School Safety Act, hakbang para sa ligtas na eskwela

ni Kuya Win Gatchalian @Win Tayong Lahat | September 22, 2026

Inaprubahan na ng Senado sa huli at ikatlong pagbasa ang Comprehensive School Safety Act (Senate Bill No. 2426), isang panukalang batas na layong paigtingin ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagbuo ng National Comprehensive School Safety Framework.
Napapanahon ang pag-apruba ng Senado sa naturang panukala, lalo na’t patuloy nating hinaharap ang paglala ng mga insidente ng karahasan sa ating mga paaralan. Sariwa pa sa ating mga alaala ang naging mga insidente ng pamamaril sa mga Lungsod ng Tacloban at Zamboanga.
Ngunit nitong nakaraang mga araw, isang trahedya na naman ang ating nabalitaan — ang insidente ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato, kung saan tatlo ang iniulat na nasawi, samantalang walo naman ang naiulat na sugatan.
Sa gitna ng dumarami at lumalalang mga insidenteng ito ng karahasan sa ating mga paaralan, kinakailangan nating paigtingin ang ating pagresponde at paunang hakbang para makaiwas sa anumang ganitong klase ng mga insidente. Kaya naman sa ilalim ng panukalang batas na ating inaprubahan, magiging mandato sa Department of Education (DepEd), katuwang ang iba't ibang mga ahensya ng pamahalaan, mga local government units (LGUs), at iba pang mga sektor, ang pagbuo ng National Comprehensive School Safety Framework.
Itatakda ng framework na ito ang mga pamantayan sa paghadlang, pagresponde, at pagbangon mula sa mga banta at insidenteng may kinalaman sa mga insidente ng karahasan. Upang ipatupad ang framework na ito, magiging mandato sa mga paaralan ang pagkakaroon ng School Safety Plan, kung saan ilalatag ang mga pamantayan para sa pagpapaigting ng kaligtasan at seguridad sa mga paaralan.
Ilalatag din sa School Safety Plan ang mga hakbang sa pag-ulat sa mga ospital, police stations, safety zones, evacuation areas, mga referrals para sa mental health, at iba pa.
Magiging mandato rin sa mga paaralan ang pagkakaroon ng School Safety Handbooks, kung saan ilalatag ang mga mahahalagang impormasyon para sa mga mag-aaral, mga magulang at guardian, mga kawani, at iba pa.
Patuloy nating isusulong at susuportahan ang mga polisiya at mga programa upang itaguyod ang kaligtasan ng ating mga mag-aaral. Ang mga paaralan ay dapat nagsisilbing mga ligtas na espasyo para sa ating mga mag-aaral at kanilang mga pamilya, mga guro, mga kawani, at sa buong komunidad. Protektahan natin ang ating mga paaralan.
May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City
o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com





Comments