ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | September 4, 2024
Dear Chief Acosta,
May katanungan ako tungkol sa dokumentong nais naming panotaryohan ng aking maybahay. Ang sedula na aking nakuha mula sa munisipyo ng aming bayan ang siyang ginagamit ko tuwing ako ay may pinapanotaryohan na dokumento. Ngunit noong nakaraang araw, hindi ito tinanggap ng pampublikong notaryo at sinabi rin niya na hindi ito kasama sa mga puwedeng gamitin bilang karampatang ebidensya ng aking pagkakakilanlan. Tama ba ito? Sana mabigyan ninyo ng linaw ang aking katanungan. Salamat. — Rizalyn
Dear Rizalyn,
Ang proseso ng pagpapanotaryo ng isang dokumento ay naglalayong mapanatili ang katotohanan sa mga nakasaad dito. Ang pagpapanotaryo sa isang dokumento ay nagpapataas ng kredibilidad nito at nagpapalakas ng legal na epekto nito sa ating batas.
Sinisigurado ng pampublikong notaryo na ang mga taong pumirma sa dokumento ay tunay at may tamang pagkakakilanlan. Dagdag dito, tinitiyak din niya na ang mga pirma sa dokumento ay kusang loob na ginawa at walang halong pamimilit.
Ayon sa desisyon ng ating Korte Suprema, sa kasong Dionisio, Jr. vs. Padernal, A.C. No. 12673, March 15, 2022, sa pamamagitan ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Japar B. Dimaampao, hindi na maaaring gamitin ang Community Tax Certificate (CTC) o sedula bilang karampatang patunay ng pagkakakilanlan ng taong pumirma sa isang dokumentong inonotaryo. Naglabas ang ating Korte Suprema ng Administrative Matter (A.M.) No. 02-8-13-SC na may petsang 19 Pebrero 2008, kung saan nakalahad ang listahan ng mga puwedeng gamiting ebidensya ng pagkakakilanlan ng mga taong pumirma sa dokumentong inonotaryo:
“Through this Court's Resolution dated 19 February 2008 in A.M. No. 02-8-13-SC, the Notarial Rules were amended to include an extensive catalog of identification documents which met the criteria set forth in Section 12(a), Rule II, such as but not limited to: passport, driver's license, Professional Regulation Commission (PRC) ID, National Bureau of Investigation (NBI) clearance, police clearance, postal ID, voter’s ID, Barangay certification, Government Service and Insurance System (GSIS) e-card, Social Security System (SSS) card, Philhealth card, senior citizen card, Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ID, OFW ID, seaman's book, alien certificate of registration/immigrant certificate of registration, government office ID, certification from the National Council for the Welfare of Disable Persons (NCWDP), and Department of Social Welfare and Development (DSWD) certification.”
Ipinaliwanag din sa kasong nabanggit sa taas na ang sedula ay hindi na itinuturing na mabisa at wastong patunay ng pagkakakilanlan. Nakasaad sa nasabing kaso na:
“Upon this point, it is jurisprudentially established that a community tax certificate or cedula is no longer considered as a valid and competent evidence of identity not only because it is not included in the list of competent evidence of identity under the Notarial Rules; but moreso, it does not bear the photograph and signature of the persons appearing before notaries public, which the Notarial Rules deem as the more appropriate and competent means by which notaries public can ascertain the person's identity. Indeed, reliance on community tax certificates alone is already a punishable indiscretion by a notary public.”
Para sa iyong katanungan, tama lamang na hindi tinanggap ng pampublikong notaryo ang iyong sedula bilang karampatang patunay ng iyong pagkakakilanlan dahil ito ay hindi naglalaman ng iyong larawan at lagda. Maaari kang gumamit at mamili ng ibang patunay ng iyong pagkakakilanlan mula sa listahan na binanggit sa itaas, na nakapaloob naman sa A.M. No. 02-18-13-SC.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comentários