top of page

Glycine, bilang suporta sa metabolic health at anti-inflammation

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 22 minutes ago
  • 3 min read

ni Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | January 20, 2026



Sabi ni Doc Glycine Health

Photo File



Dear Doc Erwin, 


Ako ay isang college student sa isang private university sa Maynila. Mahilig akong mag-exercise at lumahok sa mga sports activities. Dahil dito, inaalagaan ko ang aking kalusugan sa pamamagitan ng tamang pagkain at pag-inom ng mga supplements upang mapanatili ko ang aking sigla at lakas ng pangangatawan.


Sa isang youtube video, napanood ko na ang Glycine daw ay mabisa at makakatulong sa exercise performance at recovery. May mga pag-aaral na ba na nagpapatunay nito? Ano ang epekto ng Glycine sa ating pangangatawan?


Sana ay mabigyan n’yo ng pansin at masagot ang aking mga katanungan. – Martin 



Maraming salamat Martin sa iyong pagsulat at pagsubaybay sa Sabi ni Doc at pagbabasa ng BULGAR newspaper. 


Ang amino acetic acid, na mas kilala bilang glycine, ay mahalaga sa pagbuo ng iba’t ibang biomolecules sa ating katawan, tulad ng antioxidant na glutathione at creatine. Mahalaga rin ito sa paggawa ng maraming uri ng protina na kinakailangan ng katawan, kabilang ang collagen.


May kakayahan ang ating katawan na lumikha at gumamit ng glycine. Maaari rin itong makuha mula sa mga pagkaing gaya ng karne ng baboy, baka, at manok, pati na rin sa itlog at mga produktong dairy. Para naman sa mga vegan at vegetarian, may glycine sa mga gulay tulad ng carrots, talong, beets, patatas, kamote, legumes, mushrooms, nuts, at iba’t ibang uri ng prutas.


Ayon sa isang artikulo sa Sports (Basel) journal na inilathala noong Setyembre 2024, sa pangunguna ni Dr. Arnulfo Ramos-Jimenez ng Department of Health Sciences, Biomedical Sciences Institute ng Autonomous University of Ciudad Juarez sa Mexico, maraming pag-aaral na ang isinagawa hinggil sa glycine bilang anti-inflammatory, immunomodulatory, at cytoprotective agent. Sinuri rin ang paggamit nito sa mga may obesity, diabetes, cancer, sakit sa puso, at fatty liver disease. Batay sa mga pag-aaral na ito, naniniwala ang mga mananaliksik na maaaring makatulong ang glycine sa pagpapabuti ng physical performance at endurance, mas mabilis na recovery matapos ang ehersisyo o injury, at sa muscle growth.


Samantala, sa pag-aaral ng mga dalubhasa mula sa China Agricultural University at Texas A&M University, natuklasang ginagamit ang glycine upang maiwasan ang tissue injury, mapalakas ang antioxidant capacity, mapabilis ang protein synthesis at wound healing, at mapahusay ang immune system. Ayon kay Dr. Weiwei Wang, nakatutulong din ang glycine sa mga pasyenteng may cancer, iba’t ibang inflammatory diseases, at metabolic disorders tulad ng obesity at diabetes. Nailathala ang pag-aaral na ito sa Amino Acids journal noong Abril 25, 2013.


Sa isang pilot clinical trial, sinuri ang epekto ng glycine na sinamahan ng acetylcysteine sa mga matatandang edad 71 hanggang 80 taong gulang sa loob ng anim na buwan. Napag-alamang nabawasan ang body fat at waist circumference ng mga kalahok, bumaba ang antas ng inflammation, at humupa ang endothelial dysfunction. Bukod dito, lumakas ang kanilang pangangatawan at tumaas ang kapasidad sa ehersisyo. Ang pag-aaral na ito ay isinagawa ng mga dalubhasa mula sa Baylor College of Medicine sa Houston, Texas, at inilathala noong Marso 27, 2021 sa Clinical and Translational Medicine journal.


Mahalagang kumunsulta muna sa doktor bago isama ang glycine sa iyong supplement regimen upang mabigyan ng tamang payong medikal hinggil sa wastong dosis at paraan ng pag-inom nito.


Kumunsulta sa inyong doktor kung nais na isama ang Glycine sa iyong supplement regimen upang mabigyan ka ng medical advice tungkol sa tamang dose at paano inumin ang Glycine.


Maraming salamat muli sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa'y ipagpatuloy ninyo ang pag aalaga sa inyong kalusugan.



Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page