ni Fely Ng @Bulgarific | February 17, 2023
Hello, Bulgarians! Araw-araw, ang mga mananaya sa lotto ay bumibili ng mga tiket sa pag-asang manalo ng papremyong jackpot na magbabago sa kanilang buhay.
Kamakailan, isang masuwerteng manlalaro mula sa Davao Del Sur ang nag-claim ng Lotto 6/42 grand prize - isang napakalaking lottery jackpot prize na P35,314,806.60 sa PCSO Main Office, Shaw Boulevard Mandaluyong City na nilaro noong Enero 17, 2023, na mayroong kumbinasyong 34-24-02-06-33-07 sa live draw sa pamamagitan ng PTV 4.
Isang 63 taong gulang na senior citizen ang bagong milyonaryo, na nakabili ng nanalong tiket sa isang lotto outlet ng Davao City. Sinabi niya na buong buhay niya ay hindi pa siya nagtrabaho dahil kailangan niyang pangalagaan ang kanyang pamilya, kabilang ang kanyang mga apo. Ang tanging pinagkakakitaan niya ay ang SSS pension ng kanyang yumaong asawa. Tuwing Linggo, nagsisilbi siyang lector commentator sa simbahan.
Sa panayam, sinabi niya na ang mga numero na kanyang binigyang pansin ay 07 at 02 dahil ang kanyang kaarawan ay sa Hulyo 2, habang ang apat na iba pang numero, 34-24-06, at 33, ay naisip lamang niya. “Ngayon ko lamang po tinayaan ang kumbinasyon ng mga numero na ito”, sabi pa niya.
Sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, awtomatikong ibabawas ang 20% buwis sa jackpot prize. Sa ilalim ng PCSO charter, ang mga panalo ay dapat i-claim sa loob ng isang taon mula sa petsa ng draw, kung hindi, ito ay mawawala upang maging bahagi ng PCSO Charity Fund.
Ang ahensya ay nagpapaalala sa mga nanalo na i-secure ang kanilang mga tiket at isulat ang kanilang pangalan at lagda sa likod. Hindi ito dapat kulubot, tiklop, o kahit isang punit. Ang bar code ay hindi dapat masira dahil ito ay isang mahalagang bahagi ng tiket para sa pagpapatunay. Dapat na mabasa sa terminal ng lotto ang bar code.
Ang mga nanalong numero at iba pang detalye ng mga laro, produkto, at serbisyo ng PCSO ay maaaring tingnan sa opisyal na website ng PCSO sa www.pcso.gov.ph, ang opisyal na FB page sa https://www.facebook.com/pcsoofficialsocialmedia, at PCSO GOV para sa YouTube.
Nais pasalamatan ng PCSO ang milyun-milyong tumatangkilik ng lotto sa buong bansa para sa pagsuporta sa mga produkto ng PCSO games. Sa patuloy na suporta ng publiko, ang ahensya ay nakapagbibigay ng mga serbisyo sa kawanggawa sa mga indibidwal at institusyong nangangailangan ng tulong pinansyal at medikal.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
Comentários