Secret niya, ginamit pa raw laban sa kanya… HEART, UMAMING TINRAYDOR NG KAIBIGAN
- BULGAR

- 24 minutes ago
- 3 min read
ni Beth Gelena @Bulgary | August 25, 2026

Photo: Heart Evangelista - The People Have Spoken
Ibinulgar ni Heart Evangelista ang mga personal niyang karanasan tungkol sa pagtitiwala at pakikipagkaibigan matapos mapag-usapan sa The People Have Spoken (TPHS) kung mas mabuting sarilinin muna ang problema o mag-open up sa ibang tao.
Sa episode, magkakaibang pananaw ang ibinahagi ng mga participants. Para sa Team DINOOKY, na binubuo nina Dina Bonnevie at Snooky Serna, mas mabuting harapin muna ang problema at bumaling sa Diyos. Ganito rin ang pananaw nina Winwyn Marquez at Ahtisa Manalo.
Ayon kay Ahtisa, susubukan muna niyang lutasin ang problema nang mag-isa at saka lalapit sa kanyang mga mahal sa buhay kapag hindi na niya kaya.
Iba naman ang pananaw ng social media personality na si Poca, na naniniwalang walang masama sa pag-open up basta’t ang taong pagsasabihan ay tunay na mapagkakatiwalaan.
Dito na nagbahagi si Heart ng kanyang sariling karanasan.
Ayon sa Kapuso star, dati ay madalas niyang kinikimkim ang kanyang mga problema. Ngunit nang dumating sa puntong nag-open up siya, napagtanto niyang maling mga tao pala ang kanyang napagsabihan.
Ibinahagi rin ni Heart na ang mga bagay na sinabi niya sa mga taong pinagkatiwalaan niya ay kalaunan ay nagamit laban sa kanya.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pakikipag-usap sa mga taong tunay na mapagkakatiwalaan, gaya ng ina, therapist o mga taong talagang malapit at may malasakit sa kanya.
Para kay Heart, hindi lahat ng taong tinatawag na kaibigan ay nangangahulugang ‘tunay’ na kaibigan.
Samantala, naging usap-usapan din sa social media ang umano’y pag-unfollow nina Heart at Raymond Gutierrez sa isa’t isa sa Instagram (IG). Dahil dito, may ilang netizens na nag-isip kung si Mond kaya ang tinutukoy niya nang pag-usapan ang tungkol sa mga kaibigang hindi pala tunay.
AGAW-PANSIN si Ice Seguerra sa ginanap na Sessionistas: The Playlist noong Sabado ng gabi sa The Theatre at Solaire matapos niyang magbigay ng masigla at kakaibang performance sa segment ng concert na tinawag na ‘Sexy’ playlist.
Inawit ni Ice ang S&M ni Rihanna habang nakasuot ng itim na corset, na ikinatuwa at ikinagulat ng mga manonood.
Naging mas masaya rin ang eksena nang biruin siya ni Kean Cipriano pagkatapos ng kanyang performance.
Tampok sa concert sina Ice, Nyoy Volante, Juris Fernandez, Kean Cipriano, Sitti Navarro at Princess Velasco. Hindi nakadalo si Duncan Ramos, ngunit bahagi rin siya ng Sessionistas lineup.
Binuo ang Sessionistas: The Playlist bilang isang musical journey na nagbalik sa mga manonood sa iba’t ibang yugto ng kanilang buhay. Hinati ang palabas sa iba’t ibang playlist, kabilang ang Kilig, Sexy, Broken, Barkada at Healing.
Sa Kilig playlist, kumanta si Kean ng Truly, Madly, Deeply, habang si Princess ay nagtanghal ng Ngiti. Si Nyoy naman ay umawit ng Basta’t Kasama Kita, habang sina Sitti at Juris ay nagbigay din ng kani-kanilang performances.
Sa Broken playlist, tampok ang mga kantang may temang heartbreak at pagkawala. Samantala, sa Barkada playlist, pinili ng mga Sessionistas ang mga kantang nagpapaalala sa samahan at masasayang panahon kasama ang mga kaibigan.
Para naman sa Healing playlist, ibinahagi ng mga miyembro ang ilang karanasan tungkol sa sakit at kung paano nila ito nalampasan.
Nagkaroon din ng emosyonal na sandali si Ice nang kantahin niya ang If I Believed. Ibinahagi niya na dati ay hindi niya inakala na makakatagpo siya ng pangmatagalang kaligayahan.
Kasama niya sa pagbuo ng kanilang production company na Fire and Ice Entertainment ang kanyang partner na si Liza Diño-Seguerra.
Nabuo ang Sessionistas mula sa kanilang pagsasama sa ASAP maraming taon na ang nakalilipas. Bagama’t hindi na sila palaging magkakasama sa entablado, nanatili ang kanilang pagkakaibigan at pagmamahalan bilang magkakasamang musikero.
Sa pagtatapos ng concert, ipinakita ng Sessionistas na hindi lamang nostalgia ang dahilan kung bakit patuloy silang minamahal ng kanilang mga tagahanga.
Dahil sa matagumpay na pagtatanghal, posible ring magkaroon muli ng Sessionistas: The Playlist bago matapos ang taon.





Comments