Sen. Raffy, oks lang daw mambabae kesa manlalaki… BEN: MON, SAWSAWERO, EPAL AT KUNSINTIDOR
- BULGAR

- 13 hours ago
- 3 min read
ni Melba R. Llanera @Insider | February 22, 2026

Photo: File / Interview / Ben Tulfo
Sa opening ng men’s health center na Owen, agad naming tinanong si Maricel Tulfo-Tungol kung ano ang saloobin niya sa hindi pagkakaunawaan ngayon ng amang si Sen. Raffy Tulfo at ng tiyuhin na si Mon Tulfo laban sa isa pa niyang tiyuhin na si Ben Tulfo.
Nag-ugat ang lahat sa isang blind item ng Vivamax star na si Chelsea Ylore sa Tiyo Bri’s podcast na paldo siya sa isang senador dahil wala pang nangyayari ay binigyan na siya agad ng tip na aabot ng P250K-P300K.
Nagbigay din ito ng clue na ang unang letra ng pangalan ng naturang senador ay nagsisimula sa letrang ‘R’ at may ‘F’ sa apelyido nito, kaya hula agad ng iba ay maaaring si Sen. Raffy Tulfo ito.
Agad dinepensahan ni Mon si Sen. Raffy at sinabing okay lang mambabae at huwag lang manlalaki, bagay na pinalagan naman agad ni Ben at sinabing sawsawero, epal at kunsintidor ang kanilang Kuya Mon at mali ang pangangatwiran ng kanilang nakatatandang kapatid.
Ayon kay Maricel, hindi sila nakikialam sa personal na isyu ng kanyang ama at ng kanilang mga tiyuhin at kung ano ang desisyon ng ama ay sinusuportahan nila.
Dagdag pa ng Director IV ng Senado, pamilya sila pero ito ang mga bagay na alam niyang kayang i-handle ng kanyang ama at mga tiyuhin.
Si Maricel din ang representative ni Sen. Raffy sa Senate Spouses.
Tinanong din siya kung hindi ba naaapektuhan ang samahan ng mga Senate spouses kung may mga isyu sa Senado na hindi pinagkakasunduan ng mga senador.
Paniniguro sa amin ni Maricel na hindi sila naaapektuhan dahil ang pokus nila ay kung paano tumulong sa mga nangangailangan at labas sila sa mga isyung pinag-uusapan sa loob ng Senado.
Ang layunin nila ay makagawa ng aktibidad ang Senate Spouses sa loob ng isang buwan at kahit walang session ang Senado ay tuluy-tuloy ang kanilang pagtulong.
Kinumusta rin namin kay Maricel kung may nabago ba nang mapalitan si Sen. Chiz Escudero bilang Senate President ni Sen. Tito Sotto, sa kabila na nanatili bilang president ng Senate Spouses Foundation Inc. si Heart Evangelista.
Kuwento ni Maricel, nagme-message pa rin sila sa isa’t isa at kapag may birthday ang isa sa mga miyembro ay nagbabatian sila sa group chat ng Senate spouses.
Minsan ay hindi rin nakakadalo sa mga meeting o activity ng Senate Spouses si Maricel dahil abala sa kanyang ‘Hakot Challenge’ program kung saan umiikot siya at ang kanyang team sa iba’t ibang probinsiya ng bansa.
Labis din ang pasasalamat ni Maricel dahil laging buo ang suportang ibinibigay sa kanya ng kanyang pamilya – lalo na ng kanyang ama – maging sa aspetong pinansiyal para maipagpatuloy ang Hakot Challenge.
Para iwas-scam…
KIM, TINUTURUAN NI PAULO SA TAMANG PAGHAWAK NG PERA
KAHIT magkahiwalay mang nag-celebrate noong nakaraang Valentine’s Day sina Kim Chiu at Paulo Avelino, hindi naman nakalimot ang Kapamilya actor na iparamdam sa Chinita Princess na espesyal ito para sa kanya.
Nagpadala ang aktor ng peony flowers kay Kim na ang simbolo pala ay proteksiyon at healing o paggaling.
Biro nga ni Kim ay napatunayan niya na babae pala siya at may nakaalala sa kanya na magpadala ng bulaklak.
Sa presscon ng The Alibi (TA) ay kitang-kita ang closeness at pagiging kampante nina Kim at Paulo sa isa’t isa. Naikuwento rin ng aktor na siya ang nagtuturo sa kapareha tungkol sa tamang investments at para makaiwas ito sa mga scam.
Nagkuwento naman ang co-star nila sa serye na si Sam Milby kung gaano kabukas ang puso ni Kim dahil nagbigay ito ng tig-P1,000 sa bawat tao sa lugar na pinagteteypingan nila ng serye.
Sa kanya muna ito nanghiram ng ipinamigay na pera dahil wala itong cash on hand, pero binayaran din naman agad ni Kim.
Ayon kay Kim, pasasalamat at paghingi rin ito ng dispensa sa mga naninirahan sa lugar dahil alam niyang nakaaabala sila sa mga residente.
Samantala, tampok din sa serye sina John Arcilla, Zsa Zsa Padilla, Rafael Rosell, Sofia Andres, Robbie Jaworski at Angelina Cruz.
Mula ito sa direksiyon nina Direk Onat Diaz, Jojo Saguin at Direk FM Reyes.




Comments