top of page

Sens. Jinggoy at Villanueva akala safe na, hirit ni Sen. Lacson hindi pa sila lusot

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 20
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 20, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MAS RICH PA ANG MAG-ASAWANG DISCAYA KAYSA KINA JAIME ZOBEL DE AYALA AT LUCIO TAN -- Sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee, base sa kuwentada ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na siyang chairperson ng komiteng ito, sa loob ng isang dekada o 10 taon mula year 2016 hanggang 2025 ay nasa higit P207 billion pera ng bayan na nasa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ang napasakamay ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa raket nilang flood control projects sa buong bansa. 


Iyang P207 billion ‘na-scam’ ng mag-asawang Discaya, sa US dollar ay $3.62 billion iyan kaya’t lumalabas ngayon na mas mayaman pa sila (Curlee at Sarah Discaya) kina businessman Jaime Zobel de Ayala na may net worth na $3.4 billion (P194B) at businessman Lucio Tan na may net worth na $3.2 billion (P182B), boom!


XXX


KAPAG HINDI PUMASA ANG MAG-ASAWANG DISCAYA SA WITNESS PROTECTION PROGRAM, IBIG SABIHIN AYAW NILANG ISAULI LAHAT NG NINAKAW NILA SA KABAN NG BAYAN -- Nagtungo na sa Dept. of Justice (DOJ) ang mag-asawang Discaya para sumailalim sa pagsisiyasat kung nararapat silang maging state witness ng pamahalaan laban sa mga DPWH official at pulitikong nanghingi sa kanila ng kickback sa mga flood control project.


Balikan natin ang sinabi noon ni Justice Sec. Boying Remulla na ang unang dapat gawin ng mga nagnakaw sa pera ng taumbayan na nais maging state witness ay isauli sa kaban ng bayan ang lahat ng kanilang ninakaw, na ‘ika nga, walang ititira kahit sentimo at saka ididetermina kung nararapat mapasok sa witness protection program ng pamahalaan.


Kaya kapag hindi pumasa sa pagiging state witness ng pamahalaan ang mag-asawang Discaya, ibig sabihin niyan, ayaw nilang ibalik sa kaban ng bayan ang P207B ‘in-scam’ nila sa pera ng taumbayan, period!


XXX


SABI NI SEN. PING LACSON, HINDI PA LUSOT SA KONTROBERSIYAL NA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM SINA SEN. JINGGOY AT SEN. JOEL V. -- Matapos payagan ni Sen. Ping Lacson, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva na komprontahin sina DPWH Bulacan District 1 Engr. Brice Hernandez at Engr. Jaypee na nag-akusa sa kanila na sangkot sila sa flood control projects scam, ay inakala ng dalawang senador na lusot na sila sa kontrobersya.


Ang masaklap, matapos ang Senate hearing, sinabi ni Sen. Lacson na hindi pa lusot sa usapin ng flood control projects scam sina Sen. Estrada at Sen. Villanueva dahil ang ibinulgar nina Engr. Brice at Engr. Jaypee ay nagtugma sa sinabi nilang P355 million na isingit ni Sen. Jinggoy sa 2025 General Appropriations Act (GAA) at sa isiningit ni Sen. Joel V. na P600M sa 2025 unprogrammed funds ng Dept. of Budget and Management (DBM), boom!


XXX


MALAPIT NANG MAHUBARAN NG MASKARA ANG LAHAT NG MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Inanunsyo ni DPWH Sec. Vince Dizon na ilalabas daw nila sa publiko ang listahan ng mga ghost at substandard flood control projects at mga pangalan ng mga kontraktor, ng mga DPWH official at mga pulitikong sangkot sa naturang scam.


Ibig sabihin niyan ay malapit nang mahubaran ng maskara, makilala ng publiko ang lahat ng mga nagsabwatan sa pang-i-scam sa kaban ng bayan, abangan!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page