P207B pera ng bayan, dapat bawiin na sa mag-asawang Discaya

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 22, 2026

DAPAT SC NA ANG UMAKSYON LABAN SA POLITICAL DYNASTY, ATASAN NA ANG COMELEC NA I-BAN SA PAGPA-FILE NG CANDIDACY ANG MAGKAKAPAMILYANG SABAYANG KANDIDATO SA HALALAN – Nagpalabas uli ng kautusan ang Supreme Court (SC) sa Senado at Kamara na "forthwith" o agad-agad ay magpasa na ng batas patungkol sa anti-political dynasty, at ayon sa Korte Suprema ay dapat hanggang fourth degree ang isabatas.
Ibig sabihin, ang nais ng SC na pagbawalang kumandidato nang sabayan sa halalan ang mag-asawa, mag-ama o mag-ina, magkapatid, maglolo o maglola, magpinsang buo, magtiyuhin, o magtiyahin.
Sa totoo lang, hindi ipapasa ng mga magkakamag-anak na pulitiko ang nais na iyan ng SC dahil ayaw nilang mawalan ng power ang buo nilang pamilya, pero nasa Konstitusyon naman na mahigpit na ipinagbabawal ang political dynasty sa gobyerno.
Ang nais nating ipunto rito ay kapag dinedma ng Senado at Kamara ang kautusang ito ng SC, ang dapat gawin ng Korte Suprema ay sila na ang magpasya, atasan ang Comelec na i-ban sa pag-file ng candidacy ang magkakapamilyang pulitiko na sabayang kakandidato sa halalan, period!
XXX
ASYLUM SA FRANCE KAYA ANG INAASIKASO NG MAG-INANG LOREN AT LEVISTE PARA TAKASAN ANG KASONG PLUNDER NA NAKATAKDANG ISAMPA SA KANILA NG OMBUDSMAN? – Muling nag-file si Sen. Loren Legarda ng medical leave mula Sept. 21 hanggang Oct. 9, 2026.
Si Sen. Loren at ang kanyang anak na si Batangas 1st Dist. Rep. Leandro Leviste ay iniimbestigahan ng Ombudsman na may kaugnayan sa P10 billion "ghost electricity" at sa ngayon ang mag-inang ito ay napabalitang nasa France.
Kaduda-duda na talaga ang palagiang pagpa-file ni Sen. Loren ng medical leave. Kaya't ang tanong: Ang inaasikaso kaya ng mag-ina sa Europe ay para sa kanilang asylum para takasan ang nakatakdang kasong plunder (no bail) na isasampa sa kanila ng Ombudsman?
XXX
KAPAG HINDI NA KAKANDIDATO SI SEN. ROBIN, MAY TSANSA NA SI PHILIP SALVADOR NA MAGING SENADOR – Kung totoo ang sinabi ni Sen. Robin Padilla na hindi na siya kakandidato sa 2028 election, ay nangangahulugan ito na malaki na ang pag-asa ni actor Philip Salvador na maging senador.
Tiyak kasi na ibubuhos ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) ang kanilang suporta kay Ipe para magwagi ito sa pagkasenador sa 2028 election, boom!
XXX
DAPAT PURSIGIHIN NG GOBYERNO NA MABAWI SA MAG-ASAWANG DISCAYA ANG P207B PERA NG BAYAN – Sa pagdinig noon ng Senate Blue Ribbon Committee ay nalaman ng publiko na mula 2016 hanggang 2024 ay higit P207 billion ang napasakamay ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya mula sa raket nilang flood control projects scam.
Dapat pursigihin ng gobyerno na mabawi sa pamilyang Discaya ang lahat ng P207B na pera ng bayan dahil kung mababawi ito ay malaking tulong ito pang-serbisyo sa mamamayan, period!





Comments