ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 28, 2024
Habang pahupa pa lang ang baha sa Metro Manila, nag-ikot na ang inyong lingkod kasama ang ating Malasakit Team para maghatid ng tulong at serbisyo sa mga naapektuhan ng pananalasa ng Habagat at Bagyong Carina. Laging tinitiyak ng inyong Senator Kuya Bong Go na walang masasayang na oras para makatulong dahil mahalaga ang bawat minutong lumilipas lalo na sa mga mahihirap at maysakit.
Kaya nitong July 25, agad tayong sumugod sa Cancer Institute ng Philippine General Hospital (PGH) sa Maynila. Hindi nakaligtas ang PGH sa pagbaha at dagdag pa r’yan ang alalahanin ng mga pasyente na marahil binaha rin ang mga naiwang bahay habang nagpapagamot sa ospital. Nagdala tayo ng mainit na lugaw para sa mga pasyente at staff, gayundin sa mga bantay at mga nakapila sa Malasakit Center sa PGH. May hatid din tayong grocery packs, damit, pamasahe at mga bola para sa ilang pasyente at watchers doon.
Binisita natin ng araw na iyon ang 400 pamilyang naapektuhan ng bagyo sa Barangay 519, Zone 51, Sampaloc, Maynila. Napagkalooban natin sila ng grocery packs, mga de-lata, pagkain, vitamins, masks, at damit. May ilan na nakatanggap din ng mga bola at bagong sapatos.
Pinasalamatan natin sina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Nieto, maging ang mga opisyal ng Barangay 519 na sina Kapitana Joan dela Cruz, at former barangay chairman Carlo dela Cruz sa kanilang maagap na pagtulong sa mga apektadong residente.
Pinuntahan natin ang Barangay Manggahan sa Pasig City at nagkaloob ng tulong sa 250 pamilyang naapektuhan din ng bagyo, katuwang si former councilor at Kapitan Quin Cruz. Bukod sa food packs, nagbigay tayo ng pamasahe sa mga benepisyaryo.
Mensahe ko sa mga nabahaan, huwag silang mag-alala dahil ang damit ay nalalabhan, ang gamit ay nabibili. Ang pera ay kikitaing muli, pero ang pera ay hindi nabibili ang buhay. A lost life is a lost life forever dahil ang importante ay buhay tayo.
Patuloy ang aking Malasakit Team sa paghahatid ng tulong sa iba pang mga residente at komunidad na naapektuhan ng bagyo. Bilang chairperson ng Senate Committee on Health, ipinaaalala natin sa ating mga kababayan na unahin ang kalusugan. Kung kailangan ng tulong medikal ay lumapit sa mga Malasakit Center. Maaari ring magpakonsulta sa mga Super Health Centers na operational na.
Napakahalaga para sa akin ang buhay at kalusugan ng mga Pilipino kaya lagi tayong mag-iingat sa panahong ito na may kalamidad at maraming sakit ang umuusbong lalung-lalo na ang leptospirosis. Iwasan nating lumusong sa baha hangga’t maaari, at ugaliing maglinis ng katawan.
Ang panibagong kalamidad na hatid ng Bagyong Carina ang isa sa mga dahilan kaya patuloy nating isinusulong ang Senate Bill No. (SBN) 188, o ang pagtatatag ng Department of Disaster Resilience (DDR) na ating matagal nang nai-file.
Kung saka-sakaling maisabatas, magkakaroon ng departamentong nakatutok na may cabinet-secretary level na timon. Hindi lang coordinating council o task force. Ibig sabihin, ito na ang makikipag-coordinate bago dumating ang bagyo, preposition of goods, and coordination with LGUs para ilikas ang mga kababayan natin sa ligtas na lugar. At pag-alis ng bagyo ay restoration of normalcy kaagad at rehabilitation efforts para tuluy-tuloy silang makabangon.
Isinusulong din natin na magkaroon ng Mandatory Evacuation Centers sa bawat lugar sa pamamagitan ng SBN 2451, o ang Ligtas Pinoy Centers Act na isa tayo sa authors at co-sponsors. Kung maisabatas, hindi na magsisiksikan pa sa temporary shelters ang mga kababayan natin sa oras na may sakuna. Dapat ay malinis, maayos, at kumportable ang tutuluyan ng mga kababayan natin para hindi magkasakit.
Anuman ang lagay ng panahon, hindi tayo tumitigil sa paglalapit ng serbisyo sa ating mga kababayan. Bukod sa pagtulong sa mga nabahaan at pagbisita sa PGH, naimbitahan tayo bilang inducting officer noong July 25 ng mga bagong opisyal ng League of Local Planning and Development Coordinators of the Philippines, Inc. (LLPDCPI).
Nasa Bicol naman tayo noong July 26, at nag-inspeksyon sa itinayong Super Health Center sa Legazpi City. Pinangunahan din natin ang pagkakaloob ng tulong sa 1,000 mahihirap na residente sa lugar katuwang si Mayor Geraldine Rosal. Nag-abot tayo ng tulong sa 1,200 pang mga nawalan ng hanapbuhay, na nabigyan din ng DOLE ng pansamantalang trabaho.
Bilang chairperson ng Senate Committee on Sports, sumama tayo sa closing ceremonies ng Private Schools Athletic Association (PRISAA) National Games na ating sinuportahang mailunsad at mapondohan kasama ang Philippine Sports Commission.
Tuluy-tuloy din ang aking Malasakit Team sa pag-alalay sa mga kababayan nating nangangailangan tulad ng 2,000 mahihirap na residente ng Tagudin, Ilocos Sur katuwang si Mayor Roque Verzosa.
Nakatanggap din ng tulong ang 500 residente ng Sto. Domingo, Nueva Ecija katuwang si Cong. GP Padiernos. May dagdag na suporta naman tayong ipinagkaloob sa ating 100 TESDA scholars na naka-graduate sa Danao City, Cebu.
Nabigyan din ng tulong ang 36 manggagawa mula sa Pandan, Antique katuwang si Councilor Plaridel Sanchez. Nakatanggap naman sila ng pansamantalang trabaho mula sa ating inisyatiba kasama ang DOLE.
Binalikan natin at tinulungang makabangon ang mga nawalan ng tahanan sanhi ng mga kalamidad at sunog sa Negros Occidental kabilang ang 170 sa Bacolod City; pito sa Cauayan; 17 sa Pulupandan; 106 sa Bago City; 16 sa Silay City; at 13 sa San Carlos City.
Namahagi rin tayo ng food packs sa mga naging biktima ng Bagyong Carina sa Bulacan. Sa kabuuan ay nakapamigay tayo sa 1,000 benepisyaryo mula sa Meycauayan City katuwang si Councilor Kat Hernandez; sa Hagonoy kaagapay naman si Mayor Baby Martinez; at sa Calumpit katuwang sina Mayor Glorime Faustino at Councilor Mau Torres. Nagpadala rin tayo ng 150 food packs kasama si Brgy. Capt. Ziffred Ancheta sa Brgy. Tumana, Marikina City.
Nagpapasalamat naman tayo sa ating mga rescuer at sa volunteers na nagsakripisyo at tumulong sa ating mga kababayan ngayong may sakuna. Napakaimportante talaga na magtulungan tayo at magbayanihan upang maprotektahan ang bawat isa, lalo na ang ating mga mahihirap na kababayan na pinakaapektado tuwing may kalamidad.
Ano man ang sakuna na ating pagdadaanan, may kalamidad man o wala, handa akong magserbisyo sa abot ng aking makakaya. Bisyo ko na ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comentarios