top of page
WINNER - MOCHA, NAGSALITA NA SA KALAT NANG NABUNTIS NI SEN. ROBIN-IG _mochauson & _robinpa

Seguridad ng ‘Pinas, mas higpitan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 1, 2025
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | May 1, 2025



Boses by Ryan Sison


Sa panahon kung kailan pinakamahalaga ang integridad ng halalan, ang mga ganitong insidente ay hindi lamang basta nakaaalarma kundi isang seryosong banta sa ating demokrasya. Bakit ba may paulit-ulit na pagtatangka ng espiya malapit sa Comelec?


Nakababahala ang ulat hinggil sa pagkakaaresto sa isang Chinese national na nahuling may dalang umano’y “spy equipment” ilang metro lang ang layo sa Commission on Elections (Comelec) main office sa Maynila. 


Ito na ang ikaapat na insidente kung saan may dayuhang Tsino ang nahuli habang may dalang IMSI catcher — isang makabagong kagamitan na kayang sumagap ng text messages at iba pang mobile communications. 


Ayon kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago, matagal nang minamanmanan ng ahensya ang suspek. Bukod sa Comelec, nakitang dumadalaw ito sa mga sensitibong lugar gaya ng Bicutan, Makati, at ilang dayuhang embahada sa Roxas Boulevard. 


Kung ang motibo ng ganitong kilos ay inosente, bakit kailangang dalhin ang ganitong uri ng teknolohiya sa mga naturang lokasyon? Hindi pa man nagsisimula ang kampanya para sa midterm elections, may ganitong pangyayaring tila nang-iintriga sa seguridad ng halalan.


Maaaring wala ngang election data sa punong tanggapan ng Comelec, gaya ng giit ni Chairman George Garcia, ngunit ang presensya ng espionage device ay hindi dapat balewalain. Ang mga ganitong insidente ay tila pagsubok sa ating kakayahan na tiyaking malinis, ligtas, at malaya ang eleksyon. 


Ayon sa Malacañang, nakakaalarma ang insidente. Hindi raw isinasantabi ng NBI ang posibilidad na magamit ang nakuhang impormasyon upang maimpluwensiyahan ang halalan. 


Kaugnay nito, sinabi ng Bureau of Immigration (BI) na kailangang protektahan ang pambansang seguridad lalo na’t papalapit na ang eleksyon. Hindi maaaring balewalain ang ganitong klase ng banta, kahit pa sinasabi ng suspek na isa lamang siyang turista.


Kung turista nga siya, bakit may access siya sa isang IMSI catcher at bakit ito na-recover sa loob ng kanyang sasakyan sa tapat mismo ng isang ahensyang kritikal sa eleksyon? 


Habang patuloy ang digital forensic analysis ng NBI sa nakumpiskang kagamitan, nananatiling hamon sa ating mga institusyon ang pagtugon sa mga modernong banta sa demokrasya.


Sa panahong uso na ang misinformation at cybercrime, hindi na sapat ang tradisyunal na seguridad. Kailangang maging maagap, matalino, at mapanuri ang ating mga opisyal upang hindi matukso ang publiko sa mga sabwatan o pagkiling. 


Bagaman tiniyak ng Comelec na ligtas pa rin ang kanilang sistema, hindi ito dapat maging dahilan para maging kampante. 


Ang paulit-ulit na paglitaw ng mga ganitong kaso ay hindi basta kabiguan ng seguridad kundi babala sa pangangailangan ng mas mahigpit na pagbabantay.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page