bawat Pilipino at tutulong sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Komentarze