top of page

Palakasin ang Child Protection Committee kontra-bullying sa mga paaralan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | March 19, 2026



Win Tayong Lahat ni Win Gatchalian


Tinalakay natin ngayong linggo sa Senate Committee on Basic Education ang mga panukalang batas na layong amyendahan at patatagin ang Anti-Bullying Act of 2013 (Republic Act No. 10627). Sa naturang pagdinig, binigyang diin natin ang mahalagang papel ng mga Child Protection Committee sa ating mga paaralan upang masugpo ang bullying.


Matagal nang hamon sa ating mga paaralan ang bullying. Kung babalikan natin ang mga resulta ng Programme for International Student Assessment (PISA) noong 2018 at 2022, lumalabas na sa Pilipinas ang may pinakamataas na porsyento ng mga mag-aaral na 15-taong gulang ang nakakaranas ng bullying.


Noong 2018, 65% o halos pito sa sampung mag-aaral sa bansa ang nagsabing nakaranas sila ng bullying. Bagama’t bumaba ang mga naitalang insidente ng bullying na iniulat ng mga mag-aaral ng bansa sa PISA 2022, Pilipinas pa rin ang may pinakamataas na porsyento ng mga mag-aaral na nakakaranas ng bullying. Noong 2022, lumabas na isa sa tatlong mga mag-aaral sa bansa ang nakakaranas ng bullying


Nakakabahala ito, lalo na’t ang bullying ay banta sa kaligtasan ng ating mga mag-aaral. Kung babalikan natin ang ilan sa mga balita ng mga nakaraang taon, nakikita natin ang lumulubhang mga insidente ng karanasang kinasasangkutan ng ating mga mag-aaral. Nakakabahala rin ang lumalabas sa mga pag-aaral na nakakapinsala rin ang bullying sa kakayahan ng ating mga mag-aaral sa reading o pagbasa, mathematics, at science.


Dito pumapasok ang mahalagang papel ng ating mga CPCs. SA ilalim ng DepEd Order No. 40 s. 2012, ang CPC ay pinamumunuan ng school head o punong guro, samantalang bahagi ng naturang komite ang mga guro, mga magulang, mga mag-aaral, at ng komunidad.


Tungkulin ng mga CPC na tiyakin ang proteksyon at kaligtasan ng mga kabataan, magpamahagi ng mahalagang impormasyon, magsagawa ng mga gawain upang protektahan ang mga kabataan mula sa pang-aabuso, at iba pa.


Kung ating susuriin, epektibong makinarya ang mga CPC dahil bahagi nito ang komunidad, mga guro, at mga magulang. Kaya naman ang mungkahi ko sa Department of Education ay paigtingin ang pagbuo ng CPC sa mga eskwelahan natin para masugpo ang bullying,


Una nating iminungkahi ang hakbang na ito noong nakaraang taon noong pamunuan ng inyong lingkod ang isang pagdinig na tumalakay sa mga insidente ng bullying, Ngunit sa parehong pagdinig, natuklasan at ikinadismaya nating 966 lamang sa mahigit 45,000 na mga pampublikong paaralan ang may aktibong mga CPCs.


May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page